Karapatan laban sa di-makatuwirang panghahalughog

0
449

Simula nang mauso ang laban kontra droga ng administrasyong Duterte, binalewala na ng gobyerno ang karapatan ng mga mamamayan laban sa hindi makatarungang panghahalughog.

Ang karapatan ng mga mamamayan laban sa hindi makatuwirang panghahalughog ay ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas.

Sa Seksiyon 2, Bill of Rights ng ating 1987 Konstitusyon, ito ang sinasabi:

“Seksiyon 2. Ang karapatan ng taumbayan na magkaroon ng kapanatagan sa kanilang sarili, pamamahay, papeles at mga bagay-bagay laban sa hindi makatwirang panghahalughog at pagsasamsam sa ano mang layunin ay hindi dapat labagin, at hindi dapat maglagda ng warrant sa paghalughog o warrant sa pagdakip maliban kung may malinaw na dahilan na personal na pagpapasyahan ng hukom matapos masiyasat ang mayhabla at ang mga testigong maihaharap nya sa ilalim ng panunumpa o patotoo at tiyaking tinutukoy ang lugar na hahalughugin at mga taong darakpin o mga bagay na sasamsamin.”

Pero mula nang manungkulan ang administrasyong Duterte at simulan nito ang laban kontra sa pinagbabawal na gamot ay binalewala na ng ating mga kapulisan ang batayang karapatang ito ng mga mamamayan.

Malimit natin marinig ang kuwento ng ilang taong hinalughog ang personal nilang gamit dahil sa pagsususpetsa o paghihinalang nagtatago sila ng pinagbabawal na gamot.

Pero sa kasong People vs. Jerry Sapla (G.R. No. 244045) na dinesisyunan ng Korte Suprema nito lang Hunyo 16, 2020, nilinaw ng Mataas na Hukuman na ang laban kontra droga ay hindi puwedeng manaig sa batayang karapatan ng mga mamamayan laban sa hindi makatuwirang panghahalughog.

Sa nasabing kaso, nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang mga pulis sa lungsod ng Tabuk, Kalinga na diumano ay may taong nakasakay sa isang pampublikong jeep papuntang Isabela na may dalang sako na ang laman ay marijuana.

Naglagay sila ng checkpoint sa daan at inabangan ang pagdaaan ng nasabing sasakyan.

Maya-maya, nakatanggap sila ng text message na nakasuot ng puting t-shirt at pulang sombrero ang nasabing tao at may dalang kulay asul na sako.

Nang makita nila ang jeep, pinara nila ito at hinanap sa mga pasahero ang nasabing tao.

Nakita nila siya at napansin na ang sakong asul ay nasa kanyang harapan. Tinanong nila sa kanya kung siya ba ay may-ari ng sako at pinabuksan ito sa kanya.

Tumambad sa kanilang paningin ang apat na blokeng marijuana na nakabalot sa dyaryo. Kinasuhan nila itong si Jerry ng Violation of Dangerous Drugs Law at ikinulong. Itinanggi naman ni Jerry ang paratang sa kanya at sinabing hindi siya ang may-ari ng nakuhang marijuana.

Ayon sa desisyon ng Regional Trial Court, may kasalanan itong si Jerry. Hinatulan siya ng habambuhay na pagkakakulong.

Inakyat naman ni Jerry sa Court of Appeals ang kanyang kaso pero hindi pa rin nabago ang hatol.

Napilitang umakyat si Jerry sa Korte Suprema.

Sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na ang karapatan laban sa hindi-makatarungang panghahalughog ay isa sa pinakamataas na karapatan ng mga mamamayan at ito ay dapat igalang kung nais nating manatiling demokrasya ang ating lipunan.

Kung kaya, dapat sundin ang nakasaaad sa ating Saligang Batas na makatwiran at legal lang ang panghahalughog kung ito’y ginawa batay sa isang search warrant na inilabas ng hukuman.

Ganumpaman, sabi ng Korte Suprema, may mga pagkakataon na tinuturing na legal pa rin ang panghahalughog sa isang sasakyan (moving vehicle) kahit ito’y walang warrant.

Una sa lahat, dapat ang pakay na halughugin o inspeksiyunin ay ang sasakyan mismo at hindi ang pasahero nito.

Sa kaso ni Jerry, malinaw na siya ang pakay ng panghahalughog at hindi ang sasakyan. Hinanap kaagad siya ng mga pulis at ang kanyang bagahe lamang ang hinalungkat.

Pangalawa, dapat ang panghahalughog ay may probable cause o makatuwirang dahilan. Ayon sa Korte Suprema, hindi maituturing na may probable cause ang isang panghahalughog na batay lamang sa binigay na tip ng isang nagmamalasakit na mamamayan.

Ang sinasabing tip ay maituturing na hearsay information kung saan walang personal na kaalaman ang mga kapulisan sa nilalaman ng impormasyong binigay.

Dahil sa paglabag sa batayang karapatan na ito ni Jerry ay inutos ng Korte Suprema na hindi dapat tanggapin bilang ebidensya ang nakuhang marijuana mula sa kanya.

Inutos ng Korte Suprema ang pagpapalaya kay Jerry.

Ang desisyong ito’y malaking dagok sa kampanya laban kontra-droga na sinusulong ng kasalukuyang administrasyon. Sa kampanyang ito, basta na lang manghahalughog sa personal na gamit ng isang tao ang kapulisan dahil sa hinalang may tinatago syang bawal na gamot.

Ang karapatang pantao’y karapatan ng lahat, drug addict man o hindi.

Dapat makinig dito ang administrasyong Duterte.