Libreng Serbisyo sa mga Gusto ng Repatriation!

0
215

Mga Kagyat na Panawagan ng mga OFW sa Gobyerno ng Pilipinas sa Panahon ng Amnesty

Sa halos tatlong linggong lumipas nang sinumulan ng gobyerno ng United Arab Emirates ang Amnesty program nito, nasa 20,000 ng mga expatriates ang pumaloob sa unang linggo ng programang ito, 2,053 dito ay mga Pilipino. Sa ulat ng Migrant Workers Office at Philippine Embassy ay nasa 200 nang mga kababayan ang nag-avail ng repatriation. Mula sa datos na ito ay napakaliit ng bilang na ito, dahil sa tantya natin ay napakalaking bilang pa mga Pilipino ang may problema sa kanilang mga dokumento.

Ipinararating ng maraming OFW sa Migrante Middle East ang maraming dahilan kung bakit kakaunti pa lamang ang pumapaloob sa Amnesty program. Isa sa mga dahilan nito ay ang napakalaking gastusin para sa pag-aayos nito. Sa bahagi ng mga Pilipino na gusto pang magtrabaho o manatili sa UAE, kailangang ayusin ang pag-aaply ng bagong passport na may gastusin na humigit kumulang 700AED kasama pa dito ang dagdag na gastusin na pinapataw ng UAE sa pag-aayos ng papel para sa Amnesty tulad ng translation fee(80AED)at iba pang fees.

Nasa 1,100AED ang aabutin ng gastusin na napakabigat para sa OFW’s na walang regular na trabaho. Dahil dito, isa sa mga panawagan ng mga OFW ay suspendihin ang paniningil ng passport fee na pinapataw ng gobyerno ng Pilipinas at maglaan ng ayudang pinansyal ang gobyerno ng Pipinas para sa mga bayarin na sinisingil ng gobyerno ng UAE

Marami sa mga OFW’s ay gusto pang manatili sa UAE para makahanap ng trabaho dahil sa kawalang katiyakan sa kabuhayan sa Pilipinas. Kaya malaking ginhawa para sa mga OFW’s kung sususpendihin ang Passport fee at magbibigay ng ayudang pinansyal para sa pag-aayos ng mga papel. Dagdag pa sa rekisito na hindi makakapagpalit ng status sa loob ng bansa kung walang pang handang employer na magbigay ng working visa.

Sa kalagayan na wala pang employer, parehong pag-aayos ng mga papeles ang prosesong dadaanan. Kailangan lumabas ng UAE at magpunta sa mga bansa sa Asya labas sa GCC at Europa para maging tourist visa holder. Ang ganitong proseso ay napakalaking gastusin at walang katiyakan kung sa loob ng dalawang buwan ay makakahanap na ng trabaho.

Marami sa mga kababayan natin ay gustong pumaloob sa amnesty at makahanap ng bagong trabaho sa UAE. Natutulak ang malawak na sambayanan Pilipino sa ganitong sitwasyon dahil sa Labor Export Program at kawalan ng trabaho sa Pilipinas. May malalim na pinag-uugatan sa kaaayusang panlipunan ng Pilipinas kung bakit ganito ang kalagayan ng mga OFW at ito ay dapat na solusyunan sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at makabayang industralisasyon , at pagtamo ng tunay na kalayaan at demokrasya. Pero sa kagyat , dapat na akuin na responsibilidad ng gobyerno ng Pilipinas na bigyan ng tulong pinansyal at libreng serbisyo ang lahat ng Migranteng Pilipino na gustong pumaloob sa Repatriation , gayundin ang mga gusto pang manatili sa UAE.

Sa kasalukuyan na nakasalang sa pagtatalakay sa kamara ang budget ng Department of Migrant Workers hindi katangtap-tangap na imbes na dagdagan ay babawasan pa ang budget ng departamento. Dahil sa dumadaming problema ng ating mga kababayan sa labas ng bansa marapat lang na dagdagan pa ang budget lalo ang para sa Aksyon fund at gawin itong accessible para sa lahat ng Migranteng Pilipino.

Bilang kahilingan ng mga OFW sa UAE, ikinakampanya ng Migrante ang mga sumusunod na kagyat na panawagan:

Passport fee gawing Libre!
Ayudang Pinansyal sa pagproseso ng mga papel para sa Amnesty!
Libreng serbisyo sa mga gusto ng Repatriation!
Tutulan ang pagbabawas ng badyet para sa DMW!
Aksyon o Saklolo Fund gawing accesssible sa OFW!