Sa “Challenges for Cultural Studies Under the Rule of Global War,” sanaysay na nalathala noong 2004, tumanggi si Neferti Xina M. Tadiar, kritikong pangkultura, na magbigay ng prediksyon tungkol sa hinaharap.
Aniya, hindi makakatulong ang paglingon sa nakaraan para maunawaan ang hinaharap dahil ang huli ay hindi bunga ng “abstraktong lohika na ang mga tendensya ay pwedeng mabanaag sa maraming historikal na panahon.” Sa halip, ang hinaharap, sabi niya, ay “resulta… ng mapagpalayang pakikibakang panlipunan ng mga mamamayan at ng mga pagsisikap ng mga naghaharing elite na hadlangan at talunin sila.”
Pero lumalabas na makabuluhan ang sanaysay sa hinaharap nito, sa ating kasalukuyan sa partikular. Sa sulating iyun, at sa iba pa, pinalutang ni Tadiar ang hamon, na sinikap din niyang tugunan, na ipakita ang gamit ng kultura sa pasismo — na ramdam na reyalidad ngayon.
Paglalarawan pa niya sa sitwasyon noon: “Gera sa terorismo, gera sa droga, gera sa krimen, gera sa kahirapan” — lahat, halimbawa ng tinawag niyang “paghahari ng gera.” At maidadagdag ang “gera sa Kaliwa” at “gera sa korupsyon” ni Rodrigo Duterte, bahagi ng tunguhin ng “maka-Kanang populismo” na isa sa sumunod at humalili sa tunguhing “paghahari ng gera” ng imperyalismong US.
Madiin si Tadiar na sa panahong sagad at lantad ang paggamit ng rehimen ng dahas, lalong mahalagang larangan ng labanan ang kultura. Ipinapaalala niya na ang mga nangungunang halimbawa ng pasismo sa kasaysayan ay humalaw ng lakas sa iba’t ibang aspeto ng kultura ng kanilang bansa at umani hindi lang ng pagpayag ng mga mamamayan kundi ng aktibong pagsuporta.
Matapos ang pagpaslang sa 14 na magsasaka at pagdakip sa 15 pa sa Negros Oriental nitong Marso 30 ng pinagsamang pwersa ng pulisya at militar, makikita ang tangka ng gobyerno sa pagbibigay-katwiran.
Malinaw ang Philippine News Agency: mga miyembro ng New People’s Army ang pinaslang, hinainan sila ng warrant of arrest at “nanlaban,” at nakarekober mula sa kanila ng mga baril, granada at iba pang kagamitan. Paalala rin ng “balita,” itinuturing ng US at European Union na grupong “terorista” ang NPA at Communist Party of the Philippines.
Inulit ito ni Salvador Panelo, tagapagsalita ng pangulo, at inulit pang muli. Aniya, batayan ng paglalabas ng warrant of arrest ang pagkatukoy sa mga pinaslang at mga dinakip bilang “suspek sa partikular na mga ambush, tangkang pananambang.”
Ginawa nang kalakaran ng Oplan Tokhang, ng “gera kontra-droga” ni Duterte, ang ganito: binabanggit ang mga ligal na batayan para sikaping bigyang-katwiran ang iligal na hakbangin, ang pagpatay sa mga “nanlaban” diumano. Sinasabi ng rehimen ang mga argumentong ligal hindi pangunahin para itulak ang paglilitis at paghatol sa mga pinagbibintangan; wala nang punto dahil patay na sila. Ginagamit ng rehimen ang mga ito para pakilusin ang madidilim na nosyon tungkol sa mga rebelde, Komunista, terorista, kriminal at kaaway ng gobyerno — at agad idugtong sila sa kamatayan.
Isang antas ang igiit ang kawalan ng legal na batayan para patayin ang sinumang pinagbibintangan o may warrant of arrest. Isang antas din ang pabulaanan ang akusasyon sa mga pinaslang, at patunayang nagsisinungaling ang gobyerno; katunayan, sinungaling ang gobyerno. Isa pang antas ang ipakita ang tunay na adhikain at gawain ng mga NPA, at ng suporta sa kanila ng mahihirap sa kanayunan.
Pero dapat tumbukin ang nagpapabilis ng hatol na kamatayan sa kanila: ang pagsusuri-panawagan na karapat-dapat silang patayin. Pinapaalingawngaw ang mga ito ng rehimeng ito, mula sa presidenteng walang bukambibig kundi “Patayin!” hanggang sa iba’t ibang tagapagsalita ng gobyerno, hanggang sa mga trolls na ang panawagan ay “Obosen!” Ang hinahangad, instant na lunas sa pinalaking problema ng droga at kriminalidad, pagtuligsa sa gobyerno at rebelyon; bukod pa sa pekeng pakiramdam ng seguridad.
Ang napapatahimik, napapasang-ayon, o napagsasalita pa nga katono ng ng rehimen ng mga paliwanag ng Palasyo: iyung seksyon ng masa kung saan malakas na ang hatak ng rehimen at ng gusto nitong kaisipan. Sila iyung matabang lupa para sa kaisipang “Kung wala kang ginagawang masama, wala kang dapat ikatakot,” dahil wala silang ginagawang masama para sa rehimen.
Sa ganitong paraan sinisikap ng gobyerno na ihiwalay ang mga mapanuri o kritikal mag-isip sa hanay ng mamamayan, iyung hindi madaling makumbinsi sa pagpatay sa 14 na magsasaka, at malawak ang hanay na ito lampas sa mga aktibista at progresibo. Laban sa kanila, ang armas ng gobyerno ay pananakot at aktwal na dahas. Mula pagbabanta ng panggagahasa hanggang sa pagbabansag na bakla sa social media, mula sa mga komentong galit hanggang sa mga komentong anti-intelektwal, at mula sa babala ng mga opisyal ng barangay hanggang sa aktwal na paniniktik — ang gusto ay patahimikin ang mga mapanuri at aktwal na nagsasalita laban sa gobyerno.
Mahalagang pansinin, habang tumatagal ang rehimeng Duterte, nagiging mas manipis ang mga pagbibigay-katwiran nito habang nagiging malawak at masinsin ang pananakot nito.
Nitong dulo ng Marso, lumabas sa balita ang pahayag ni Duterte mismo: lumala raw ang sitwasyon ng iligal na droga sa bansa. Bilyun-bilyong pisong halaga ng droga ang nasasabat ng kapulisan nitong mga nakaraang araw at pumasok na raw ang iba’t ibang sindikato ng droga sa bansa. Panakot niya: ang Pilipinas, posibleng maging katulad ng Mexico na kontrolado ng mga kartel ng droga.
Sa isang banda, pinapatunayan nito ang matagal nang sinasabi ng mga progresibo: hindi matatapos ang suliranin sa droga at kriminalidad sa pamamagitan ng pagpaslang. Ang kailangan: tapusin ang malaganap na kahirapan, kagutuman at kawalang-trabaho. Gayundin, papanagutin ang mga druglord na nasa hanay ng mga naghaharing uri at ang mga kasabwat nila sa gobyerno, pulisya at militar.
Sa kabilang banda, totoo ba ito? Magulo ang mga datos ng gobyerno sa usaping ito, at maipagpapalagay na sinasadyang guluhin. Totoo bang matapos patayin ang libu-libong maralitang suspek sa droga ay napalitan sila, nadagdagan pa, at agad-agad? Hindi kapani-paniwala.
Maaalala ang ilang taon nang mga pahayag ng militar tungkol sa “pagtapos” sa insurhensya — at maging sa batas militar sa Mindanao. Laging mga pahayag na may deadline na panahon ng pagtapos at puno ng kapasyahan. Pagkatapos, pagtanggap na hindi nagtagumpay at kailangan pang palawigin ang programa. Ang kongkretong resulta: tuluy-tuloy na panunupil, hindi pagkwestyon sa pagharap ng gobyerno sa insurhensya.
Matatandaan din ang pagbalewala ni Inday Sara Duterte sa pagiging matapat sa mga pulitiko; isinasapuso ito ng kanyang ama. Ang habol niya, hindi katapatan o integridad sa mata ng sambayanan o paghusga ng kasaysayan. Ang mga pahayag niya, mas may layuning taktikal, mainam suriin hindi lang ang nilalamang katotohanan kundi ang gustong makuhang reaksyon. Halimbawa: ang bigyang-katwiran ang pag-alis sa International Criminal Court at pagpapatuloy ng “gera kontra-droga.”
Batay sa ikinikilos ng rehimeng Duterte, ang gusto nito ay gawing kalakaran, “new normal,” ang pamamaslang. Gagamitin na itong pamalagiang instrumento ng panlipunang kontrol — para patahimikin ang lahat ng itinuturing na kalaban ng gobyerno. Maraming pampulitikang layunin ang paglilingkuran: depensahan ang naghaharing sistema at panatilihin ang rehimen sa kapangyarihan. Paglingkuran ang interes ng US at China, at ng mga naghaharing uri sa bansa, lalo na ng paksyong pulitikal ng mga Marcos at Macapagal-Arroyo.
Bagamat lutang ang pagiging bago ng pasismo ni Duterte, makikitang pagpapaigting din ito ng panunupil ng mga naunang rehimen. Ang Mindanao na pinadalhan ni Noynoy Aquino ng 60 porsyento ng militar, ipinailalim na sa batas militar. Gayundin halos ang mga rehiyong Negros, Bicol at Samar na paboritong target ng mga programang kontra-insurhensya. Ang pamamaslang at pagdukot na ginawa ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila, pinaabot na sa sentro ng bansa.
Ang magkakasunod na pangulong humalaw sa Kaliwa para maupo sa pwesto, laging nagsisikap higitan ang nauna sa pag-atake sa Kaliwa kapag nakaupo na. Bukod sa pagpapatuloy ng mga patakarang pang-ekonomiya, ipinagpatuloy rin nila sa esensya ang programang kontra-insurhensya na tulak ng US at militar.
Syempre pa, paglaban ang magiging tugon ng mga nagsusulong ng karapatang pantao, at buhay ng mga maralita’t magsasaka, laban sa rehimeng Duterte. Tiyak, aabutin ng mga aktibista at progresibo ang pinakamaraming mamamayang mapanuri sa isyu, sa mga pahayag, at sa mga hakbangin ng rehimeng Duterte. Tiyak, bubuuin ang kapasyahan nilang kumilos at lumaban sa pamamagitan ng mga solidong talakayan, gamit ang mga praymer, at pag-aalabin ang kagustuhan nilang magprotesta at lumaban sa rehimen.
Sa kongklusyon ng libro kung saan sinuri niya ang iba’t ibang porma ng paggana ng ideolohiya, sinabi ni Terry Eagleton, teoristang pangkultura: “may isang lugar higit sa lahat kung saan ang gayung mga porma ng kamalayan ay pwedeng matransporma nang halos literal na overnight, at iyan ay sa aktibong pampulitikang pakikibaka.”
Paliwanag niya: “Hindi ito paniniwalang di-kritikal na tinatanganan ng Kaliwa kundi empirikal na datos. Kapag ang mga kalalakihan at kababaihan na sangkot sa payak, lokal na porma ng pampulitikang paglaban ay naitulak ng panloob na momentum ng gayong mga tunggalian sa direktang kumprontasyon sa kapangyarihan ng estado, posible na ang kanilang pampulitikang kamalayan ay mabago nang mapagpasya at nang hindi bumabalik sa dati [Ideology, 1993].”
Pinakahuling nagpatotoo ang Marxistang pilosopong si Alain Badiou, at patungkol sa mas malaking grupo: “Nagsimula ang mga tao ng henerasyon ko ng kanilang pampulitikang paninindigan sa pagposisyon sa mga tunggaliang kolonyal. Una, ang gera sa Algeria at pagkatapos ang gera sa Vietnam…” Nang dahasin ng kapulisan ang kanilang protesta, sabi niya: “Danas din iyun sa dahas na kayang idulot ng mundo kapag malalaking interes ang nakataya.”
Hindi sinasadya ng rehimeng Duterte, pero naghahain ito ng maraming isyu na nagbubukas ng mga pagkakataon sa mga mamamayan hindi lang para labanan ito, kundi para makibaka para baguhin ang bayan at mundo.