Hit-and-run sa West PH Sea

0
314

“Parang alipin po tayo ng China. Parang wala tayong karapatan sa sarili nating nasasakupan.”

Mangiyak-ngiyak na sinabi ito ni Felix Dela Torre, may-ari ng F/B Gem-Vir 1, sa harap ng midya na nakapanayam sa kanya. Ang pag-aari niyang bangka iyung sinasakyan ng 22 mangingisdang Pilipino na sinalpukan ng barko ng bansang China, gabi ng Hunyo 9.

Alam na marahil ng karamihan ang nangyari. Kuwento ni Junel Insigne, kapitan ng Gem-Vir 1, sinalpok ng sasakyang pandagat ng China ang kanilang bangka habang nagpapahinga sila sa gitna ng Recto (Reed) Bank sa West Philippine Sea, katapat ng baybay ng Palawan. Pagkabangga, akala nila tutulungan sila nito. Pero nagpatay ng ilaw ang barko. Bumalik ito pero hindi sila umano tinulungan at inabandona lang sila sa laot.

Nakaligtas ang 22 mangingisda nang saklolohan ang mga ito ng mga mangingisda mula sa Vietnam na nagkataong nasa ‘di kalayuan sa lugar.

Matapos pumutok ang balita hinggil dito, tila bulkang bumulwak ang pagkondena sa China, gayundin kay Pangulong Duterte – na sa mahigit isang linggong nanahimik at hinayaan ang kanyang tagapagsalitang si Salvador Panelo at Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. para magbigay ng palusot sa di pagsalita ng Pangulo at sa ginawa ng China.

Ito lang ang pinakahuli sa walang pakundangang panghihimasok ng China sa mga karagatan na sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea – na inaangkin nito. Mula nang maupo sa poder si Duterte, lalong di mapigilan ang labas-masok ang mga sasakyang pandagat nito para sa pag-angkin ng mga likas-yaman diyo at sa pagtatayo ng mga istrukturang komersiyal at militar.

Sa kabila ng (kadalasa’y nahuhuling mga) diplomatikong protesta na naisampa ng gobyerno ng Pilipinas, nagpapatuloy pa rin ang mga insidenteng ito.

Sinadya o aksidente?

Nang pumutok ang isyu, minaliit agad ng gobyerno ng China ang pangyayari sa pagitan ng mga bangka ng China at Pilipinas sa Recto Bank. Sa pahayag ni Feng Shuang, tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry, isa lang normal na aksidente sa dagat at huwag umanong haluan ng pulitika ang insidente.

Limang araw matapos ang insidente, noong Hunyo 14, naglabas ng pahayag sa midya ang embahada ng China. Dito, itinatanggi ng China na sadyang iniwan ng Chinese vessel (na sinasabi nitong para rin sa pangingisda) ang nabunggong bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank sa West PH Sea noong Hunyo 9.

Sinabi pa ng embahada na “inatake” (“besieged”) daw ng pito o walong bangkang Pilipino ang naturang fishing vessel ng China bago nakabunggo sa isang bangkang Pilipino. Hindi na raw naiwasan ng barkong Tsino ang bangka ng mga Pilipino. Natakot pa raw ang mga mangingisdang Tsino na muling dagsain o atakihin ng mga Pilipino kaya sila umalis.

Matigas na pinaninindigan ni Insigne at ng iba pang mangingisdang Pilipino na nandoon noon na sinadyang banggain umano ng sasakyang pandagat.

Sang-ayon dito ang lider-mangingisda na si Fernando “Ka Pando” Hicap, tagapangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipnas (Pamalakaya). Aniya, batay sa impormasyong lumabas na sa madla, masasabing may intensiyon ang sasakyang pandagat ng China na patayin ang mga mangingisdang lulan ng F/B Gem-Vir 1.

Pati ang hepe ng Philippine Navy, sang-ayon sa sinasabi ng mga mangingisda. Palagay nila, sinadya ang pagbangga sa bangkang lulan ang mga mangingisdang Pilipino. Ayon kay Vice Admiral Robert Empedrad, “Hindi binubunggo ang mga barko na hindi gumagalaw, na nakaangkla. (We don’t ram ships that are not moving, that are anchored.) Makikita mo ‘yan sa radar na ‘di gumagalaw yung barko. So ‘pag ‘di gumagalaw yung barko, bakit mo babanggain?”

Pinabulaanan din ni Insigne na inatake o kinuyog ng nila ang barkong Tsino. “Kami-kami lang ang nandoon. Wala namang ibang bangka doon. Kami lang dahil noong gabing ‘yun [lumubog] nga kami, kami pa ang aatake?” aniya.

Pinasinungalingan din ni Prop. Jay Batongbacal, direktor ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, ang paratang ng China. Aniya, iilang bangkang pangisda lang ang nasa Recto Bank noong gabing iyon, batay sa satellite images na nakalap ng visible infrared imaging radiometer suite (VIIRS).

Nakakabinging katahimikan

Higit isang linggong nanahimik ang administrasyong Duterte. Ayon kay Panelo noon, pinag-aaralan pa umano ni Duterte ang mga datos bago magbigay ng pahayag sa usapin.

At nang magsalita, tila minaliit pa niya ang insidente. “Ang insidente sa dagat ay insidente sa dagat. Pinakamainam na imbestigahan ito. At hindi ako magpapahayag dahil walang imbestigasyon at walang resulta. Ang tanging magagawa lang natin ay maghintay at bigyan ang kabilang panig (China) na karapatang mapakinggan,” sabi ni Duterte noong Hunyo 17.

“Napakaingay niya sa ibang bansa na may reklamo siya, pero dito sa China, medyo tameme,” ayon sa abogadong si Neri Colmenares, convenor ng Pilipinong Nagkakaisa para sa Soberanya (Pinas). “Kung sa ibang bansa ay payag siyang magputol ng ugnayan (tulad ng) sa Canada dahil ayaw tanggapin ang basura,” aniya.

Ayon sa Pinas at Pamalakaya, di sapat ang diplomatic protest lang na inihain ng administrasyong Duterte. Ayon sa kanila, lumalabas na planong ipaubaya lang nito sa gobyerno ng China ang imbestigasyon sa insidente.

Matatandaang ilang ulit na ring nagsampa ang Pilipinas ng diplomatic protest kaugnay ng mga naunang insidente sa pinanghihimasukan ng China na teritoryo ng Pilipinas. Pero wala rin itong positibong tugon. Ayon kay Colmenares, kailangang kasuhan sa pangdaigdigang korte ang China sa paglabag nito sa mga probisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea, Suppression of Unlawful Acts in Maritime Safety at Safety of Life at Sea.

Isinisi naman ng Pamalakaya sa patakaran ng administrasyong Duterte sa pakikipag-ugnayan sa China ang sinapit ng 22 mangingisdang Pilipino sa insidente sa Recto Bank.

“Ang pagpapakatuta ni Duterte ay katumbas ng pang-aapi ng mga Tsino sa mga Pilipino. Ang pinakahuling pandarahas ay insulto sa lahing Pilipino. Ito’y isa sa mga epekto kung ang gobyerno ay hinahayaang di maresolba ang matagal nang sigalot sa dagat at yumuyuko (ito) sa dayuhang nang-aapi. Ang ating mga mangingisda at mamamayan ang maghihirap,” ani Hicap.

Hinihiling ng Pamalakaya ang hustisya hindi lang para sa 22 mangingisda na sinagasaan ng sasakyang pandagat ng China kundi para sa lahat ng mangingisdang Pilipino na patuloy na naghihirap mula sa agresibong panghihimasok ng Beijing sa mga saklaw nating karagatan.