Hadlang sa makabayan at kritikal na kaisipan

0
233

Kabi-kabilang pagtutol mula sa mga alagad ng sining at kultura, iskolar at mga guro ang sumalubong sa pagkatig ng Korte Suprema sa Commission on Higher Education (CHED) Memo No. 20 na naglayong ibaba sa Senior High School ang pag-aaral ng mga asignaturang Filipino at Panitikan.

Tinawag itong kahangalan ng Concerned Artists of the Philippines (CAP) na anila’y magsisilbi lamang sa interes ng mga naghahari-harian.

“Bagama’t iminumungkahi ng desisyon na nasa kapasyahan na ng mga kolehiyo at unibersidad ang pagpapanatili ng mga asignaturang Filipino at Panitikan, hindi maikakaila, na sa kasalukuyang sistemang pang-edukasyon ng bansa na kolonyal at piyudal at sumususo lamang sa kanluraning balangkas, na wala itong pangil upang tupdin at garantiyahan ng mga paaralan na ilagay sa kani-kanilang mga kurikulum” pahayag ng CAP.

Naniniwala rin ang CAP na sistematiko ang hakbanging ito ng gobyerno na bahagi ng neoliberal na agenda ng globalisasyon. Pinapatay umano nito ang kakayahan ng mamamayan na unawain ang kanilang kalagayan at malaman ang kanilang kapangyarihan bilang sambayanan, na mariing natatalakay sa mga asignaturang Filipino at Panitikan.

“Nasa antas tersiyarya ang bukas at malawak na larangan upang magpingkian ang mga ideya. Ang pag-aalis ng mga asignaturang Filipino at Panitikan rito ay pagkakait sa malalim na pag-unawa sa ating pagka-Pilipino,” ayon pa sa grupo.

Ayon naman sa Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (Contend) isang anyo ng pagpapatahimik sa mga mamamayan ang ginawang ito ng CHED at Korte Suprema.

“Walang pagkakaiba sa pagtotokhang, pandurukot, pagsensura, at iba pang anyo ng panunupil na layong gawing katanggap-tanggap ang ating patuloy na pagkatali sa dayuhang imperyalismo, domestikong pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Pinalalalim nito ang malakolonyal o indirektang dayuhang paghahari ng mga imperyalistang bayan tulad ng Estados Unidos at Tsina sa ating bayan,” sabi pa ng Contend.

Para sa mga gurong kasapi ng Contend, binabaligtad ng hakbang na ito ang malakas na pagsulong intelektuwalisasyon ng Filipino noong dekada ’60 at ’70 na nagbunga ng progresibo, makabayan, at kritikal na kaisipan.

Itinuturing naman ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na isang malaking dagok sa pagkakaroon ng makabayan edukasyon sa Pilipinas ang desisyong ito ng korte.

Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, magiging puspusan lang ang pagtataguyod sa paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa lahat ng antas ng sistemang pang-edukasyon kung puspusan ding itataguyod ang pagtuturo nito bilang asignatura sa lahat ng antas ng edukasyon.

Naniniwala ang ACT na mahalaga at malaki ang papel na ginagampanan ng pag-aaral ng sariling wika at panitikan sa pagtuturo ng makabayang kamalayan sa mga kabataan kumpara sa mga isinusulong ngayon na mandatory Reserved Officers Training Corps (ROTC) sa Senior High School.

“Wala tayong maiaambag sa edukasyong pangkultura ng mga mamamayan ng daigdig kung hindi natin lilinangin ang ating sariling wika, kultura, at identidad,” pahayag pa ng ACT.