#KampuhanKontraKontraktwalisasyon | Bryan, kontraktwal na tinanggal sa Jollibee

0
218

‘Bida ang saya’, ito ang tagline ng nangungunang fastfood chain sa bansa, ang Jollibee Foods Corporation o Jollibee. Ngunit sa nararanasan ng mga manggagawa nito sa ilalim ng kontraktwalisasyon ay tila mailap hanapin ang saya sa kanilang pagtatrabaho.

Isa ang 31 taong gulang na si Bryan Formanes na iligal na tinanggal ng management ng Jollibee. Nawalan siya ng trabaho matapos tanggalin ng Jollibee ang kanyang manpower agency sa commissary at warehouse nito sa Parañaque ilang araw bago mag-expire ang kontrata ng agency sa Jollibee. Ito rin ay nangyari ilang buwan matapos maglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng compliance order na gawing regular ang mga service crew ng Jollibee sa kanyang mga fastfood store.

Nagtatrabaho bilang RQI o Request from Quality Inspection sa loob ng apat na taon si Bryan sa nasabing pagawaan.

Kwento ni Bryan, rest day niya noon nang nag-chat siya ng isa niyang kasamahan na “Pre, punta ka dito.” At doon ay sapilitan silang pinapirma sa isang papeles na nagsasaad na ipupull-out na sila at wala na silang anumang kaugnayan sa Jollibee. Aniya ay management at agency nila ang pwersahang nagpapapirma sa kanila.

Nangyari ang nasabing tanggalan noong June 17, 12 ng hatinggabi.

“Yung management, ‘di kami hinaharap. ‘Pag ‘di kasi kami pumirma dun sa papeles, pinapagwardiyahan kami,” ani Bryan.

Ayon pa kay Bryan ay ‘di rin sila nakakatanggap ng mga benepisyo, nakakakuha lang sila ng 300 na gift check na pampalubag loob kada taon tuwing Pasko.

Sa kasalukuyan ay mayroong 25 na mga manggagawa ng Jollibee ang nagkakampuhan ngayon sa Mendiola upang patuloy na kalampagin ang estado hinggil sa kanilang kalagayan at upang iregularisa silang mga manggagawa. Galing na sila sa kanilang kampuhan sa labas ng warehouse na nakatayo sa loob ng 17 araw at lumipat sila sa Kampuhan Kontra Kontraktwalisasyon sa Mendiola noong Hulyo 18.

Dahil sa Pas Logistics na bagong pasok na agency ay tinanggal sila at nagpasok ng bagong mga trabahador sa Jollibee.

“Sabi na ng DOLE ay iregular kami kaso ayaw ng Jollibee. Matigas ang ulo, umiiwas sa mga manggagawa,” wika ni Bryan.

Dagdag pa niya ay sa loob ng dalawang taong pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte ay walang pagbabago sa kalagayan ng mga manggagawa. Kung kaya’t makikiisa siya sa darating na pagkilos sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Duterte upang marinig ang kanilang mga hinaing at maikwento kung bakit sila tinanggal.

The post #KampuhanKontraKontraktwalisasyon | Bryan, kontraktwal na tinanggal sa Jollibee appeared first on Manila Today.