Naglipana sa Facebook ang litrato ng mga taong tumutuligsa sa pagpapababa ng edad na kailangan para maikulong, o minimum age of criminal responsibility (MACR). Pinili nila ang litrato noong sila’y bata pa, paminsa’y bungal, nakangiwi, o nakatitig sa kawalan. Kasama ng mga litratong ito ang kuwento ng kanilang pagkabata, kung paano sila unang nagkaroon ng away magkapatid, kung paano sila nakikipaglaro ng patintero—kung paano sila nagbabad sa kanilang kamusmusan.
Bahagi ito ng kampanya na tutulan ang pagbaba ng MACR mula
15-anyos patungong siyam na anyos na lamang. Giit ng marami, ano ba ang alam ng
siyam na anyos? Ni hindi nga kinikilala ng batas ang kakayahan nilang makaboto
pagkat musmos pa nga, ngayong pagkakakulong ang usapan, iba na.
Kung susuriin ang payo ng iba’t ibang doktor at counselor pagdating sa pakikitungo sa mga siyam na taong gulang na mga bata, halos iisa ang puso ng kanilang mensahe: ang edad na ito ay panahon ng pagdiskubre ng sarili, ng kapwa, at ng pakikisangkot sa komunidad. Dito, hindi pa buo ang pag-intindi ng bata sa kanyang kinalalagyan sa lipunan. Sa edad na ito, kritikal ang paggabay ng nakatatanda. Malayo pa sila sa kinalalagyan ng milyon sa ating pupuwede nang pumirma nang walang permiso ng magulang.
Imbis na suporta at pagkalinga, pagtugis ang inaabante ng
administrasyong Duterte na walang ibang inintindi kundi ang walang direksiyong
pagpapakulong at pangingikil sa pinakabulnerableng mga miyembro ng lipunan: ang
mga maralita, ang mga minorya, at ngayo’y pati mga menor de edad.
Iisang kanta na lang rin ang pinapatugtog ng rehimeng ito.
At kung hindi man dumating ang panahon na makabuo ng magandang solusyon,
nariyan naman ang kulong. Kung ano iniintindi ng mga sumusuporta sa pagpapaba
ay ang pagtigil sa mga sindikatong gumagamit ng mga bata, bakit hindi paigtingin
ang mga operasyon laban sa mga sindikato? O masyado ba itong malaking hiling
para sa isang gobyernong ang alam lang naman puntiryahin ay ang ordinaryong
mamamayan kaysa ang mga organisadong crime group na pinagkakakitaan ng
nagsisiyamang mga punong kawatan.
Ito ngang 89 taong gulang na si Imelda Marcos, na buo na ang
pag-iisip ngayon at noong nandarambong silang magpapamilya ay kayang kayang
protektahan ng hustisya’t batas. Sa bagay, sino nga lang ba ang may kakayahang
umabot sa ganyang edad kundi silang mga bampirang kumukuha ng lakas sa kaban ng
bayan. Habang ang mga tulad ni Imelda’y nagpapakasarap sa mga mansiyon, anong
kinabukasan ang haharapin ng kabataan ngayon pa nga lang na sa buong Pilipinas,
hindi aabot sa 60 ang pasilidad na pupuwede sa mga batang lumabag sa batas?
Kadalasan pa’y galing ang mga ito sa maralitang mga pamilya, o kaya naman ay naulila na—mga biktima ng pagkakataon at sistema. Ang biktima, kinakalinga, tinutulungang makabangon. Pero posas at dahas lang ang nakikitang solusyon ng gobyernong hindi tumitingin sa danas ng mga mamamayan.