#KampuhanKontraKontraktwalisasyon | Ka Luis, 45 taong kontraktwal sa Harbour Centre

0
205

Napakabigat na trabaho kung tutuusin ang ginagawa ng isang 64 taong gulang na si Ka Luis Ormillada. Ngunit kahit sa loob ng 45 taong pagtatrabaho niya sa Harbour Centre ay malakas at masigasig pa rin siya sa pagbabanat ng buto.

Harbour Centre Port Terminal, Inc. ang isa sa mga naglilipat ng mga bakal, bigas at iba pang mabibigat na produkto mula sa iba’t ibang bansa upang tunawin at gawing mga kotse, piyesa at maraming pang iba. Pag-aari ito ni Reghis Romero, Sr.

Si Ka Luis ay isang operator sa nasabing pagawaan at kitang-kita ang bakas ng mga nagdaang panahon sa kanyang mukha’t pangangatawan kung gaano na siya katagal dito.

Katulad ng ibang mga pagawaang naka-welga o manggagawang tinanggal na nakapiket ngayon ay parehas din ng kinahaharap na suliranin nila Ka Luis. Ito ang pabigat na kontraktwalisasyon.

“Sa agency lang kami regular pero sa mismong management ay hindi. Regular lang kami sa papel,” ani Ka Luis.

Aniya, in-absorb naman sila sa trabaho ngunit sa pamamagitan lamang ng papel na wala pang katiyakan. Nag-file din sila ng demanda laban sa iligal nitong ‘labor-only contracting’ na pumapatay sa kabuhayan at produktibidad ng mga katulad ni Ka Luis na manggagawa.

Nauna na silang dineklarang regular ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ngunit umapel ang kumpanya kaya’t tumungo na rin ang labanan sa ‘money claim.’ Aabot sa P 99.8 milyon ang babayaran ng management ng Harbour Centre sa mga manggagawa nito sa buong panahong kulang ang pinapasahod sa mga ito at kulang-kulang ang mga benepisyo samantalang ‘necessary and desirable’ ang kanilang trabaho sa kumpanya.

Nagkaroon na rin ng mga diyalogo sa pagitan nilang mga manggagawa at ng management ng Harbour Centre, ngunit limitado lamang ang naaabot sapagkat hinahaluan ito ng pagbabanta sa mga manggagawa.

“Wala kaming kasiguraduhan habang nagtatrabaho. Mayroon na akong kasamahan na namatay diyan, kapag nagkakasakit eh binibigyan lang ng 500mg na gamot na tabletas,” wika ni Ka Luis.

Umaabot ng P 800 kada 12 oras ang kanilang sinasahod. Pero bukod dito ay inoobliga din sila ng management na dumaan ang pera nila sa iligal na pautang na “5-6” na pakana rin ng agency na tingin nila’y pagmamay-ari rin ng kumpanya. Ito ay dahil kulang at matagal bago nila makuha ang sahod kaya napipilitan silang mangutang. At kahit labag sa kanilang kalooban ay kumakagat na lang din sila dito.

Dagdag din ni Ka Luis, tumatanggap man sila ng mga benepisyo, ngunit kulang-kulang naman.

Agosto 2016 ay itinayo ang kanilang unyon na Samahan ng mga Manggagawa ng Harbor Centre at Bise Presidente dito si Ka Luis. Malaking bagay ito para sa kanila sapagkat naipaglalaban nila ang kanilang mga karapatan bilang mga manggagawa. Aniya ay mula noon ay isinantabi na niya ang kanyang sariling interes sapagkat hindi lang ito laban niya, kundi laban nilang manggagawa sa Harbour Centre, at ito ay malaking usapin din ng kanilang hanapbuhay.

“Lima ang anak ko, dahil sa trabaho ko na ‘yan ay nabuhay ko sila,”sabi ni Ka Luis

Kung tutuusin, ang hanapbuhay niya na ito ay ang dahilan kung  bakit patuloy niyang nabubuhay at nairaraos ang kaniyang pamilya. Ngunit sa kabilang banda, ito rin ang unti-unting pumapatay sa kanilang mga manggagawa, pinalalala pa ang kanilang paghihirap ng kontraktwalisasyon.

“Kailangang ibasura iyang kontraktwalisasyon na nagpapahirap sa mga manggagawa. Kapag hindi kami naregular, ito ang magpapatalsik sa kanya [Duterte],” ani Ka Luis.

At nang tinanong ko si Ka Luis kung bakit siya sasama sa darating na pagkilos ng mamamyan sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ay simple lang naman ang kanyang naging tugon.

“Gusto kong lumaya ang bayan.”

The post #KampuhanKontraKontraktwalisasyon | Ka Luis, 45 taong kontraktwal sa Harbour Centre appeared first on Manila Today.