Nagtipon-tipon ang mga labor groups na pinangungunahan ng Kilusang Mayo Uno, upang ipanawagan at ipaabot sa Department of Trade and Industry (DTI), Employers Confederation of the Philippines (ECOP), at sa main office ng Shell sa lungsod ng Makati ang kanilang mga hinaing patungkol sa sinasabing “Triple Whammy” – pagtaas ng presyo ng mga bilihin , mababang sahod ng mga manggagawa, at kontraktwalisasyon.
Ang mga nasabing problema’y kaakibat ang paghihirap na nadadanasan ng mga manggagawa, lalo na sa hanay ng mga kontraktwal.
Para sa kanila, ang pagtaas ng mga bilihin dulot ng TRAIN LAW ay paghihirap ang epekto at pagkasadlak sa mga manggagawa na tumatanggap lamang ng mababang sahod samantalang patuloy ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin, pamasahe, at ang pagtaas muli ng presyo ng langis.
“Sa kasalukuyan po hindi na nga nadagdagan ang sahod ng mga manggagawa ay dinagdagan pa ng pasakit ng gobyerno ang mga manggagawang ito sa pamamagitan ng pagsasabatas o pagpapairal ng TRAIN Law na ito, na siyang pangunahing nakaaapekto sa mga pangangailangan ng maliliit na mamamayan,” sabi ni Maristel Garcia, Spokesperson ng Alyansa ng manggagawa laban sa Kontrakwalisasyon (ALMAKON).
Kinundena rin ng mga grupo ang DTI dahil hindi raw nito nakikita ang pasakit dulot ng Train Law at lalo pang itinulak ang mga polisiyang ito upang magkaroon ng VAT, excise tax at deregularisasyon sa presyo ng langis.
Reklamo naman nila sa ECOP ang pagbabasura nito sa proposal ng Makabayan bloc sa Kongreso sa pamamagitan ng House Bill 7787 na dagdagan ang sahod ng mga manggagawa na kamakailan lamang ay sinabi ng ECOP mula kay Ginoong Sergio Ortiz-Luiz na imposible itong mangyari sapagkat ang pagpapataas sa sahod ay magdudulot lamang ng pressure sa inflation. Ngunit para sa mga labor groups, hangad lamang nila ang tubo.
Ayon rin sa Alyansa ng mga Manggagawa Laban sa Kontraktwalisasyon (ALMAKON), ang makikinabang lang umano sa pinirmahan ni Duterte na Executive Order number 51 ay ang ECOP at hindi ang mga manggagawa. “Nagsisilbi lamang ang ilang ahensya ng gobyerno sa malalaking negosyante, malalaking kapitalista na nagpapahirap sa hanay ng mga mamamayan,” sabi ni Maristel Garcia, Spokesperson ng ALMAKON.
Huling pinuntahan ng mga grupo ng manggagawang ang Shell Main Office para bigyang-diin din ang deregularisasyon sa presyo ng langis. Sa kasalukuyan ay tumaas ang halaga ng gasolina sa 65 centavos kada litro, ang diesel naman sa 35 centavos kada litro samantalang ang kerosene ay umabot naman sa 45 centavos kada-litro. Kasama ang Shell Petroleum Corp. sa mga kompanya sa Pilipinas na nagdeklara ng pagtaas ng presyo ng langis. Nagsagawa ng die-in protest ang mga grupo, dala-dala ang mga nakasulat na panawagan sa kanilang mga poster. Sumisimbolo ang die-in protest sa pagpapahirap at pagdurusang nararanasan ng mga manggagawa dahil raw sa kawalan ng puso ng gobyerno kasabwat ang malalaking negosyante.
The post Labor groups kontra sa muling pagtaas ng presyo ng petrolyo appeared first on Manila Today.