#KampuhanKontraKontraktwalisasyon | Dong at ang 17 taong paglaban ng mga tinanggal na manggagawa ng Toyota

0
179

Sa taong 1997, nagsimula ang ngayo’y 48 anyos na si Eduardo Gado bilang regular na welder sa planta ng Toyota. Hindi siya nakatanggap ng sapat na sahod at benepisyo at natanggal noong 2001. Kinikilala siya sa palayaw na “Dong.” Ibinahagi rin niya na miyembro siya ng Toyota Philippine Motors Association (TPMA).

Itinayo ang unyon noong 1990 sa Bicutan, sampung taon ang pagitan matapos itayo ang kumpanya ng Toyota sa Pilipinas. Ngunit nagkaroon din ng planta sa Santa Rosa, na ayon kay Dong ay mas high-tech at malawak kung ikukumpara sa unang planta.

Tatlong yugto ng pamumuno ng unyon ang dinanas ng mga miyembro. Ang una nilang presidente ay nabayaran kung kaya’t hindi naging malakas ang pamamalakad. Ang ikalawa’y nagkaroon ng teknikal na problema’t dinaan sa legal ng kumpanya. At ikatlo’y ang kasalukuyang tuwid na namumuno sa unyon ng mga manggagawa sa Toyota. Ayon kay Dong maayos ang naging pamamalakad at mas lumakas ang unyon.

Layunin ng TPMA ang magbahagi ng pag-aaral sa kasaysayan ng lipunan at karapatan upang magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga manggagawa’t hindi umiral sa kanila ang pamamanipula’t pananamantala ng kanilang pinagsisilbihan.

Napagtagumpayan ng unyon ang pagpapatupad ng CBA o Collective Bargaining Agreement at sa pamamagitan ng pag-file ng petisyon at pagwewelga kung saan naibigay ang karagdagang sahod sa inilaan na lakas paggawa. Itinatayang ₱16,000 lamang ang sahod ng mga manggagawa sa Toyota kada buwan ngunit nang naipatupad ang CBA ay naging ₱40,000 na ang kada-buwan nilang sahod.

Subalit naging sakripsyo rin ito sa iilang miyembro ng unyon dahil sa pagkakatanggal nila sa trabaho. Ang bilang ng mga miyembro ay nasa 800—halos 500 ang tinanggal at 233 na lang ang natitirang aktibong kasapi at may matibay na naninindigan na handang ilaban ang karapatan ng mga manggagawa hanggang sa kasalukuyan.

“Ang Toyota dahil isa siya sa pinakamalaking negosyo dito sa bansa ganoon siya kalakas sa gobyerno. Bakit? Noong mag-CBA na kami, imbes na harapin yung manggagawa, tinanggal, para makaiwas siya doon sa obligasyon. Kasi diba pag nag-CBA, diba may pagkakataon na tataas yung sahod ng manggagawa kasi iyon ang ipaglalaban namin. Kaso ayaw ng mga malalaking negosyante kasi ang katanggian nila, swapang sila eh. Gusto nila tubo lang ng tubo, kita ng kita, at ang tingin nila sa mga maggagawa gastos lang,” kwento ni Dong.

Tumagal ang mga pioneer na illegal na tinanggal sa kompanya ng Toyota ng 17 taon. Ang iba’y mula pa sa Timog Katagalugan. Ayon pa kay Dong inaabutan na lamang sila ng pera upang hindi na bumalik pa, sapagkat kung mananatili sila ay mas lalakas ang pwersa ng unyon sa loob ng pabrika at hihina ang pananamantala ng mga namamahala sa kumpanya.

Nang mawalan ng trabaho si Dong nagsimula siyang pumasok sa konstruksyon, pagiging drayber, karpintero, at latero. Naging paextra-extra na lang at hindi na nakapasok sa permanenteng trabaho sapagkat kinasuhan sila ng mga criminal na kaso, isang paraan upang sumuko sa laban at dahil sa nangyari ay may ban na sila sa NBI. Hindi na pupwede mag-abroad at kakailanganing magtiyaga na lang sa kung ano ang mapapasukan sa bansa.

“Kapag nagtrabaho ka kasi sa loob para kang robot, ‘pag pumatak yung oras wala ng tigil ‘yan. ‘Pag tumunog ulit ‘yon, doon ka lang titigil, kasi machine yung susundan mo eh. ‘Pag naiwan ka ng machine, ‘di titigil yun, ‘di ka hihintayin non, machine eh, hahabulin mo. At ‘pag di mo nahabol, titigil iyon, wawangwang na iyon. Kaya parang robot ka roon, kalkulado lahat ng galaw mo,” paglalahad ni Dong sa karanasan niya sa loob ng pabrika.

Madalas pa’y sumusobra sila sa oras sa trabaho, subalit minsan lang makatanggap ng overtime pay.

Sa kabila ng pagmamalabis na naranasan, nakuha pa rin na maging positibo ni Dong.

“Nagtrabaho tayo, natanggal, tuloy ang laban natin at tuloy rin ang laban para sa mga kapwa natin manggagawa. Tumutulong tayo para magtulungan at sa ganoon ay tulungan din tayo, give and take. Hindi lang manggagawa pati mga sector pag may laban sama tayo dahil pare-pareho ang problema natin, tulungan,” aniya.

“Bakit tayo kailangan magtulungan? Kasi pinagtutulungan tayo,” sambit niya.

Nag-iwan ng maganda at mapagpamulat na kataga si Dong bago matapos ang panayam: Ang laban ng mga manggagawa bilang hukbong mapagpalaya ay ang laban ng lahat ng sektor sa masa.

The post #KampuhanKontraKontraktwalisasyon | Dong at ang 17 taong paglaban ng mga tinanggal na manggagawa ng Toyota appeared first on Manila Today.