#KilusangMayoUno

0
246

Para saan at para kanino ang #KilusangMayoUno?

Labing-isang salaysay ng pagsubok, adhikain, at mga pangarap galing mismo sa iba’t ibang uring manggagawang Pilipino na dumalo sa malawakang pagkilos sa Mayo Uno.

Michael, 28. Production line worker.

Limang taong naging contractual bago maging regular.

Maraming benepisyo ang pagiging regular. ‘Pag regular ka at nasama sa union, may grupo ka na maaasahan. ‘Pag contractual ka at tatanggalin ka ng management, tanggal na agad. Wala kang laban, wala kang kakapitan.

Domingo, 56.

Apatnapung taon bilang magsasaka sa Norzagaray, Bulacan.

Dinemolish kami sa mga bulubundukin nang walang sapat na batayan. ‘Dun kami sa lupa natutulog, walang naging aksyon ang gobyerno, puro paasa lang sa amin. Walang tumutulong sa’min ngayon. Pansamantala ang mga bata sa lupa natutulog kaya kawawa ang kawalan at pag-demolish ng bahay namin nang walang dahilan. Dumating na lang sila at pinagmamatilyo ang mga bahay namin.

Duterte, ibigay mo ang tunay na reporma sa lupa. Tulungan mo kaming mga magsasaka. Sa isang taon, halos P12,000 lang ang kinikita namin.

Flora, 69.

Organisador ng mga vendor, urban poor, at kababaihan.

Sa kababaihan, una ay ang usapin ng maternity leave. Lalo’t kapag ika’y hindi regular, hindi mo makukuha ang benepisyong ito. Ang babae, maraming disadvantages. Kung ikaw ay nabuntis, nanganak, at wala ka sa trabaho, wala kang benepisyo bilang kontraktwal.

Pangalawa, para sa mga bata sa pagawaan. Nasa batas na dapat may lugar kung saan pwedeng iwan ang mga anak habang kumakayod ang nanay. Hindi ito pin-provide ng mga kapitalista.

Monica, 18.

Isang taon at kalahating ricemill worker.

Nagbubuhat kami doon, naghihintay ng truck kung ilan mapupuno namin. Kung ilan mabubuhat namin, ‘yun lang kikitain namin. Isang sako, dos lang. Sa isang araw mga 30 sako lang ang nakakaya namin. 60 pesos sa isang araw.

Bago sahod, dapat tapusin muna trabaho. Alas-otso nang gabi hanggang alas-otso nang umaga, ‘pag hindi mo siya natapos hindi ka sasahuran. Tapos puyatan, hindi ka makaka-uwi nang tatlong araw hanggang isang linggo. May araw talaga na hindi ka kikita kasi kung sino lang kukuhanin nila, ‘yun lang bibigyan ng trabaho.

Lumuwas pa po kami galing sa Pandi, sa Bulacan, para makasama ngayon.

Solita, 57.

Titser ng Grade 9, Filipino subject.

Tatlumpu’t apat na taon nang guro. Naka-tatlong paaralan muna bago maging regular.

Unang una ang mga estudyante ang tumatamasa at apektado sa nangyayari sa edukasyon dahil sila ay mga kabataan, sila ang tatamaan ng hindi magagandang polisiya ng DepEd. Kailangan nilang malaman na sila ang kawawa pagdating ng panahon kapag pinagpatuloy pa rin ito. Kapag sila ay naging ganap na manggagawa, kawani, at itong mga bagay na ‘to ay hindi nila sinolusyonan, tatamasahin din nila ang ganitong pangyayari. Ngayon pa lang gawin na, makiisa na, dahil pagdating ng araw, hindi magandang sila pa rin ay ganito. 

Celso, 51.

Tatlumpu’t tatlong taon nang jeepney driver.

Biyaheng Guadalupe – Guinto.

Pagmamaneho ng dyip ang bumuhay sa pamilya ko ngunit nitong bandang huli, medyo magulo at mawawalan kami ng pang-hanapbuhay katulad ng inuubos na ang mga luma at gagawing bago ang sasakyan. Tapos 35 edad pataas ay hindi na raw puwedeng magmaneho. Paano na kaming 50+ na, malakas pa maghanapbuhay, malakas pa magmaneho? Hindi na pala kami pwedeng maghanapbuhay?”

Malaki ang epekto sa amin ng jeepney phaseout. Tulad ng ginagawa ng LTFRB ngayon, walang nagsisibyahe dahil takot mahuli. Sasabihin nila dalawang taon, pero yung dalawang taon ipaubaya nalang sana sa aming mga drayber at ‘wag na kami patubusin nang malaki dahil Pilipino rin naman sila at naiintindihan nila ang kahirapan namin dito.

Roy, 52.

Sampung taon bilang Coca-Cola worker.

Sana bigyang halaga ang mga manggagawa at ibasura ang pinagmamalaki nilang kontraktwalisasyon na ibinabanda nila sa mga investor sa ibang bansa. Kesyo madaling i-hire, madali rin tanggalin nang walang kahirap-hirap. Ayaw namin. Ang gusto namin ay bigyan kami ng halaga bilang tao. Bigyan ng dignidad, may binubuhay na pamilya.

Ang isang manggagawa ay katulong ng ekonomiya sa paglago ng ating bansa. Kung walang isang manggagawa — kahit tagawalis lang sa kalsada, ay hindi aasenso ang bansa. Ito ang gulugod — ang manggagawa. Hindi tatakbo ang ekonomiya ng bansa kung walang manggagawa.

Pag umunlad ang manggagawa, uunlad din ang bansa. Kung pinapaunlad lang natin ay ang mga mayayaman, hindi aasenso ang ating bansa.

Christian, 21. Construction worker.

Magtatatlong-taong contractual sa September.

Sa kumpanya namin, pakyawan po kasi. Ang dinadahilan ng kumpanya namin, unahan kaming lahat kaya wala kami makukuhang benepisyo. 13 month pay, benepisyo ng SSS, Philhealth, marami ang hindi nabibigay.

Hindi madali maging construction worker. Sa akin nakasalalay ang ikabubuhay ng pamilya namin.

Napaka-importante ng Mayo Uno dahil ito ang pagkakaisa ng mga manggagawa upang malutas ang problema at maibigay ang lahat ng pangangailangan. 

Mar, 45.

Tricycle driver since 2007.

Kaya kami nandito para suportahan ang mga pasahero naming manggagawa. Kitang kita namin na apektado sila sa napakababang sweldo. ‘Yung iba naaawa ako kasi naglalakad na lang sila papunta sa sakayan ng bus.

Suportado ako sa P750 arawang sahod dahil apektado talaga ang hanapbuhay namin bilang isang trike driver dahil sa pagtitipid ng mga sumasakay.

Kasama ko ngayon ang asawa ko, ang panganay ko at ang aking bunso.

Nursing attendant, 29.

Tatlong taon at apat na buwan nang kontraktwal.

Duty namin ay 12 hrs pero hindi naman kami nagrereklamo sa ganung sitwasyon dahil maswerte na at binibigyan kami ng pagkakataon mag-off. Tulad ko, nag-start ako sa P466 na sahod noon. Pinagtyagaan ko yun — ramdam, naranasan, at nakita ko kahit pare-parehas kaming manggagawa. Pantay-pantay ang trabaho ng bawat isa pero ang compensation na sapat ay hindi namin nararanasan. Karamihan sa amin ito ang dahilan kung bakit nagre-resign.

Ang gusto kong mailabas na concern ay ‘yung benepisyo at compensation, i-patas sa mga regular dahil para kahit papaano naman ay maramdanan namin yung pagpapahalaga sa amin bilang isang contractual. 

Ka Philip, 41.

Labing-anim na taon bilang janitor, ngunit hanggang ngayon contractual pa rin.

Ang sahod sa panahon ngayon ay ‘di sapat sa nararanasan nating pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Sahod naming ay P512 sa isang araw. Kakarampot at halos walang katiyakan sa aming trabaho. Nandyan lagi ang pangamba na matanggal sa trabaho sapagkat galing lang kami sa isang ahensya.

Kahit kami ay janitor, nagsisikap kami na mapanatili sa aming trabaho, at nangangarap rin kaming maging regular. Pangako ni Pangulong Duterte na tanggalin ang kontraktwalisasyon at gawing regular, subalit nananatili lamang itong isang pangako sa panahon ngayon.

Mga kuha at interbyu ni Pau Villanueva

The post #KilusangMayoUno appeared first on Manila Today.