Halalan at pasismo

0
227

Ituring na bahagi ng laban kontra pasismo ang halalan.

Hindi itinatago maging ng rehimeng Duterte ang pakay nito sa pagpapatakbo ng mga senador sa ilalim ng Hugpong ng Pagbabago: para makontrol ang Senado at mas mabilis at madulas na mailusot ang mga pakay ng rehimen. Kabilang na rito ang pagrepaso sa Saligang Batas at ang (pekeng) Pederalismo na inaasam-asam nito para lalong makopo ng dominanteng mga angkan at pangkat ang mga probinsiya.

Marami na ang nagsasabi, pero kailangang banggitin pa rin: Mahalaga ang eleksiyon sa pagkasenador. Mahalaga ito sa laban para pigilan ang dominasyon o monopolyo ng pangkatin ng rehimen sa kapangyarihan ng gobyerno. Kasalukuyang nakalatag na ang kontrol nito sa burukrasya, sa pamamagitan ng pagtatalaga ng retiradong mga militar sa mga poder ng Ehekutibo.

Naipuwesto na rin si dating Hen. Eduardo Ano sa Department of Interior and Local Government para sa kontrol at pagtanaw sa lokal na pamahalaan. Sa Hudikatura, napasipa na nila ang independiyenteng Punong Mahistrado na si Maria Lourder Sereno at nagtalaga ng sariling appointee na may utang na loob sa pangulo.

Sa Lehislatura, halos tagatambol at tagapasa na lang ng Malakanyang ang Mababang Kapulungan sa pangunguna ni Gloria Macapagal-Arroyo sa mga batas na gusto nitong maisabatas. Pero di pa nito kopo ang Senado. Marami na itong tao, pero malakas pa rin ang oposisyon (kahit hindi kasing-ingay o tapang ng gusto natin).

Pero maaaring di tumagal ang kalagayang ito. Malinaw na desidido si Duterte na agawin ang Senado. Ilang beses na nagpakalat sa social media ng pekeng resulta ng sarbey, nagsasabing kopo ng HNP ang mayorya sa mga puwesto. Nang lumabas ang kumpirmadong resulta ng sarbey, aba’y nakalalamang nga sina Bong Go at Cynthia Villar, pasok ang mga angkan ng mga korap at pinatalsik na mga pangulo na sina Imee Marcos at Jinggoy Estrada, at pati ang berdugong si Bato dela Rosa at balimbing na si Francis Tolentino.

Maraming dahilan para kuwestiyunin ang sarbey na ito. Pero ang malinaw, nagtatagumpay ang propaganda ng naghaharing pangkatin kontra sa oposisyon.

Samantala , walang pakundangan ang paninira, pananakot at panghaharas sa militanteng oposisyon. Walang duda na mga elemento ng rehimen ang nagpapakalat ng mga black propaganda laban sa mga party-list ng blokeng Makabayan (Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, ACT Teachers, Kabataan) at sa kandidato sa pagkasenador na si Neri Colmenares.

Sa loob ng burukrasya ng gobyerno, pinakilos ng rehimen ang militar at pulis para magpatawag ng mga pagtitipon (mga seminar, oryentasyon, kuno) para ideklarang ang mga partylist, ang progresibong mga organisasyon at kandidatong ito ay mga “prente” ng “komunistang terorista” na target ngayon ng pagbuwag ng gobyerno. Tinatakot nito ang mga umaalyado sa mga progresibo, ang mga komunidad na todo ang pagsuporta sa Makabayan, at nilalason ang social media ng kung anu-anong pekeng balita at paninira.

Kailangang ipakita ng mga progresibo, ng organisadong mga komunidad at sektor, ang tapag at pagka-malikhain nito sa pagsalag sa mga atake ng rehimen. Mabangis si Duterte, pero bangkarote ang ipinagtatanggol niyang naghaharing mga uri at sistema. Ramdam at batid ng taumbayan, kung ipapakita at ipapaliwanag, ang pakay ni Duterte na kopohin ang kapangyarihan.

Kailangang ituring na bahagi ng paglaban sa pasismo ang eleksiyon. Kailangang tipunan ang pinakamalaking bilang ng mga mamamayan, ng mga kapanalig, ng mga alyado, na sumusuporta sa progresibong programa, plataporma at paninindigan ng Makabayan. Ito ang pinaka-epektibong paraan para mabigo ang masasamang plano ng rehimen.

Dahil ito ang palaging nasa harapan ng mga laban ng mga mamamayan, mula sa paglaban sa taas-presyo ng mga bilihin at serbisyo, hanggang makabuluhang dagdag-sahod, pagbasura sa Train Law, pagpigil sa taas-singil sa SSS, at iba pa, kinikilala ang mga progresibo bilang pinuno ng oposisyon laban sa rehimeng Duterte. Kailangang pagkaisahin ang lahat ng puwersa ng oposisyon para mapalakas ang hanay laban sa rehimeng kumukuha naman ng lakas mula sa padrinong mga naghaharing uri, at imperyalistang US at Tsino.

Kung lumakas ang boses ng oposisyon sa halalan, mahihirapang dayain ng rehimen ang halalan nang di mawawalan lalo ng kredibilidad sa sambayanang Pilipino at sa mundo. At kung mandadaya pa rin, tiyak ang galit na sasalubong dito.