Inihayag ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang pabrika sa Timog Katagalugan ang kanilang mga hiling para maging ligtas sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) ang kanilang mga lugar-trabaho at makatulong sa pag-ahon ng ekonomiya sa kabila ng pandemya at krisis.
Sa isang online press conference, iginiit nila ang pagkakaroon ng libreng mass testing, isolation, pasilidad sa kuwarantina, ayudang pinansiyal, at bayad na quarantine leave, gayundin ang libreng transportasyon at kabuuang pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan ng bansa.
“Pilit umaambag sa pagsikad ng ekonomiya ang mga manggagawa ngunit parang spare part na puwedeng itapon ang turing ng gobyernong Duterte sa kanila. Walang matibay na
plano para pangalagaan ang kanilang kalusugan,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno.
Sinabi pa ni Labog na kayang kayang gawin ito ng gobyerno kung sana’y nasa tamang pagtingin ito at ginagabayan ng siyensiya at pagmamalasakit. Sinabi pa niyang may pondo naman ang gobyerno para sa testing pero “nabubulsa ito ng kurakot na mga opisyal.”
“Responsabilidad ng gobyerno na seguruhin na ligtas ang pagtatrabaho ng mga manggagawa. May karapatan sila sa buhay at kaligtasan. Nasa 80-90 porsiyento na ang operasyon ng ilang mga pabrika pero wala pa ring 100 porsiyento ang kaligtasan ng manggagawa,” dagdag ni Labog.
Itinuro pa niya na may nakalaang bilyong pondo ang PhilHealth para sa testing sa mga manggagawa sa industrial belts at export-processing zones. Binigyan-diin ni Labog na dapat kasama rin sa matutulungan ang kontraktuwal na mga manggagawa at ang mga nasa di-regular na moda ng empleyo.
“Hindi lang mass testing. Dapat palakasin ang mga hakbang para sa contact-tracing at pakinisin ang mga hakbang na ito sa pagseguro ng gobyerno na mabigyan ng ayudang pinansiyal ang mga manggagawa sa kanilang kuwarantina. Kailangang makapagtayo ng mga pasilidad para sa isolation sa loob ng mga EPZs at libreng makapaggamot sa mga maysakit na manggagawa,” sabi pa ni Labog.
Dagdag pa ng lider-obrero, kailangang maseguro rin ang libre at ligtas na transportasyon ng mga manggagawa. Dapat tugunan umano ito kapwa ng mga employer at lalo na ng pambansang gobyerno.
Iginigiit umano ng KMU at mga manggawa ang pagpapalakas at reoryentasyon ng batayang sistemang pangkalusugan para maging abot-kamay sa mga mamamayan lalo na sa panahon ng pandemya.
Kailangang seguruhin din ng gobyerno ang malayang pagtatayo ng lokal na occupational safety and health committees sa pagitan ng mga manggagawa. Dapat na maitayo ito mula sa antas ng pabrika at maayudahan para direktang makatugon sa pandemya sa hanay ng mga manggagawa.
“Mga manggagawa ang motibong puwersa sa produksiyon. Kung talagang gusto ng gobyerno na buhayin ang ekonomiya, dapat magsimula ito sa pamamagitan ng pagkakalinga sa mga manggagawa. Dapat makinig ito sa hiling ng mga manggagawa. Mas alam natin ang dapat,” pagtatapos ni Labog.