Ito ang panahon ng pekeng bayani

0
224

Opinion, Nov 29, 2021, Rappler.com

Ito rin ang panahon ng tapang at paninindigan

Anak daw ng diyos si Pastor Apollo Quiboloy, at dahil dito, nagkamal siya ng multi-milyong-pisong bahay, mga ari-arian maging sa Estados Unidos, at mala-kultong mga deboto. Pero sa tradisyon nina Charles Manson, David Koresh, at Reverend Jim Jones, inakusahan ng sex trafficking si Quiboloy ng mga otoridad sa US.

Habang halos caricature na ng megalomaniac leader si Quiboloy, marami pang mga lider at celebrity na mas disimulado – kaya’t mas makamandag. Sila’y mga master sa manufactured reality gamit ang keyboard army at troll farms nila sa social media. 

Noong Marso 2019, tinanggal ng Facebook ang 200 fake accounts ni Nic Gabunada, ang media manager ni Pangulong Rodrigo Duterte sa election campaign niya noong 2016. Sa katunayan, pinaimbestigahan ng Senado ang paggamit ng pondo ng gobyerno para sa troll farms na ito.

Hindi ito kataka-taka, dahil ayon sa isang pag-aaral, “mas hindi nakakakilatis ang mga supporter ni Duterte ng kaibahan ng tunay sa pekeng balita.” Ang resulta: namayagpag pa rin si Duterte sa ratings na umabot sa 91% kasikatan hanggang Disyembre 2019.

At kung may troll army si “Tatay Digong,” may isa pang dynasty sa pulitika na bihasang-bihasa sa disinformation – ang mga Marcos. 2014 pa nagsimula ang kampanyang ibalik ang anak ni Ferdinand Marcos sa Malacañang sa pamamagitan ng pagbaha ng online propaganda.

Nakapagtahi ng alamat ang anak ng diktador na tagapagmana siya ng Camelot o Golden Age, kung saan ang Pilipinas ay naging mayaman, maunlad at maganda. (BASAHIN Networked propaganda: How the Marcoses are using social media to reclaim Malacañang)

Ang katotohan, kalahati ng followers ni Marcos sa Twitter ay peke. Halimbawa niyan ang kampanyang #BringBackMarcos. Ang mga account na nagpapakalat ay binuo lamang ngayong mag-e-eleksiyon para magtulak ng ilusyon na nagte-trend ang pro-Marcos na hashtag. 

Bayani, Pinoy style

Ano ba ang bayani? Sa kanluraning konsepto, alinsunod ang bayani sa modelo ng mga Griyego – kakaiba ang lakas at tapang, at kadalasan ay infallible o hindi nagkakamali.

Ayon sa historyador na si Xiao Chua, ang depenisyon ng Pilipino ng bayani ay kakaiba – iyong nagsisilbi sa bayan, at walang inaasahang kapalit. 

Pero sakit daw ng Pilipino ang mag-idolo, kaya’t kapag nagkamali o natalisod ang “lodi” ay todo-depensa. Ito raw ang tinatawag ng college textbook historian na si Renato Constantino na “veneration without understanding” o pagsamba nang walang pag-unawa. Ang mainam daw ay “admiration tempered with critical thinking” o paghangang nakatungtong sa lupa gamit ang mapanuring pag-iisip.

Enter, mga tunay na bayani

Madalas napapabuntong-hininga tayo sa kamalasan nating mapabilang sa walang-simbahong pulitika sa bansa, at tumatangis sa alaala ng “better days.”

Pero sabi nga ni Rappler CEO at Nobel Peace Prize awardee na si Maria Ressa tungkol sa pamamahayag: “There is no better time to be a journalist. You know the times when it’s most dangerous are the times when it’s most important.

Ganyan din sa pagiging Pilipino. Wala ring mas mahalagang panahon na maging Pilipino. Dahil ang pinakadelikadong yugto sa kasaysayan ay ang pinakamapagpasya. 

Ito ang panahon para maging bayani – hindi ang Greek hero type, kundi ang Pinoy hero – nagsisilbi nang walang inaasahang kapalit.

Halimbawa ang mga forest defenders na nasa pusod ng kagubatan at ipinagtatanggol ito para sa lahat, lalo na ang susunod na henerasyon.

O ang mga kabataan, na sa kabila ng panganib ng COVID-19, ay tuloy-tuloy ang volunteerism – sa mga community pantry, civic organizations, medical missions at outreach programs. (PANOORIN #BayaniNow: Stories of youth volunteerism)

Ang pagbubuwag ng kasinungalingan ay bahagi rin ng tawag ng panahon – at isang porma ng kabayanihan.

Bakit hindi nanumbalik ang kulto ni Hitler sa Germany at hanggang ngayon ay mariing itinatakwil ng mga kabataang Aleman? Dahil itinuro nila ang leksiyon ng pasismo sa mga paaralan at textbook. Hindi tulad ng Pilipinas matapos ang EDSA uprising, nag-party, at bumalik sa elitist politics na tinawag ni political science professor Julio Teehankee na “authoritarian contamination.”

Kaya’t kabayanihan ang mag-aral ng karapatang pantao at ng kasaysayan. 

Higit sa lahat, sa araw ng paggunita kay Gat Andres Bonifacio, ikagalak nating may kapangyarihan tayong bumoto sa isang halalang magtatakda ng ating kinabukasan.

Ito ang pinakamainam na panahong maging Pilipino. #WeDecide: Atin ang Pilipinas – Rappler.com