#LupangRamos | Sa paglaban para sa lupa, walang kinikilalang edad si Lola Gregoria

0
210

“Ako na lang ang tagain niyo,  wag ang mga anak ko”,  ani ni Lola Gregoria nung minsang sugurin sila ng mga gustong umangkin ng kanilang lupa.

Habang nakikipagkuwentuhan ako sa mga nagpapahingang magsasaka ng Lupang Ramos ay naagaw ni Lola Gregoria Tapawan ang aking atensyon nang pumasok siya sa kubol na pinagtutuluyan namin nang may hawak na karit.

Pinuntahan ko siya at nagsimulang makipagkwentuhan. Agad kong tinanong kung nagsasaka pa ba siya.  Tumutulong daw siyang magtabas ng mga damo at nagbabantay daw ng kanilang mga tanim.

Kulubot na ang balat ni Lola halatang matagal na panahon ng naging kaibigan ang mga palay at araw.  Walong taong gulang pa lang ay nagsimula nang magsaka si Lola Gregoria. Kasa-kasama na siya ng kaniyang tatay sa initan. Hindi na niya naranasang umupo sa silid-aralan at mag-aral.

“Imbis na papel at ballpen ang hawak ko,  asarin,  bareta,  itak,  yatab,  karit ang mas gamay ko”,  emosyonal na paglalahad ni lola. ” Kinalyo na nga ako sa pagsasaka”,  dagdag pa niya.

Setenta’y kuwatrong taong gulang na si Lola Gregoria,  isa sa pinakamatandang babae sa kanilang samahan.  May siyam na anak si Lola at lahat ay kasama niya sa Lupang Ramos. Malalim ang ugnayan ng lupa at kay Lola Gregoria.  Bukod sa pinupuno nito ang kaniyang mga kuko sa tuwing magbubungkal ay lupa rin ang kasama niya sa pagtaguyod ng kaniyang mga anak lalo n’ung pumanaw ang kaniyang asawa.

“Sa akin,  habang-buhay kong ipaglalaban ang lupang ito dahil dito kami nabuhay”, ani Lola.

Mababaw ang luha ni Lola nang magsimula siyang magkuwento tungkol sa karanasan niya sa Lupang Ramos.

Dating pagmamay-ari ng mga Kastilang prayle ang Lupang Ramos at noong sinakop ng Amerikano ang Pilipinas ay ginawang pampublikong lupa. Kasama ang mga kamag-anak ni Lola Gregoria sa mga unang dumating at nanirahan sa Lupang Ramos. Taong 1965, sumulpot ang angkan ni Emerito Ramos at iginiit ang pagmamay-ari ng 372 ektaryang lupa. Iginiit rin ng angkan ang pagtatanim ng tubo sa erya kahit pa sa bisa ng repormang agraryo ay tatamnan dapat ito ng palay at mais. Noong naisabatas ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), pilit na pinaalis ng mga Ramos ang mga magsasakang matagal nang nagbubungkal sa lupa.

Bumuo ang mga magsasaka sa Lupang Ramos ng mga samahan upang tumindig sa lehitimong pagmamay-ari nila sa lupa. Sa ilalim ng bandila ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka ng Lupang Ramos (KASAMA-LR), sama-samang isinusulong nila Lola Gregoria ang tunay na reporma sa lupa.

“Nitong nakaraan, sinugod kami ng mga kaaway, minumura kami at tinatanong kung magkano ang bayad samin dahil dodoblehin daw nila ibigay lang ang lupa sa kanila. ‘Di namin pinatulan pero sobrang sakit talaga ng mga sinasabi nila sa amin. Nagtimpi lang kami dahil sayang ang (ilang) taon na naming pakikipaglaban”,  pautal utal na pagkukuwento ni Lola dahil sa pag-iyak.

Hindi rin kayang makita ni Lola na nasasaktan ang kaniyang mga anak kung kaya’t sinasamahan niya daw talaga ang mga ito kapag magbubungkal at malapit sa mga kaaway dahil baka magkaroon daw ulit ng komosyon.

Si Lola Gregoria ay isang inang kayang gawin ang lahat para sa kaniyang mga anak at apo.  Ang kaniyang paglaban sa Lupang Ramos ay hindi para sa kaniyang sariling interes. Nakatanaw siya sa magandang kinabukasan ng kaniyang mga anak at ng iba pang kasama sa kanilang pagtatagumpay.

Tagos sa puso ang kuwento ni Lola Gregoria na sumasalamin sa kalagayan ng marami pang magsasaka sa kasalukuyan na dumaranas ng pananamantala at pang aapi ng mga malalaking negosyante at taong tinitignan na isang espasyo lamang ang lupa upang pagtayuan ng mga gusaling pang-negosyo. Isang malayong pagtingin sa katulad ni Lola Gregoria at ng kanyang mga kasamahan na tinuturing na buhay ang lupa.

The post #LupangRamos | Sa paglaban para sa lupa, walang kinikilalang edad si Lola Gregoria appeared first on Manila Today.