A Muslim civil society organization joined government officials in condemning the death of five agents of the Phil. Drug Enforcement Agency in the Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-ARMM) in an ambush in a secluded area in Kapai town, Lanao del Sur on Friday.
NUJP Statement: On showcasing PNP’s ‘good deeds’
‘Trabaho, serbisyo, paninirahan’
Kumusta na si Lordei Hina?
Katarungan, ngayon at sa hinaharap
BRUSSELS, BELGIUM — Kahit ilang beses pa, kahit saan man siya mapunta, di pa rin mapigilan ni Jimmylisa Badayos maluha tuwing kinukuwento niya ang sinapit ng kanyang inang si Elisa.
Human rights worker ng Karapatan sa Negros at asawa ng isang lider-manggagawa na naging desaparecido noong martial law ni Marcos si Elisa. Pero noong Nobyembre 28, 2017, rehimeng Duterte naman ang bumiktima sa kanya, nang paslangin si Elisa ng pinaghihinalaang mga militar.
Gayumpaman, kakaiba pa rin ang pagkakataong ito, Setyembre 18. Sa pagkakataong ito, sa harap ng daang katao, sa malayo at malamig na lungsod ng Brussels, bansang Belgium: sa unang pagkakataon, dininig ang kanyang kuwento sa pakay na bigyang hustisya ang pagkakapaslang sa kanyang ina. Walang imbestigador ng rehimen, walang korte ng Pilipinas ang nagbibigay pa sa kanyang ng hustisyang ito.
“Katatapos lang noon ng fact-finding mission sa Negros,” kuwento ni Jimmylisa. “Binaril ang aking nanay ng armadong kalalakihan. Binaril siya, at habang gumagapang ay binaril pa. Natuluyan na ang nanay ko…”
Tahimik ang buong kuwarto, bagamat rinig ang hikbi ng ilang takapakinig. At hindi lang ang kay Jimmylisa. Sa dalawang araw ng sesyon ng International Peoples’ Tribunal, ganito ang eksena: bawat testimonya, maging eye witness man o ekspertong testigo (expert witness), madamdamin. Ilan ding dayuhang tagapakinig ang kinailangang lumabas ng bulwagan, hindi kinaya ang bigat ng damdamin.
Bawat kuwento, isang malakas na sigaw para sa hustisya sa mga krimen ng rehimen. Bawat testimonya, pagpapatibay ng panganailangang panagutin si Pangulong Duterte, gayundin ang pangunahing tagasuplay ng armas-militar at tagasanay ng militar at pulisya ng rehimen: ang gobyernong US na kinakatawan ni pangulo nitong si Donald Trump.
* * *
Hindi na kagulat-gulat sa mga tagapakinig noon, sa mismong bulwagan man o sa Facebook Live, ang hatol na “guilty” ang mga akusado.
Mabigat nga ang mga testimonya, at nagtuturo sa direktang partisipasyon ni Duterte sa mga krimeng paglabag sa mga karaptang sibil at pampulitika (pasok dito ang mga pamamaslang, ilegal na pagkulong, tortyur, pambobomba, at iba pa); paglabag sa karapatang panlipunan, pang-ekonomiya at pangkultura (tulad ng pagkait sa karapatan sa lupa, disenteng pabahay, edukasyon, kabuhayan, pampublikong serbisyo tulad ng transportasyon, seguridad sa trabaho, nakabubuhay na sahod, at iba pa); at paglabag sa karapatan sa sariling pagpapasya at kaunlaran, at International Humanitarian Law (tulad ng pananakop sa lupain ng mga Lumad at iba pang katutubo, paglabag sa karapatan ng mga sangkot sa giyerang sibil, at kolektibong karapatan sa kapayapaan at ng mga mamamayang Pilipino laban sa pangihimasok ng dayuhang armadong puwersa).
Isang tunay na tribunal o korte ang IPT, na may panel ng jurors na kinabibilangan ng legal na mga eksperto, o may malawak na kaalaman sa karapatang pantao, at mga usaping pangkaunlaran. Inisponsor ito ng respetadong mga organisasyong pandaigdigan, tulad ng International Association of Democratic Lawyers, European Association of Lawyers for Democracy and World Human Rights, Haldane Society of Socialist Lawyers-UK, Ibon International at International Campaign for Human Rights in the Philippines. Gayunman, direktang nanggagaling sa mga mamamayan (at mga kilusang masa) ang awtoridad nito.
Maraming peoples’ tribunal na ang nangyari sa kasaysayan ang daigdig (tulad, halimbawa ng Permanent Peoples’ Tribunal hinggil sa mga krimen sa Bosnia, IPT sa mga krimen ng pasistang rehimen ni Suharto sa Indonesia, at iba pa). Sa Pilipinas, limang beses na ito naganap. Una, noong panahon ng rehimeng Marcos. Pangalawa at pangatlo, panahon ng rehimeng Arroyo, at noong 2015, sa Washington DC sa mismong Estados Unidos, panahon ni Aquino.
Pero sa unang pagkakataon, direktang nakumpronta ng IPT ang isang akisadong rehimen. Bisperas pa lang ng IPT, nakakuha na ng reaksiyon ang rehimeng Duterte sa mangyayari pa lang na pagdinig. “Sham proceeding” ang bansag ng Presidential Spokesperson Harry Roque sa pagdinig ng IPT. “Nasa linya ko iyan ng batas (international law). Hindi ko kilala ang mga iyan,” hambog ni Roque.
Unang napagsalita ang Malakanyang sa pahayag ng Suara Bangsamoro, grupong pangkarapatang pantao ng mga mamamayang Moro, na kasama sa mga tetestigo sa IPT si Sultan Hamidullah Atar ng Marawi, hinggil sa mga krimen ng rehimen sa pagwasak sa kanilang lungsod at pagpapalikas sa (at di pagbabalik ng) daanlibong sibilyang residente ng Marawi. “Dumalo ako sa kasal (ng isa sa mga sultan o tradisyunal na lider sa Marawi) at hindi ko siya (Sultan Hamidullah) nakita,” mababaw na hirit ni Roque. Pero matagal nang nagsasalita si Atar laban sa mga operasyong militar sa Marawi.
Nang magsimula ang pagdinig sa isinakdal na mga kaso laban kay Duterte noong Setyembre 18, muling iniulit ni Roque ang pangungutya niya sa IPT. Aniya, “propaganda ng Kaliwa” ang naturang pagdinig, dahil “magaling sila (Kaliwa) sa pagdaigdigang [paghuka ng suporta].” Sa panayam naman kay Erwin Tulfo, sinabi ng legal counsel ng Pangulo na si Salvador Panelo na “walang saysay na ingay” lang ang IPT.
* * *
Ibang iba rito ang pagtanggap ng pandaigdigang komunidad.
Matapos ang paglabas ng hatol na maysala ang mga akusado noong Setyembre 19, nagsalita ang kinatawan ng iba’t ibang grupo mula sa iba’t ibang bansa. Nagsalita ang dayuhang mga miyembro ng ICHRP, at kinatawan ng mga kilusang masa mula sa Germany at Peru, at nagsalita rin at sumuporta ang International League of Peoples’ Struggle.
Kinabukasan ng paghatol, pumunta ang ilang saksi, kabilang si Cristina Palabay ng Karapatan, ang mga anak ng mga bilanggong pulitikal na sina Lengua de Guzman (anak ni Rafael Baylosis at asawa ng bilanggong pulitikal na si Maojo Maga) at Belle Castillo (anak ni Ferdinand Castillo) sa United Nations Human Rights Council sa Geneva, Switzerland para magbigay rito ng kopya ng hatol.
Sa Brussels, nagbigay din ng kopya ng hatol at mga ebidensiya ang ilang juror, convenor at testigo sa European Parliament, sa isa sa mga miyembro nito na si Anne-Marie Mineur ng Confederal Group of the European United Left – Nordic Green Left. “Kinakatuwa ko ang pagdating ninyo,” bungad ni Mineur, sa wikang Ingles, at hiniling sa mga saksi tulad nina Jimmylisa at Ruth Salditos (asawa ng manunulat at pintor na si Felix Salditos na isa sa pitong di-armadong miyembro ng National Democratic Front na minasaker sa Antique noong Agosto 16), Gil Boehringer (Australyano-Amerikanong abogado na ikinulong ng Bureau of Immigration at dineport dahil sa paglahok sa kampanya para sa karapatang pantao sa Pilipinas), Melodina Gumanoy na presidente ng unyon ng mga manggagawa sa plantasyon ng saging na Sumitomo Fruits Corp. o Sumifru sa Compostela Valley, George San Mateo ng Piston, Joms Salvador (na tumestigo sa mga atake ni Duterte sa kababaihan), na ibahagi ang kanilang mga kuwento.
Muli, ikinuwento ni Jimmylisa ang tungkol sa nanay niya. Muli, naluha siya habang ikinukuwento niya ito. Naluha rin si Mineur, iyung miyembro ng European Parliament, sa kuwento ng mga saksi. Nangako siyang aaralin niya ang ipinasang mga dokumento at idadagdag ang boses sa mga kumukondena sa mga abuso ng rehimeng Duterte.
Noong hapon ding iyon, iba naman ang reaksiyon ng humarap sa mga testigo.
Sa embahada ng Pilipinas sa European Union, nagsumite rin ng kopya ng hatol ang mga kalahok sa IPT. Pagpasok pa lang sa bilding, hinarang na sila ng isang opisyal ng embahada na di nagpakilala, at sinabing “ipadal na lang sa pamamagitan ng registered mail” ang dokumento. Pinaaalis sila ng opisyal. “Pero nandito na kami, personal na nga naming ibibigay, bakit pa kailangang ipadala sa mail?” giit ni Joms Salvador ng Gabriela.
Napilitang umatras ang opisyal, at kalauna’y napuwersang humarap sa delegasyon si Eduardo de Vega, embahador ng Pilipinas sa European Union. “Maniwala kayo, narinig na namin ang tungkol sa inyo,” bungad ni de Vega. Tinanong niya kung bakit hindi raw pinapasok sa IPT ang “ilang tao na gustong makinig” sa mga pagdinig. Tinutukoy niya marahil ang apat-kataong DDS (Duterte Diehard Supporters) na pumunta sa venue ng IPT at nagpumilit na pumasok kahit di-rehistrado. Lumalabas, siya o sila sa embahada ang nagpadala sa mga ito.
“Bakit may mga dayuhang lengguwahe na isinisigaw?” tanong niya. Nanood pala de Vega ng Facebook Live streaming. Matapos ang pagbasa sa hatol, sumigaw ng chants ang ilang dayuhang dumalo: “?El pueblo, unido, hamas ser avencido!” (Ang tao, ang bayan, ngayon ay lumalaban) Tinanong din ng embahador sa delegasyon kung magrarali sila—na sinagot ng delegasyon na hindi.
Paglabas ng delegasyon ng IPT, ikinagulat nila ang pulutong ng Belgian police na nasa labas ng embahada. Tinawagan umano ng embahada ang mga pulis sa pag-aakalang magrarali ang delegasyon.
Nanawagan din sila ng mga DDS sa Belgium na pumunta sa embahada noong araw na iyon, at ipakita ang suporta sa minamahal nilang Pangulo. Ayon sa mga nakakita, humigit-kumulang 15 hanggang 20 DDS ang pumunta.
* * *
Kinabuksan muli, Setyembre 21, tumungo rin sa International Criminal Court sa The Hague, The Netherlands si Jimmylisa. Kasama niya sina Renato Reyes Jr., na tumayo bilang isa sa complainants sa IPT para sa Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, at si Peter Murphy na isa sa convenors ng IPT.
“Ibang iba ang pagtanggap sa amin sa ICC kumpara sa sarili nating embahada sa Belgium,” kuwento ni Jimmylisa. Sa ICC, mainit na hinarap sila ng kinatawan nito para tanggapin ang kopya ng hatol. “Nangako silang kokontak sa amin sa loob ng dalawang linggo (matapos mabasa ang isinumiteng mga dokumento),” sabi pa niya.
Samantala, sa Maynila noong araw ding iyon, dambuhalang protesta ang isinagawa sa Mendiola at Luneta para gunitain ang lagim ng batas militar ni Marcos at kondenahin ang pasistang diktadura ni Duterte.
Kabilang sa bitbit na plakard ng mga nagrali: Larawan ni Duterte sa likod ng mga rehas. Guilty! ang sigaw nito. Hindi pa man kayang maipatupad ang naturang hatol, hindi pa man ngayon o sa nalalapit na hinaharap, umaasa si Jimmylisa, at marami pang iba, na balang araw makakamit din nila ang hustisya.
Featured photo: Larawan ni Jon Bustamante
Para sa jeepney, para sa pangmasang transport
Maaga pa noong Araw ng mga Bayani, Agosto 27, pero nagdagsaan na sila sa National Press Club sa Intramuros, Manila. Bago matapos ang umaga, umabot sa 70 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga jeepney driver at operator sa Kamaynilaan ang dumalo, at nagpakita ng suporta sa Transport Unity Summit Against Jeepney Phase-out na inorganisa ng No to Jeepney Phase-out Coalition (NTJPOC).
Ang panawagan nila: Itigil na ang atake ng administrasyong Duterte sa kanilang mga kabuhayan bilang drayber at operator ng mga jeepney. Panawagan din nila na sa halip na puwersahang pawiin ang mga jeepney sa mga kalsada ng bansa, ituon na lang ang mga rekurso ng gobyerno sa rehabilitasyon ng mga jeepney para gawing mas maka-kalikasan at episyente ito.
Dumalo rin sa pagpupulong sina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Sen. Grace Poe, tagapangulo ng Senate Public Services Committee.
Tinutuloy pa rin
Sa kabila ng mga deklarasyon ng administrasyong Duterte at Department of Transportation na inaaral pa nito ang implementasyon ng planong jeepney modernization, pansin ng mga drayber at operator na umaarangkada na ang planong ito.
“’Wag na tayong magbulag-bulagan. Anumang tatwa n’yo dyan (jeepney phaseout), kakaharapin natin ‘yan sa darating na mga buwan,” ani George San Mateo, pambansang pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (Piston) sa harap ng mahigit 700 jeepney transport leaders mula pa sa iba’t ibang panig ng bansa. Ito’y dahil bagamat madalang na ang panghuhuli sa kalsada, tahimik at mapanlinlang pa ring isinusulong ng administrasyong Duterte ang phase-out sa pamamagitan ng memorandum circulars.
Noong Marso 16 lang, inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Memorandum Circular No. 2018-008. Dito inoobliga ang indibidwal na franchise operators na magbuo ng koop o korporasyon ang mga drayber at operators bago March 18, 2019 para sapilitan silang bumili ng mamahaling solar, electric at euro 4 vehicles, alinsunod pa rin sa “modernisasyon ng jeepney” ng administrasyong Duterte na ipapatupad ng DOTr at LTFRB sa ilalim ng Dept Order 2017-011 o Omnibus Franchising Guidelines (OFG). Ang hindi makapag-aplay sa LTFRB o di kaya nama’y nag-aplay pero di-makapasa bago ang takdang oras ay tatanggalan ng prangkisa. Kung makapasa naman, sapilitan pa ring ipe-phaseout ang lumang mga jeep sa June 2020.
Kung makakapasa man ang isang jeep at/o operator, pagkalipas pa lang ng tatlong araw matapos makapasa ay kailangan nang bumili ng bagong sasakyang nagkakahalaga ng P1.2- hanggang P1.8-Milyon. Ang hindi makatugon, may multang P5,000 kada araw. Kinakailangan ding may terminal sila sa magkabilang dulo ng kanilang ruta, may garahe na kasya ang lahat ng sasakyan, may mga mekaniko at iba pa. Malinaw na hindi sasapat ang kakayanan ng mahihirap na tsuper at operator upang tumalima rito.
“’Wag na tayong mangarap. Gusto rin sana natin na magkaroon din tayo ng mga idini-display nila na mga sasakyan na napakagaganda pero hindi talaga natin makakayan ito,”ani pa ni San Mateo.
Para sa mga driver at operator, ang sapilitang pagbubuo ng kooperatiba o korporasyon ay bitag para malagay sa isang papel ang kalat-kalat na prangkisa ng indibidwal na mga operator. Dahil dito, mas madali para sa gobyerno ang manakot na babawiin ang kanilang mga prangkisa kapag hindi sila bumili ng bagong sasakyan. Maaari rin umanong maipanakot ito sa mga driver na sasama sa mga welga at protesta. Malinaw din daw na negosyo at korporatisasyon ang tunay na motibo ng gobyerno sa likod ng pekeng modernisasyon.
“Ginagawa tayong alipin dahil sa kinokontrol nila (gobyerno) ang ating kabuhayan,” sabi pa ni Almario Lopez, lider ng Piston-Southern Tagalog.
Rehabilitasyon, hindi phase-out
Ibinida naman ni San Mateo sa isang Facebook post ang litrato ng isang “remodeled” at “rehabilitated” jeepney na umano’y compliant sa body specifications ng OFG, at pasado rin sa emission-testing at road-worthiness inspection.
Nagkakahalaga lang ang nasabing jeep ng P400,000 – higit na magaang sa bulsa ng maliliit na operators at madaling gawin para sa lokal na jeepney assemblers kumpara sa mamahaling mga sasakyan na ipinagpipilitan ng gobyerno. Ayon pa kay Mateo, di rin dapat ipilit ng pamahalaan ang pagkokonsolida ng mga prangkisa at gawin na lang na boluntaryo ito. Hindi na rin kailangan ito sapagkat kaya naman ng isang asosasyon na magsagawa ng maayos na fleet management habang napapanatili ang pagmamay-ari ng sarili nilang prangkisa.
Malinaw para sa mga drayber na ang makikinabang sa jeepney phase-out ay pribadong mga korporasyon na siyang “magmomodernisa” raw sa mga jeep – sa halagang di bababa sa P1-Milyon kada sasakyan.
Dahil dito, hinimok ni Zarate ang mga driver na ipagpatuloy ang laban kontra phase-out at sinabing ang kanilang pakikibaka ang nagtutulak sa gobyerno na muling pag-isipan ang kanilang programa.
“Kaya kahit na sinabi na ni Pangulong Duterte na ‘kayong mahihirap, pasensiya kayo, ‘pag Enero 1 (2018) ay guguyurin ko ang mga sasakyan ninyo’, halos magtatapos na ang 2018 hindi pa nangyari, dahil lumaban ang mga mamamayan. Lumaban kayong mga tsuper,” ani Zarate.
Samantala, bagamat nilinaw ni Poe na hindi siya tutol sa modernisasyon ng mga jeep, pipilitin umano niyang humanap ng mga paraan para matulungan ang mga jeepney driver, kagaya na lang ng pagpapataas ng kakatiting na P80,000 financial assistance na ipinagyayabang ng gobyerno.
“Dapat sabihin natin sa DOTr, ano ba ‘yong arrangements sa mga bangko? Dapat ang interest rates (ay) mababa at available. Kung ang down payment, puwedeng taasan nang konti, kung kakayanin ng gobyerno, bakit hindi?” sabi niya.
Nangako rin si Poe na iipitin ang badyet ng DOTr kung hindi nito matutugunan ang mga tanong at hinaing ng mga tsuper.
“Ngayon, nasa kapangyarihan ng Kamara at Senado na gawin ‘yan. S’yempre, ayaw naman natin gawin na basta iipitin ang badyet dahil maraming apektado. Pero kailangan muna nilang patunayan ang kanilang sarili na sa tamang paraan nila ginagasta ang pera na pinapamahagi ng taumbayan,” dagdag pa ni Poe.
Sa patuloy na pakikibaka, hinihimok ng mga manggagawa ang sambayanan na makiisa sa kanilang laban.
“Ang problema na lang talaga natin, pa’no pagkaisahin ‘yong malawak na sektor sa hanay natin. Kailangang aktibo nating tutulan at labanan at kumilos tayo. ‘Pag hindi tayo kumilos, hayaan na lang natin sila, bukas wala na tayong ruta,” sabi pa ni San Mateo.
Sa malakas at malawak na pagkakaisa ng mga tsuper at operator sa Transport Summit, maaaring tumungtong ang mas malakas pang pambansang kampanya laban sa korporatisasyon ng sektor ng transport (o pagpasa sa malalaking kompanya sa serbisyo ng transport). Sa kahuli-hulihan kailangan din umanong ipaglaban ng mga manggagawa at miyembro ng sektor na ito ang isang sistema ng transportasyon na pangmasa, pampubliko (ibig sabihin, pinatatakbo ng gobyerno) at di monopolisado ng iilang malalaking kompanya.
Asahan daw na hindi nila hahayaang basta-basta na lang wasakin ng administrasyong Duterte ang kabuhayan ng daan-daanlibong drayber at operator sa buong bansa at pinsalain ang milyun-milyong mahihirap na mananakay dahil sa palagiang pagtaas ng pasahe na idudulot ng phaseout.
Ibahin Ang Paksa?
For poetry makes nothing happen.
– In Memory of W. B. Yeats, W. H. Auden
* * *
Sa unang hati ng taong ito dalawang komentaryo tungkol sa pagtula ang nabasa ko sa Facebook. Una, isang pahayag mula sa isang (post?)modernistang makata na nagsabing sinayang natin (na nang maglaon ay self-reflexive pala—isang himutok) ang ating kabataan sa pagsulat ng tula, sa halip na sa paggawa ng mga polyeto. Ang ikalawa nama’y nagsabing bakit may tumutula pa rin kahit kaliwa’t kanan na ang EJK.
* * *
“All art is quite useless.”
– panimula ng The Picture of Dorian Gray, Oscar Wilde
* * *
Sa isang forum sa cyberspace, bilang tugon sa paksang “Does Poetry Make Anything Happen?”, sagot ng isang Virgil mula sa New York:
Surely. I have said that art does not move society, it reflects society. I think that is what Auden is saying too. Sure there are activist writers, but frankly I do not believe they move society. Everyone mentions Harriet Beecher Stowe’s Uncle Tom’s Cabin as having pushed the US toward confronting slavery and the civil war. Well, that debate had been going on for decades before the novel. At its most, perhaps the novel lit the powder keg, but the powder keg was loaded and ready to burst, but frankly even that I’m skeptical of. The country was headed for this civil war and it was an irreconcible difference where either a split was to occur or the South was to be catagorically defeated. I don’t believe the novel had any substantial impact.
* * *
Korserbatismo marahil na hindi ako agaran at direktang nagbigay ng tugon sa dalawang nabanggit na pahayag sa FB. Isa pa, may mga nagbigay na ng paliwanag sa unang pahayag. Mga pahayag na galing sa direktang karanasan ng mga artista/manggagawang pangkulturang mas may karapatang magbigay ng pahayag kaysa sa akin. (Dahil sa kanilang partisipasyon sa mga kampanya at pakikibakang masa.)
Pero, sa palagay ko, hindi pa huli ang lahat. At baka mas epektibong maipahayag sa ganitong platform at estilo ang aking abang tugon. Bilang bahagi na rin ng assessment ko sa sarili kong pagtula, sa karanasan at pakikibahagi ko sa mga gawain sa kilusan.
* * *
Sa palagay ko, naiintindihan ko kung saan nanggagaling ang hugot ng (post)modernistang makatang aktibo ngayon sa isang organisasyong pangmagsasaka, kasama ng mga manunulat na marahil siya rin ang nag-organisa.
Kung sisipatin ang kanyang mga nalimbag na tula at koleksiyon ng mga tula (may nagwagi pa sa isang patimpalak sa ibang bansa), makikita ang mga iyon ay repleksyon ng kanyang peti-burges na kaisipan (sadyang dekadente).
Karapatan niyang itakwil ang mga tulang kanyang nasulat bago siya maorganisa sa kilusan—o maging progresibo—na inamin naman niyang . Naalala ko ang sabing maging si Jose Ma. Sison ay nagtakwil ng kanyang mga naunang tula bilang patunay ng kanyang pagpapanibagong-hubog, at pagpapamalas ng pagiging halimbawa ng isang progresibong manunulat.
* * *
Sa ating bansa, ang “pag-iiba ng paksa” ay nangangahulugan hindi lamang ng pagtalikod kundi ng pursigidong pagdurog ng mga naghaharing uri sa mga pambansa at demokratikong kahilingan ng mamamayan.
– Ibahin ang Paksa? Ang Kasalukuyang Panulaang Makabayan sa Panahon ng Krisis at Rebolusyon, Gelacio Guillermo
* * *
Isa pang dahilan kung bakit hindi ako agad na tumugon sa pahayag ay dahil nasagot na iyon ni Gelacio ‘Chong Gelas’ Guillermo sa kanyang “Ibahin ang Paksa.”
Pero nagpupuna ako ngayon, baka hindi pa niya nabasa ang sanaysay na ito. Ani Chong Gelas:
Nakapusisyon ang progresibo at rebolusyonaryong panulaan bilang partikular na aksyong pangkultura sa anumang antas ng pagpapahalaga sa rebolusyong pangkultura. Taglay ng seksyong ito ng panulaang Pilipino ang paksa ng pambansang pagpapalaya at demokrasya mula pa noong dekada sisenta hanggang sa kasalukuyan sa harap ng mga pagbabago sa timbangan ng rebolusyon at kontrarebolusyon at sa pangkalahatang kalagayan sa pulitika, ekonomya at kultura ng lipunan.
* * *
Maling sabihin ng isang makatang sana hindi na lang siya nagsulat ng tula noong kanyang kabataan. Kung ano siya ngayon—tayong lahat, sa katunayan—ay sum total ng kung ano siya noon. Ang kanyang mga karanasan, akumulasyon, reaksyon, at produksiyon.
Naitanong ko ang gaya nito minsan kay Ser Bomen (anak ni Chong Gelas) sa klase namin sa MA. Kung hindi ba dinanas ni Karl Marx ang mga dinanas niya maisusulat ba niya ang mga bolyum ng Das Kapital?
Kailangan. Halimbawa na ring minsang sinabi ni Marx na mahalaga ang kapitalismo, dahil kung hindi sa labis na pananamantala nito sa mga manggagawa, hindi uusbong ang (siyentipikong) sosyalismo.
* * *
Patay na ang Panulaan? “Ano ba ang halaga ng tula sa lipunan? Ipinaliwanag na ito nina Lenin, Mao Zedong at ng makatang Aprikanong Aime Cesaire, at nitong huli’y ng Latinong Amerikanong manunulat na Eduardo Galeano, na nagwika: ‘Ang sabihing mababago ang realidad sa pamamagitan lamang ng panitikan ay isang kabaliwan o paghahambog. Sa palagay ko, isa ring kalokohan na itatwang nakakatulong ito sa pagbabago.’”
– Ibahin ang Paksa? Ang Kasalukuyang Panulaang Makabayan sa Panahon ng Krisis at Rebolusyon, Gelacio Guillermo
* * *
Walang ilusyon ang tulang mababago nito ang lipunan. Isa itong kabaliwan! Isang paghahambog! Pero hindi dapat mawala ang tula—sa partikular, at lalo na, ang mapagpalayang panulaan—dahil bahagi ito ng rebolusyong pangkultura. Habang umiiral at namumutakti ang mga tula at makatang peti-burges at maka-imperyalista, kailangang laging itulak ang tulang progresibo saanmang larangan (naipaliwanag na rin ito ni Bertolt Brecht), kahit pa sa burgesyang patimpalak at palihan.
Sabihin pa, kailangang laging makapagpalabas ng tula sa bawat instance ng pananamantala. Tinawag ito ni Chong Gelas na TPR (Tactical Poetry Response o tugong taktikal ng panulaan) na “nakaakma sa aksyong masa, diretso sa paksa at panawagan, palasak at malawak ang mga imahen, idea, damdamin at diwa.” Gayundin, ang SPR (Strategic Poetry Response o tugong istratehiko ng panulaan) na “tumutugon sa pangangailangan ng malawakan at matagalang paghahanda at pagpapaunlad ng lahat ng pwersa para tiyakin ang kaligtasan at tagumpay ng kilusan.”
Kailangang laging makapagpalabas ng tula dahil isa ito sa mga paraan para maipaliwanag ang chaos na nangyayari sa lipunan.
* * *
Alalahaning maging ang mga hindi makata ay nakalilikha ng tula para sa paghingi ng hustisya. Maaalala ang tula ni Concepcion Empeño (para sa kanyang anak na si Karen na biktima ni Palparan) at ni Nanette Castillo (para sa kanyang anak na si Aldrin na biktima ng EJK).
* * *
And I won’t tell you where it is, so why do I
And I won’t tell you where it is, so why do I tell you
anything? Because you still listen, because in times like these
to have you listen at all, it’s necessary
– What Kind of Times Are These, Adrienne Rich
* * *
Sa tindi ng infowar at drug war, kasama ng iba pang paglabag sa karapatang pantao, ng rehimeng Duterte, isang tagumpay ng pambansa-demokratikong kilusan na magluwal ito ng mga koleksiyon ng mga tula (o may halong tula), sa kasalukuyang taon, gaya ng Tuligsa at iba pang mga tula ng dating political detainee na si Rene Boy Abiva, Persolitika: Mga tula at larawan ng alternatibong mamamahayag na si Raymund Villanueva, at Usapang Kanto: kolumberso ni koyang ng beteranong makata at mang-aawit na si Jesus Manuel Santiago.