Ibahin Ang Paksa?

0
250

For poetry makes nothing happen.
In Memory of W. B. Yeats, W. H. Auden

*    *    *

Sa unang hati ng taong ito dalawang komentaryo tungkol sa pagtula ang nabasa ko sa Facebook. Una, isang pahayag mula sa isang (post?)modernistang makata na nagsabing sinayang natin (na nang maglaon ay self-reflexive pala—isang himutok) ang ating kabataan sa pagsulat ng tula, sa halip na sa paggawa ng mga polyeto. Ang ikalawa nama’y nagsabing bakit may tumutula pa rin kahit kaliwa’t kanan na ang EJK.

*   *   *

“All art is quite useless.”
– panimula ng The Picture of Dorian Gray, Oscar Wilde

*    *    *

Sa isang forum sa cyberspace, bilang tugon sa paksang “Does Poetry Make Anything Happen?”, sagot ng isang Virgil mula sa New York:

Surely. I have said that art does not move society, it reflects society. I think that is what Auden is saying too. Sure there are activist writers, but frankly I do not believe they move society. Everyone mentions Harriet Beecher Stowe’s Uncle Tom’s Cabin as having pushed the US toward confronting slavery and the civil war. Well, that debate had been going on for decades before the novel. At its most, perhaps the novel lit the powder keg, but the powder keg was loaded and ready to burst, but frankly even that I’m skeptical of. The country was headed for this civil war and it was an irreconcible difference where either a split was to occur or the South was to be catagorically defeated. I don’t believe the novel had any substantial impact.

*    *    *

Korserbatismo marahil na hindi ako agaran at direktang nagbigay ng tugon sa dalawang nabanggit na pahayag sa FB. Isa pa, may mga nagbigay na ng paliwanag sa unang pahayag. Mga pahayag na galing sa direktang karanasan ng mga artista/manggagawang pangkulturang mas may karapatang magbigay ng pahayag kaysa sa akin. (Dahil sa kanilang partisipasyon sa mga kampanya at pakikibakang masa.)

Pero, sa palagay ko, hindi pa huli ang lahat. At baka mas epektibong maipahayag sa ganitong platform at estilo ang aking abang tugon. Bilang bahagi na rin ng assessment ko sa sarili kong pagtula, sa karanasan at pakikibahagi ko sa mga gawain sa kilusan.

*    *    *

Sa palagay ko, naiintindihan ko kung saan nanggagaling ang hugot ng (post)modernistang makatang aktibo ngayon sa isang organisasyong pangmagsasaka, kasama ng mga manunulat na marahil siya rin ang nag-organisa.

Kung sisipatin ang kanyang mga nalimbag na tula at koleksiyon ng mga tula (may nagwagi pa sa isang patimpalak sa ibang bansa), makikita ang mga iyon ay repleksyon ng kanyang peti-burges na kaisipan (sadyang dekadente).

Karapatan niyang itakwil ang mga tulang kanyang nasulat bago siya maorganisa sa kilusan—o maging progresibo—na inamin naman niyang . Naalala ko ang sabing maging si Jose Ma. Sison ay nagtakwil ng kanyang mga naunang tula bilang patunay ng kanyang pagpapanibagong-hubog, at pagpapamalas ng pagiging halimbawa ng isang progresibong manunulat.

*    *    *

Sa ating bansa, ang “pag-iiba ng paksa” ay nangangahulugan hindi lamang ng pagtalikod kundi ng pursigidong pagdurog ng mga naghaharing uri sa mga pambansa at demokratikong kahilingan ng mamamayan.
Ibahin ang Paksa? Ang Kasalukuyang Panulaang Makabayan sa Panahon ng Krisis at Rebolusyon, Gelacio Guillermo

*    *    *

Isa pang dahilan kung bakit hindi ako agad na tumugon sa pahayag ay dahil nasagot na iyon ni Gelacio ‘Chong Gelas’ Guillermo sa kanyang “Ibahin ang Paksa.”

Pero nagpupuna ako ngayon, baka hindi pa niya nabasa ang sanaysay na ito. Ani Chong Gelas:

Nakapusisyon ang progresibo at rebolusyonaryong panulaan bilang partikular na aksyong pangkultura sa anumang antas ng pagpapahalaga sa rebolusyong pangkultura. Taglay ng seksyong ito ng panulaang Pilipino ang paksa ng pambansang pagpapalaya at demokrasya mula pa noong dekada sisenta hanggang sa kasalukuyan sa harap ng mga pagbabago sa timbangan ng rebolusyon at kontrarebolusyon at sa pangkalahatang kalagayan sa pulitika, ekonomya at kultura ng lipunan.

*    *    *

Maling sabihin ng isang makatang sana hindi na lang siya nagsulat ng tula noong kanyang kabataan. Kung ano siya ngayon—tayong lahat, sa katunayan—ay sum total ng kung ano siya noon. Ang kanyang mga karanasan, akumulasyon, reaksyon, at produksiyon.

Naitanong ko ang gaya nito minsan kay Ser Bomen (anak ni Chong Gelas) sa klase namin sa MA. Kung hindi ba dinanas ni Karl Marx ang mga dinanas niya maisusulat ba niya ang mga bolyum ng Das Kapital?

Kailangan. Halimbawa na ring minsang sinabi ni Marx na mahalaga ang kapitalismo, dahil kung hindi sa labis na pananamantala nito sa mga manggagawa, hindi uusbong ang (siyentipikong) sosyalismo.

*    *    *

Patay na ang Panulaan? “Ano ba ang halaga ng tula sa lipunan? Ipinaliwanag na ito nina Lenin, Mao Zedong at ng makatang Aprikanong Aime Cesaire, at nitong huli’y ng Latinong Amerikanong manunulat na Eduardo Galeano, na nagwika: ‘Ang sabihing mababago ang realidad sa pamamagitan lamang ng panitikan ay isang kabaliwan o paghahambog. Sa palagay ko, isa ring kalokohan na itatwang nakakatulong ito sa pagbabago.’”
Ibahin ang Paksa? Ang Kasalukuyang Panulaang Makabayan sa Panahon ng Krisis at Rebolusyon, Gelacio Guillermo

*    *    *

Walang ilusyon ang tulang mababago nito ang lipunan. Isa itong kabaliwan! Isang paghahambog! Pero hindi dapat mawala ang tula—sa partikular, at lalo na, ang mapagpalayang panulaan—dahil bahagi ito ng rebolusyong pangkultura. Habang umiiral at namumutakti ang mga tula at makatang peti-burges at maka-imperyalista, kailangang laging itulak ang tulang progresibo saanmang larangan (naipaliwanag na rin ito ni Bertolt Brecht), kahit pa sa burgesyang patimpalak at palihan.

Sabihin pa, kailangang laging makapagpalabas ng tula sa bawat instance ng pananamantala. Tinawag ito ni Chong Gelas na TPR (Tactical Poetry Response o tugong taktikal ng panulaan) na “nakaakma sa aksyong masa, diretso sa paksa at panawagan, palasak at malawak ang mga imahen, idea, damdamin at diwa.” Gayundin, ang SPR (Strategic Poetry Response o tugong istratehiko ng panulaan) na “tumutugon sa pangangailangan ng malawakan at matagalang paghahanda at pagpapaunlad ng lahat ng pwersa para tiyakin ang kaligtasan at tagumpay ng kilusan.”

Kailangang laging makapagpalabas ng tula dahil isa ito sa mga paraan para maipaliwanag ang chaos na nangyayari sa lipunan.

*    *    *

Alalahaning maging ang mga hindi makata ay nakalilikha ng tula para sa paghingi ng hustisya. Maaalala ang tula ni Concepcion Empeño (para sa kanyang anak na si Karen na biktima ni Palparan)  at ni Nanette Castillo (para sa kanyang anak na si Aldrin na biktima ng EJK).

*    *    *

And I won’t tell you where it is, so why do I
And I won’t tell you where it is, so why do I tell you
anything? Because you still listen, because in times like these
to have you listen at all, it’s necessary
What Kind of Times Are These, Adrienne Rich

*    *    *

Sa tindi ng infowar at drug war, kasama ng iba pang paglabag sa karapatang pantao, ng rehimeng Duterte, isang tagumpay ng pambansa-demokratikong kilusan na magluwal ito ng mga koleksiyon ng mga tula (o may halong tula), sa kasalukuyang taon, gaya ng Tuligsa at iba pang mga tula ng dating political detainee na si Rene Boy Abiva, Persolitika: Mga tula at larawan ng alternatibong mamamahayag na si Raymund Villanueva, at Usapang Kanto: kolumberso ni koyang ng beteranong makata at mang-aawit na si Jesus Manuel Santiago.