Home Blog Page 539

Libu-libo ang mawawalan ng bahay sa NLEX Segment 8.2

Ang North Luzon Expressway (NLEX) C-5 North Link o Segment 8.2 ay planong expressway na magdudugtong ng C-5 Road at Commonwealth Avenue sa North Luzon Expressway (NLEX) sa pamamagitan ng Mindanao Avenue.

Ayon sa DPWH, nasa 8.35 km (7.85 km ayon sa NLEX Corp.) ang haba ng Segment 8.2 expressway na 2×2 (4-lane divided) at expandable hanggang 2×3 (6-lane divided). Sasakupin nito ang Republic Avenue, liliko papuntang Luzon Avenue, at titigil sa Congressional Avenue Extension. Hindi lamang road widening ang proyekto—gaya ng mga napapabalita sa komunidad, kundi pagtatayo ng expressway.

Bahagi ito ng mas malaking NLEX Harbor Link Project, isang extension road na may habang 21.65 km mula sa Mindanao Ave. sa Quezon City hanggang C-3 Road sa Caloocan City at Commonwealth Avenue sa Quezon City. Bahagi rin ito ng kontratang 1998 Supplemental Toll Operating Agreement for the Manila North Expressway.

Ruta ng NLEX North Link o Segment 8.2

Ka-partner ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Manila North Tollways Corp. (MNTC) na pagmamay-ari ng malaking negosyanteng si Manuel V. Pangilinan (MVP) para sa konstruksyon ng daan. Galing ito sa panukala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa isang master plan ng High Standard Highway Network sa Metro Manila. DPWH din ang mangangasiwa sa pagkuha ng Right of Way (ROW). May nakalaan na P7.5 bilyong piso ang gobyerno para sa proyektong kalsada.

Master plan ng High Standard Highway Network sa Metro Manila na panukala ng DPWH at JICA

Ang NLEX 8.2 ay bahagi ng Build, Build, Build (BBB) ni Duterte. Katulad ng Public-Private Partnership (PPP) ng dating Pangulong Benigno Aquino III, gagawing pagkakakitaan ng mga pribadong negosyo ang dapat mga batayang serbisyo, gaya ng mga kalsada at daan, sa ilalim ng BBB ni Duterte, na kapalit naman ay buhay at kabuhayan ng daanlibong mamamayan.

Gagastos umano ang MNTC ng P10.5 bilyon, na uutangin sa malaking dayuhang mamumuhunan, gaya ng Asian Development Bank o ADB. Bagaman hindi maglalabas ng pera ang negosyo, babawiin naman sa mga mamamayan ang inutang nito sa pamamagitan ng pagpapabayad ng toll fee sa loob ng 25-50 taon. Dahil expressway ang itatayo, hindi na libre ang paggamit sa kalsadang ito at may pinakamababang bayad na P45 sa Class 1.

Ang negosyanteng si Manny V. Pangilinan ang Chairman ng MNTC.

Nagsimula ang proyekto noong 2012. Bago ang kasalukuyang plano, tinarget itong masimulan noong 2015 at matapos sa 2019, ngunit hindi na ito posible dahil na-delay sa pagkuha ng ROW. Ayon sa DPWH, sa bagong phasing, magsisimula ang konstruksyon ng unang kwarto ng 2019 at matatapos sa 2021.

Nagsimula na muli ang pagkuha ng ROW noong pangalawang kwarto ng 2017 at balak tapusin sa pang-apat na kwarto ng 2018. Nagsagawa na ng house tagging noong Marso nitong taon at noong Abril ay nagkaroon ng validation sa mga bahay na tatamaan ng proyekto. Sinasabing mula pa 1999, o 19 taong nakalipas, dapat nakuha ng DPWH ang ROW para makapagsimula ang MNTC sa konstruksyon ng expressway kung kaya’t minamadali na nila ito ngayon.

Itinayo na rin ang isang depot sa Brgy. Sauyo kung saan nakatambak ang mga malalaking kagamitang gagamitin sa paggiba ng mga kasalukuyang daan at bahay at para sa pagtatayo ng expressway.

Si Mark Villar, anak ng kasalukuyang senador na si Cynthia Villar at dating Senate President Manny Villar, ang kasalukuyang kalihim ng DPWH.

Demolisyon at pagpapalayas sa mamamayan ang una’t pangunahing epekto ng NLEX 8.2.

Aabot sa higit 50,000 pamilya (nasa 29,000 lamang ang bilang ng pamahalaan) ang maaapektuhan ng pagtatayo ng NLEX 8.2. Libu-libong kabahayan ang gigibain para sa kabuuang lapad ng expressway na 90 metro (60 m para sa main road, 30 m para sa planong pabahay). Malawakan ang mangyayaring demolisyon at pagpapalayas ng mga mamamayan, katulad ng nangyari sa North Triangle sa Quezon City at sa proyektong Philippine National Railway Modernization and Rehabilitation Plan mula Caloocan, Maynila hanggang Muntinlupa. Noong 2012, tinaya ng gobyerno na may 16,605 kabahayang matatamaan ng proyekto.

Walong barangay sa Quezon City at isang barangay sa Valenzuela ang matatamaan ng proyekto. Kasama rito ang Sauyo, Pasong Tamo, Culiat, Talipapa, Bagbag, Fairview, Matandang Balara, at Holy Spirit, sa Quezon City at Brgy. Ugong sa Valenzuela.

Para maitayo ang NLEX 8.2, gigibain ang mga tahanan, negosyo, parokya, at iba pang establisyemento sa kahabaan ng Republic Avenue at Luzon Avenue. Kinakailangan ng gobyerno na linisin ang pagtatayuan ng kalsada na batay sa plano ay 100% dumadaan sa kabahayan ng mga maralita. Sadyang iniwasan naman ang mga malalaking paggawaan at pribadong subdibisyon.

Inihahapag ng gobyerno ang in-city housing alternative sa pamamagitan ng Medium-Rise Public Housing Program ng NHA. Kukunin din daw ang budget para dito sa alokasyong nakasaad sa RA 7835 o ang Comprehensive and Integrated Shelter Financing Act of 1994. Dahil dito, lumalabas na hindi libre ang pabahay. Nakasaad sa batas ang iba’t ibang paraan ng pagpapabayad sa mga magkakaroon ng alokasyon sa sinasabing itatayong pabahay. Idadaan ito sa loan o mortgage program na huhulugan sa loob ng 20-30 taon.

Visualization ng resettlement na pinaplano ng National Housing Authority

Sa isa na namang proyektong pangkaunlaran nagbabadyang maranasan ng nasa 50,000 pamilya o aabot sa 250,000 indibidwal ang pag-atras ng kanilang kabuhayan at pamumuhay.

Mawawala rin ang mga kabuhayan at mapapalayo sa kanilang mga trabaho ang mga mapapalayas. Hindi madaling makahanap at hindi naman nakalilikha ang gobyerno ng mga estableng trabahong may nakabubuhay na sahod. Nagkakasya ang mamamayan sa kanilang mga sari-sariling diskarte para makatawid sa araw-araw, at maging ang ganoong pamamaraan ay maipagkakaila sa kanila kapag dinala sila sa mga relokasyon sa mga hindi pa maunlad na pamayanan.

Hindi rin malayong matulad ang mga mapapalayas na mamamayan sa iba pang mga dinemolis ng gobyerno ang kabahayan, gaya ng mga residente sa C-5. Sa mga napalayas sa C-5 widening, karugtong lang din ng proyektong NLEX 8.2, inalok lang ng one-time cash payment katumbas ng laki ng kanilang bahay na giniba at walang alok na relokasyon.

Sa napalayas sa itinatayong depot para sa NLEX 8.2 sa Brgy. Sauyo, dinala sila sa relokasyon sa Morong, Rizal. Walang kuryente, tubig at kabuhayan sa relokasyon kung kaya’t nagsisibalikan sa syudad ang mga tinapon sa relokasyon.

Dala rin ng dislokasyon ang pagkaantala ng pag-aaral ng mga kabataan, gayundin ang kawalan ng kabuhayan ng kanilang mga magulang na lalong nagpapahirap sa kanilang kalagayan.

The post Libu-libo ang mawawalan ng bahay sa NLEX Segment 8.2 appeared first on Manila Today.

#SONA2018 | ‘Malagong’ ekonomiya, naghihirap na masa

Madalas ipagmalaki ng nakalipas na mga Pangulo ang sinasabing economic growth ng kanilang administrasyon lalo na tuwing ihahayag niya ang State of the Nation Address (SONA). Hindi kaiba ang administrasyong Duterte nang maitala nito ang sinasabing 6.8 porsiyentong “paglago” sa ekonomiya ng Pilipinas sa unang kuwatro ng 2018.

Pero ramdam ng mga mamamayang Pilipino mula noon hanggang ngayon na hindi para sa kanila ang sinasabing pag-unlad sa ekonomiya. Sa kasalukuyan, ramdam nila ang bigat ng taas-presyo ng langis, kasabay ng taas-presyo ng bilihin dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law, pagtaas ng pasahe, at pagbagsak ng halaga ng piso na nasa P53.52 nitong Hunyo 2018–ang pinakamababang tala sa loob ng 12 taon.

Ekonomiyang umuunlad?

Sinasabing tuluy-tuloy ang pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas na may taunang 2.0 porsiyentong average na pagtaas sa gross domestic product (GDP) noong 1980s, nasa 2.8 porsiyento noong 1990s, 4.5 porsiyento noong 2000s, at 6.4 porsiyento mula 2010 hanggang 2017.

Pero wala sa mga ito ang tunay na nagpaunlad sa kalagayan ng mga Pilipino. Lalo na kung titignan ang lagay ng empleyo sa Pilipinas.

Isa sa sukatan ng pag-unlad ng ekonomiya ang paglikha ng sapat na trabaho at kabuhayan sa lumalaking populasyon. Kasama na rito ang pagkakaroon ng nakabubuhay na sahod at seguridad sa trabaho. Wala sa mga ito ang nangyayari sa kasalukuyan. Bagkus, lalo pa itong lumalala.

Nitong nakaraang taon, lumago ang ekonomiya nang 6.7 porsiyento. Pero nasa 663,000 trabaho ang nawala. Hindi lang hindi nakalikha ng trabaho ang ekonomiya, kundi mayroon pang aktuwal na daang libong walang trabaho. Ito ang pinakamalaking tapyas sa trabaho sa loob ng 20 taon mula 1997, sabi ng Ibon Foundation.

Hindi rin nagpapakita ng matibay na pundasyon ang nalikhang trabaho. Nasa konstruksiyon ang 465,000 naidagdag na trabaho at nasa 260,000 naman ang nalikha sa pampublikong sektor na siyang bumubuo sa di-bababa sa kalahating nalikhang trabaho. Pero panandaliang lang ang trabaho sa konstruksiyon at hindi sinyales ng matatag na ekonomiya ang dagdag-trabaho sa pampublikong sektor na kadalasa’y dulot ng patronage politics.

Inaasahan din maging ng National Economic and Development Authority ang taunang pagbagal sa industriya ng business process outsourcing o BPO pagdating ng 2022.

Mababang sahod

Samantala, nananatiling mababa ang sahod na natatanggap ng mga manggagawa nasa nasa P512 ang minimum sa National Capital Region na nasa P447.94 lang ang tunay na halaga. Higit na mas mababa pa ang natatanggap ng mga nasa rehiyon.

Walang kongkretong hakbang na ginagawa ang administrasyong Duterte para tuluyang matigil ang kontraktuwalisasyon. Sa kabila ito ng paglabas ng Department Order 174 ng Department of Labor and Employment at Executive Order No. 54 ni Duterte na pawang walang pangil. Sa listahang inilabas ng DOLE ng mga kompanyang lumalabag sa labor-only contracting (LOC), pinuna ng iba’t ibang grupo bakit wala rito ang mga kompanya ni Henry Sy tulad ng SM.

Matatandaang itinuturing ng mga grupong maka-manggagawa si Sy bilang “contractual king” dahil sa dami at lawak ng paggamit niya ng kontraktuwal na paggawa sa kanyang mga negosyo lalo na sa SM malls. Matatandaan ding naging malapit ang rehimeng Duterte sa mga Sy—na sumasama pa sa mga biyahe ni Duterte sa China noong nakaraang taon.

Di rin maganda ang ipinakikita ng sektor ng agrikultura kung saan matatagpuan ang mayorya ng mahihirap. Nasa 803,000 trabaho ang nawala noong 2017, samantalang sa huling datos nitong Abril 2018, nasa 723,000 ang nawala, ayon sa Ibon.

Ito ang dahilan kung bakit paparaming Pilipino ang sapilitang nangingibang-bayan at iniiwan ang kani-kanilang pamilya. Noong 2016, nasa 2.1 milyong Pilipino o 5,771 kada araw ang umalis ng bansa at nasa 2 milyon naman o 5,460 kada araw noong 2017. Sa huling anim na taon, mas maraming Pilipino ang umaalis ng bansa kumpara sa bagong trabahong nalilikha ng lokal na ekonomiya.

Imprastraktura, lumulobong utang

Ang ipinagmamalaking programang “Build, Build, Build” ng administrasyong Duterte ang sinasabing magiging daan para mapaunlad ang ekonomiya ng bansa. Pero kinukuwestiyon ang karamihan sa mga imprastraktura na ito ang hindi nakasentro sa mahihirap na rehiyon.

Ayon sa Ibon, bagamat may malaking puwang pagdating sa imprastraktura, hindi sapat na magtatayo lang ng mga ito na walang malaking estratehikong plano para paunlarin ang agrikultura at pambansang industriya.

Laging agresibo ang gobyerno padating sa pagpapaunlad ng imprastraktura para mag-enganyo ng dayuhang mga mamumuhunan. Mabilis ang pagtaas ng paggasta ng gobyerno para sa mga imprastraktura sa nakalipas na mga taon. Tumaas ito mula 1.8 porsiyento ng GDP noong 2011 tungong 5.1 porsiyento noong 2016, at 5.4 porsiyento noong 2017. Target itong pataasin nang 7.3 porsiyento sa 2022 sa ilalim ng Build, Build, Build.

Kaya naman malaking negosyo para pagkakitaan ang mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno na magbubukas ng mga proyekto para sa mga dayuhan at pribadong kapital.

Kasabay nito ang paglobo ng utang ng Pilipinas na nasa P6.83-Trilyon nitong Mayo 2018 mula P5.95-T noong Hunyo 2016. Nangangahulugan na nasa P38.5-Bilyon kada buwan ang pagtaas ng utang sa ilalim ni Duterte na higit na doble kumpara sa nakalipas na administrasyon.

Tugon ng bayan

Inaasahang sa State of the Nation Address ni Duterte’y ipagmamalaki ang paglago ng ekonomiya at mga programa para rito. Tulad ng naunang mga administrasyon, walang binago si Duterte sa ekonomiyang sumusunod sa neoliberal na mga polisiyang dikta ng mga dayuhang monopolyo-kapitalistang kumokontrol ang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas.

Para sa Ibon, tiyak na walang ibang ibubunga ito kundi lalong pagmonopolyo ng iilan sa yaman at ibayong kahirapan sa karamihan.

Pero tulad ng dikta ng kasaysayan ng mga mamamayan, hindi mapipigilan ng anumang panunupil ng Estado ang kanilang paglaban para sa karapatan na magkaroon ng ekonomiyang tunay na tutugon sa pangangailangan ng bayan at kapakinabangan ng lahat.

#SONA2018 | Ligalig at laban ng mga manggagawa sa PLDT atbp.

“Biyernes ng hapon (Hunyo 29), nagtrabaho pa naman kami (sa PLDT),” kuwento ni Jhona. Sumunod na araw, pinatawag sila ng management. “Sinabi na lang (nila) na biglaan: Wala na kaming trabaho.”

Naglabas na noong araw na iyon, Hunyo 30, ng cease and desist order sa kompanya ng telekomunikasyon na PLDT ang Department of Labor and Employment (DOLE) para dapat sana’y matigil ang ilegal na pag-empleyo ng kontraktuwal na mga manggagawa sa mga manpower o third-party agency. Pero sa halip na i-absorb ng naturang kompanya ang mga manggagawa ng mga agency—na siya naman talagang diwa ng utos ng DOLE—hinayaan ng PLDT na mawalan ng trabaho ang mahigit 12,000 manggagawa, kasama ni Jhona.

Apat na buwang buntis si Jhona, may 4-anyos na isa pang anak. Kailangang kailangan niya ng trabaho para sa pamilya niya. Nakaempleyo si Jhona sa SPi, isa sa mga ahensiyang kumukuha ng mga manggagawa para sa PLDT. Dapat, dahil sa utos ng DOLE, gawin na siyang regular na empleyado ng PLDT. Pero sa halip na sundin ng kompanya ang utos ng gobyerno, nagmatigas ito. Mistulang tinanggal pa sina Jhona sa trabaho.

“Ipaglalaban ko (ang trabaho ko), para sa magiging baby ko, at para sa apat na taong-gulang na anak ko,” sabi niya.

Kaisa siya sa kampuhang protesta ng kontraktuwal na mga manggagawa ng PLDT, Kilos Na Manggagawa-PLDT, Defend Job Philippines at Kilusang Mayo Uno (KMU) sa harap ng tanggapan ng kompanya sa Espana, Manila. Ang giit nila: iregularisa ang mahigit 12,000 manggagawa.

Inutil

Bahagi dapat ang desisyon sa PLDT ng mga hakbang ng DOLE para isakatuparan ang pangako ni Pangulong Duterte na wawakasan ang lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon sa paggawa sa bansa. Katunayan, kontraktuwalisasyon sa PLDT ang pinakauna niyang pinangakong papawiin.

Sa bisa ng DOLE Order 174 at mismong Executive Order No. 51 ni Duterte, iniutos nga ng gobyerno ito sa PLDT. Pero katulad ng nangyayari ngayon sa maraming empresa o pabrika na may utos ang DOLE na iregularisa ang mga manggagawa, nagmamatigas ang mga kapitalista. Alam nila, walang pangil ang gobyerno para ipatupad ang naturang mga utos. Alam nila, sa kadulu-duluha’y sa kanila pa rin papanig ang gobyerno.

“Mula nang pirmahan ni Pangulong Duterte ang EO 51 (at sinasabing) ito na raw ang katuparan ng kanyang pangako na wakasan ang kontraktuwalisasyon, iniikutan lang ito ng mga kompanya, sa anyo ng restructuring,” paliwanag ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU. Pinakamalinaw na halimbawa nito ang PLDT.

Kinumpirma ni mismong DOLE Sec. Silvestre Bello III ang taktikang ito ng mga kompanyang tulad ng PLDT. Sa press conference para ianunsiyo ang clarificatory statement ng ahensiya kaugnay ng DOLE, tahasang inamin ni Bello na di sinusunod ng PLDT ang utos nila. “Para ikutan ang utos (ng DOLE), ang ginawa nila, inutusan nila ang mga empleyado na itinuturing na nating regular na empleyado ng PLDT na mag-aplay…Na hindi tamang aksiyon sa bahagi nila,” sabi ni Bello, sa wikang Ingles.

Magmula Hunyo 5 hanggang sa huling desisyon ng DOLE noong Hunyo 30, nawalan na ng trabaho ang 7,306 na empleyado dapat ng PLDT na dating nasa ilalim ng listed agencies (may mahigit 5,000 pang iba nasa ahensiya na unlisted o hindi pa naisasama sa listahan ng DOLE).

Dahil dito, natulak na ang maraming manggagawa, sa suporta ng Kilos Na Manggagawa at iba pang grupo, na magtirik ng kampuhan sa harap ng tanggapan ng PLDT sa Espana, Manila noong Hulyo 9. Unti-unti, naabot nito ang mga manggagawang kontraktuwal na tinanggal, hindi lang sa naturang tanggapan, kundi sa iba pang opisina ng PLDT sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Noong Hulyo 12, nagsagawa ng malaking pagkilos din sa Mendiola, Manila—malapit sa Malakanyang—ang maraming kontraktuwal na mga manggagawa para igiit ang regularisasyon nila.

Pagkakaisa sa SONA

Sa isang media forum ng KMU hinggil sa kalagayan ng mga manggagawa sa ilalim ng rehimeng Duterte, nagsalita ang mga manggagawa ng PLDT, gayundin ang mga manggagawa ng NutriAsia, Monde Nissin, Middleby, Albert Smith Signs (gumagawa ng billboards ng malalaking kompanya), at iba pa, para ipakita na tumitindi lang ang ligalig sa kanilang hanay sa ilalim ni Duterte.

Nagsasagawa ang mga manggagawa sa mahigit 30 pabrika ng mga welga o piket-protesta ngayon, ani Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU. Ang hiling ng mga welga o protestang ito, igiit ang regularisasyon ng mga manggagawa, gayundin ang pagkakaroon ng nakabubuhay na sahod at kilalanin ang karapatan nilang mag-unyon. Kalakhan sa mga pabrikang ito, ani Labog, may desisyon na ang DOLE na iregularisa ang mga manggagawa, pero hindi ipinapatupad ng mga kapitalista at bagkus ay nagtatanggal pa ng mga manggagawa.

Samantala, ipinagmamalaki ng DOLE na nakapagparegular na raw ito ng mahigit 100,000 manggagawa. Posibleng mabanggit pa nga ito ni Duterte sa kanyang State of the Nation Address o SONA sa Hulyo 23. “Ang tanong namin, bilang nagkakaisang kilusan sa paggawa: Nasaan ba ang 100,000 na iyan? At kung totoo man iyan, ito ay tinatawag na ‘drop in the bucket‘ (patak lang sa balde). (Umaabot sa) 0.4 porsiyento lang ito ng 25 milyong manggagawang kontraktuwal…Aabot sa 60 porsiyento ng labor force participation ang kontraktuwal,” paliwanag ni Labog.

Para sa KMU at iba pang grupong maka-manggagawa, bigong bigo si Duterte na maisakatuparan ang pangako niya na wakasan ang kontraktuwalisasyon. “Wala namang nilalaman yung EO 51 (ni Duterte) kundi pag-uulit lang ng mga probisyon na nasa Labor Code na,” aniya.

Kaya makakaasa lang umano ang mga manggagawa sa sarili nilang lakas, sa mga welga at piket-protesta para igiit ang kanilang mga karapatan. Sa araw ni SONA, muling tutungo sa lansangan ang mga manggagawa, sa pangunguna ng nagkakaisang hanay ng iba’t ibang organisasyon nila, para ipakita ang lakas na ito.

#SONA2018 | Estado ng bansa, danas ng maralita

Sa dalawang taong panunungkulan ni Pangulong Duterte, naglipana ang iba’t ibang numero sa bansa:

12,000 mahigit ang patay dahil sa Oplan Tokhang at extra-judicial killings;

1607 Manobo ang nagbakwit dahil sa military encampment;

74 menor-de-edad ang namatay dahil sa giyera kontra droga;

72 paaralang Lumad ang hindi agad makapagsimula nitong Hunyo dahil sa militar;

41 ang namatay dahil sa paglaban para sa lupa at kalikasan noong 2017;

Ikalawa sa pinakamapanganib na bansa sa buong mundo para sa land at environmental defenders ang bansa; at

Una sa pinakamapanganib na bansa sa buong mundo para sa mga peryodista.

Sa likod ng mga numerong ito ang imahe ng pamilyang Pilipino: ang imahen ng lumulubhang kahirapan, mababang sahod, tumataas na mga bilihin, sumasahol na serbisyo. Ito rin ang mga bilang at katotoghanang malabong marinig sa State of the Nation Address ni Pangulong Duterte.

Kaya naman nagtipun-tipon ang iba’t ibang sektor sa SONA State of Tyranny noong Hulyo 7. Kasama sa mga dumalo sina Sr. Pat Fox, National Artist for Literature Bienvenido Lumbera, Mae “Juana Change” Paner, dating Rep. Neri Colmenares, at marami pang iba.

Ayon pa kay Sr. Mary John Mananzan, hindi makatatapat ang anumang SONA na pinaplano ni Duterte sa naging mga talakayan sa State of Tyranny. Halos lahat ng sektor mula sa mga manggagawa hanggang sa mga relihiyoso ang dumalo at nakiisa sa pagtitipon.

Saan pa nga ba mas makatatamasa ng makatotohanang State of the Nation Address, kundi sa nation o masa na mismo.

Ekonomiya

Kung gulat ang iba sa 5.2 porsiyentong inflation (o pagtaas ng presyo ng mga bilihin) na ibinahagi ng Philippine Statistics Authority, mas kalunus-lunos pa ang danas ng ibang rehiyon tulad ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) na umabot na sa 7.7 porsiyento ang inflation.

“Sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin, ang mga mahirap ay titindi ang kagutuman na kanilang nararamdaman,” ani Noel Leyco, dating Department of Social Welfare and Development officer-in-charge.

Ayon pa sa kanya, mas tataas pa kumpara rito ang inflation ng mga pagkain, kung kaya’t mas dama ng mga tao ang pagsikip ng mga pitaka pagdating sa pagbili ng maihahapag sa kainan. Aabot umano ng 9 porsiyento ang inflation sa presyo ng pagkain sa ARMM at 8 porsiyento naman sa Bicol.

“Ito ang mga lugar na dapat bigyang ayuda ng gobyerno,” dagdag ni Leyco.

Bahagi ang kaguluhan sa ARMM sa dahilan kung bakit higit na mas mataas ang inflation sa lugar. Para naman sa Bicol, kinakailangan pa ring bumangon ng rehiyon mula sa dinanas nito dahil sa bulkang Mayon.

Kung hindi matutugunan nang mas maaga, masasadlak lalo sa kahirapan ang mga mamamayan ng rehiyon, pati na rin ang iba pang mahihirap at panggitnang uri sa bansa.

Hindi matiyak ni Leyco kung Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ang pangunaning dahilan ng inflation, pagkat ayon sa kanya ang ekonomiks ay hindi “exact science”. Pero tiniyak ito ng progresibong mga ekonomista mula sa Ibon Foundation, na nagsabing direktang resulta ng pagpataw ng dagdag-buwis sa langis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin—na binibiyahe kaya kumokonsumo rin ng langis. Apektado rin ang presyo ng mga bilihin ng pagtaas ng pamasahe.

Sigalot sa teritoryo

Kawalan ng mariing tugon naman ang nakikita mula sa gobyerno ng Pilipinas pagdating sa isyu ng South China Sea o West Philippine Sea, kung saan matatagpuan ang gawa-gawang mga islang minimilitarisa na ng China.

“Kailangan po nating umangal nang umangal,” giit ng abogadong si Florin Hilbay, dating solicitor general.

“Sabi ng ating Secretary on Foreign Affairs, umangal raw siya ng 50, 100, 200 beses,” dagdag ni Hilbay. Pero nang hanapan na nila ito ng papeles, nakitang panay salita lang pala ang pag-angal na ito, mahina at walang pangil.

Kung hindi igigiit ng Pilipinas ang karapatan nito sa mga isla sa West Philippine Sea, hindi raw malayo na mapasailalim ang bansa sa “i” sa ilalim ng China. Ang ibigsabihin nito, isusuko na ng bansa ang ilan nitong karapatan sa China dahil sa dami ng ating utang dito.

Oras na manatiling kimi ang Pilipinas, parang isinuko na rin nito sa China ang mga isla at ang mga karapatang tinatamasa sa mga isla na ito. Kaya namang lalong malaki ang mawawala sa small-scale na mangingisda. Marami na nga ang tumalikod sa pangingisda noong 2013 pa lang matapos itaboy paalis sa Panatag Shoal ng mga Tsino, ngayon pa bang mas higit na nagmilitarisa na ang China.

Muli, isa itong tinik para sa mga mamamayan.

Human Security Act

Sa kabila naman ng mga problemang kinakaharap na ito, mukhang binabalak ng gobyerno na kitilin ang karapatan ng mga mamamayang tumutol at manawagan ng hustisya.

Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, ang ipinapanukalang pagrepaso sa Republic Act 9372 o Human Security Act of 2007 ay nagpapalawak sa depinisyon ng terorismo sa bansa.

“Halimbawa, ‘yung transport strike,” giit ni Tinio, “papasok ito sa ilalim ng banta sa ‘kritikal na imprastraktura.” Ibig sabihin, sa ilalim ng panukalang amyenda sa batas na itinutulak ng rehimeng Duterte, maituturing nang “terorismo” ang karapatan ng mga tsuper at mamamayan na magwelga sa transport.

Pati welga ng mga manggagawa sa NutriAsia, at kung ano pang pagigiit ng karapatan, ay maaari nang tawaging terorismo ng gobyerno.

Oras naman na masampahan ng kaso at mapagkamalang terorista, wala na ang mga batas na poprotekta sa mga mamamayan. Balak rin kasing patanggal ang magiging parusa sa gobyerno oras na mapatunayang mali ang paghihinala nito ng terorismo.

Sa pamamagitan nito, at sa pagkakaroon ng konsolidasyon ng kapangyarihan ng pangulo, maaari na nitong sampahan ng terorismo ang mga aktibista at gamitin itong sapat na dahilan upang isailalim ang bansa sa batas militar.

Kasabay pa nito ang pagtigil sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) matapos hinging kondisyon ni Duterte ang pagtitipun-tipon ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa iisang lugar habang isinasagawa ang usapang pangkapayapaan.
Makikita sa hakbang na ito ang tahasang pagpapatahimik sa mga mamamayang lumalaban.

Pederalismo

Dagdag pa riyan, ginagamit na rin ang batas para sa interes ng iilan.

Iginigiit ng mga nagpapanukala sa pederalismo na ito’y para sa mga mamamayan. Pagkapasa nito, anila, mas matutugunan na ang problema sa mga rehiyong naghihirap at mas bibilis na rin ang pagproseso sa mga pangangailanagn ng mga mamamayan.

Pero mariin na ginigiit ni dating Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na hindi ito makatotohanan.

“Wala pong hindi kayang gawin ang Kongreso ngayon (gamit ang kasalukuyang mga batas),” ani ni Sereno, “wala silang hindi kayang gawin upang tulungan ang mga probinsiya, kung gugustuhin lang nila.”

“Ano po ba ang tanong? Ano po ba ang problema na gusto nilang solusyonan?” tanong ng dating punong mahistrado. Kasama kaya rito ang ekstensiyon ng kanilang panunungkulan dahil ng posibilidad ng “no el” o no election sa 2019 dala ng nagbabadyang pagbabago sa konstitusyon.

Kung nanaisin naman ng Kongreso at gobyerno maghanap ng sosolusyunan, may mangilan-ngilang problemang mabilis nilang marerespondehan.

Lagay ng bayan

Isa na rito ang pananatili ng militar sa kanayunan, partikular na kung saan namamalagi ang mga pambansang minorya. Naantala ang pag-aaral ng mga batang Lumad, halimbawa, dahil sa pagggamit ng militar sa kanilang mga eskuwelahan.

Nariyan din ang pagpapalaya sa higit 300 bilanggong pulitikal sa bansa. Noong 2017, mayroong 10 pinalaya si Duterte ngunit kalakhan pa rin sa mga ito, kasama na ang mga matatandang bilanggo, dekada na ang inabot sa kulungan para sa pagiit ng kanilang karapatan.

Daan-daang manggagawa naman ang patuloy na nananawagan para sa regularisasyon at pagkilala sa kanilang karapatan. Kabi-kabila na ang piket at martsa upang marinig ang panawagan ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang pabrika at empresa tulad ng Jollibee, NutriAsia, Middleby, Monde Nissin, PLDT, at marami pang iba.
Sa isang salita rin ng pangulo, matitigil at mababago ang Oplan Tokhang at Oplan Tambay, ilang proyekto ng kapulisan na nagdulot ng pagkakabilanggo at pagkakapatay sa mga inosente at menor-de-edad.

Kung nakakayan naman ng gobyerno makapaglaan ng bilyon para sa mga kalsada sa ilalim ng “Build, Build, Build”, kakayanin rin nito na makapaglaan para sa imprastrakturang tutugon sa tunay na pangangailangan ng mga mamamayan tulad ng mga ospital, eskuwelahan sa nayon, at iba pang nabanggit sa nakaraang mga diskusyong pinangunahan ng Ibon Foundation.

Ito’y ilan lang sa mga dinaranas ng mga Pilipino na maaaring solusyonan ng gobyerno kung nanaiisin lang. Ito rin ang ilan sa mga kuwentong inaasahang mapakinggan ng mga mamamayan sa tunay na SONA—sa labas ng Batasan Pambansa, sa kalsada—para makita kung tunay na kalagayan at kahilingan ng masang dapat sineserbisyuhan ng gobyerno, hindi pinapatay o inaagrabyado.


Featured image: Larawan ng pagbakwit ng mga komunidad ng mga Lumad mula sa Lianga, Surigao del Sur, matapos ang muling pag-okupa ng militar sa kanilang mga komunidad. Kuha ng The Breakaway Media

#StopTheAttacks sa Gawad Urian

“Inaatake ngayon ang ating mga karapatan—ng mismong Pangulo na nangakong poprotektahan ito.”

Ganito ang simula ng pahayag hinggil sa kampanyang #StopTheAttacks—isang public information campaign para bigyang-pokus ang iba’t ibang kaso ng malawakang paglabag sa karapatang pantao ng rehimeng Duterte. Saklaw nito ang mga kaso ng pamamaslang na ekstrahudisyal sa ilalim ng giyera kontra droga, gayundin ang batas militar sa Mindanao na nagbiktima sa mga komunidad ng mga Moro, Lumad at magsasaka.

“Araw-araw, lalong nakokonsentra sa Pangulo ang pampulitikang kapangyarihan. Samantala, lalong nakokonsentra naman sa iilang elite ang kapangyarihang pang-ekonomiya—sa kapamahakan ng mayoryang Pilipinong mahihirap na pumapasan ng di-nakatwirang buwis, taas-presyo ng mga bilihin at mababang sahod,” sabi pa sa pahayag.

Nitong Huwebes, Hunyo 14, sa awarding ceremony na Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (Manunuri)–ang isa sa pinaka-prestihiyosong award-giving body sa pelikulang Pilipino—sinuot ng mayorya ng mga nominadong artista, gayundin ng mga kritiko, ang pin ng logo ng kampanyang #StopTheAttacks.

Kabilang sa mga nagsuot ng #StopTheAttacks pin sina Arnel Barbarona, ginawarang Best Director ng ng Tu Pug Imatuy (pelikula hinggil sa pakikibaka ng mga Lumad), Kiri Dalena (na nagwaagi sa Best Short Film), Dido dela Paz na nagwaging Best Supporting Actor para sa pelikulang Respeto, ang direktor ng Respeto na si Treb Monteras III, mga filmmaker ng Best Documentary Film na Yield, mga prodyuser ng Best Picture na Balangiga: Howling Wilderness ni Khavn, at marami pang iba.

Suot din ito ng maraming miyembro ng Manunuri tulad nina National Artist Bienvenido Lumbera, Roland Tolentino, Patrick Campos, Gigi Alfonso, at marami pang iba.

“Bilang mga artista at manggagawang pangkultura, hindi kami papayag na tumabi na lang habang nagpapatuloy ang lantarang pamamaslang at tumitindi ang walang habas na atake sa mga mamamayan,” sabi pa ng pahayag.

“Isinasama namin ang boses namin sa lumalakas na pagtutol kontra sa mga atakeng ito sa ating mga karapatan.”

Layunin ng kampanyang #StopTheAttacks na ipalaganap ang tampok na ehemplo ng mga paglabag sa mga karapatan para singilin at panagutin ang rehimeng Duterte sa mga krimen nito sa mga mamamayan.

#KampuhanKontraKontraktwalisasyon | Bryan, kontraktwal na tinanggal sa Jollibee

‘Bida ang saya’, ito ang tagline ng nangungunang fastfood chain sa bansa, ang Jollibee Foods Corporation o Jollibee. Ngunit sa nararanasan ng mga manggagawa nito sa ilalim ng kontraktwalisasyon ay tila mailap hanapin ang saya sa kanilang pagtatrabaho.

Isa ang 31 taong gulang na si Bryan Formanes na iligal na tinanggal ng management ng Jollibee. Nawalan siya ng trabaho matapos tanggalin ng Jollibee ang kanyang manpower agency sa commissary at warehouse nito sa Parañaque ilang araw bago mag-expire ang kontrata ng agency sa Jollibee. Ito rin ay nangyari ilang buwan matapos maglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng compliance order na gawing regular ang mga service crew ng Jollibee sa kanyang mga fastfood store.

Nagtatrabaho bilang RQI o Request from Quality Inspection sa loob ng apat na taon si Bryan sa nasabing pagawaan.

Kwento ni Bryan, rest day niya noon nang nag-chat siya ng isa niyang kasamahan na “Pre, punta ka dito.” At doon ay sapilitan silang pinapirma sa isang papeles na nagsasaad na ipupull-out na sila at wala na silang anumang kaugnayan sa Jollibee. Aniya ay management at agency nila ang pwersahang nagpapapirma sa kanila.

Nangyari ang nasabing tanggalan noong June 17, 12 ng hatinggabi.

“Yung management, ‘di kami hinaharap. ‘Pag ‘di kasi kami pumirma dun sa papeles, pinapagwardiyahan kami,” ani Bryan.

Ayon pa kay Bryan ay ‘di rin sila nakakatanggap ng mga benepisyo, nakakakuha lang sila ng 300 na gift check na pampalubag loob kada taon tuwing Pasko.

Sa kasalukuyan ay mayroong 25 na mga manggagawa ng Jollibee ang nagkakampuhan ngayon sa Mendiola upang patuloy na kalampagin ang estado hinggil sa kanilang kalagayan at upang iregularisa silang mga manggagawa. Galing na sila sa kanilang kampuhan sa labas ng warehouse na nakatayo sa loob ng 17 araw at lumipat sila sa Kampuhan Kontra Kontraktwalisasyon sa Mendiola noong Hulyo 18.

Dahil sa Pas Logistics na bagong pasok na agency ay tinanggal sila at nagpasok ng bagong mga trabahador sa Jollibee.

“Sabi na ng DOLE ay iregular kami kaso ayaw ng Jollibee. Matigas ang ulo, umiiwas sa mga manggagawa,” wika ni Bryan.

Dagdag pa niya ay sa loob ng dalawang taong pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte ay walang pagbabago sa kalagayan ng mga manggagawa. Kung kaya’t makikiisa siya sa darating na pagkilos sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Duterte upang marinig ang kanilang mga hinaing at maikwento kung bakit sila tinanggal.

The post #KampuhanKontraKontraktwalisasyon | Bryan, kontraktwal na tinanggal sa Jollibee appeared first on Manila Today.

#KampuhanKontraKontraktwalisasyon | Dong at ang 17 taong paglaban ng mga tinanggal na manggagawa ng Toyota

Sa taong 1997, nagsimula ang ngayo’y 48 anyos na si Eduardo Gado bilang regular na welder sa planta ng Toyota. Hindi siya nakatanggap ng sapat na sahod at benepisyo at natanggal noong 2001. Kinikilala siya sa palayaw na “Dong.” Ibinahagi rin niya na miyembro siya ng Toyota Philippine Motors Association (TPMA).

Itinayo ang unyon noong 1990 sa Bicutan, sampung taon ang pagitan matapos itayo ang kumpanya ng Toyota sa Pilipinas. Ngunit nagkaroon din ng planta sa Santa Rosa, na ayon kay Dong ay mas high-tech at malawak kung ikukumpara sa unang planta.

Tatlong yugto ng pamumuno ng unyon ang dinanas ng mga miyembro. Ang una nilang presidente ay nabayaran kung kaya’t hindi naging malakas ang pamamalakad. Ang ikalawa’y nagkaroon ng teknikal na problema’t dinaan sa legal ng kumpanya. At ikatlo’y ang kasalukuyang tuwid na namumuno sa unyon ng mga manggagawa sa Toyota. Ayon kay Dong maayos ang naging pamamalakad at mas lumakas ang unyon.

Layunin ng TPMA ang magbahagi ng pag-aaral sa kasaysayan ng lipunan at karapatan upang magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga manggagawa’t hindi umiral sa kanila ang pamamanipula’t pananamantala ng kanilang pinagsisilbihan.

Napagtagumpayan ng unyon ang pagpapatupad ng CBA o Collective Bargaining Agreement at sa pamamagitan ng pag-file ng petisyon at pagwewelga kung saan naibigay ang karagdagang sahod sa inilaan na lakas paggawa. Itinatayang ₱16,000 lamang ang sahod ng mga manggagawa sa Toyota kada buwan ngunit nang naipatupad ang CBA ay naging ₱40,000 na ang kada-buwan nilang sahod.

Subalit naging sakripsyo rin ito sa iilang miyembro ng unyon dahil sa pagkakatanggal nila sa trabaho. Ang bilang ng mga miyembro ay nasa 800—halos 500 ang tinanggal at 233 na lang ang natitirang aktibong kasapi at may matibay na naninindigan na handang ilaban ang karapatan ng mga manggagawa hanggang sa kasalukuyan.

“Ang Toyota dahil isa siya sa pinakamalaking negosyo dito sa bansa ganoon siya kalakas sa gobyerno. Bakit? Noong mag-CBA na kami, imbes na harapin yung manggagawa, tinanggal, para makaiwas siya doon sa obligasyon. Kasi diba pag nag-CBA, diba may pagkakataon na tataas yung sahod ng manggagawa kasi iyon ang ipaglalaban namin. Kaso ayaw ng mga malalaking negosyante kasi ang katanggian nila, swapang sila eh. Gusto nila tubo lang ng tubo, kita ng kita, at ang tingin nila sa mga maggagawa gastos lang,” kwento ni Dong.

Tumagal ang mga pioneer na illegal na tinanggal sa kompanya ng Toyota ng 17 taon. Ang iba’y mula pa sa Timog Katagalugan. Ayon pa kay Dong inaabutan na lamang sila ng pera upang hindi na bumalik pa, sapagkat kung mananatili sila ay mas lalakas ang pwersa ng unyon sa loob ng pabrika at hihina ang pananamantala ng mga namamahala sa kumpanya.

Nang mawalan ng trabaho si Dong nagsimula siyang pumasok sa konstruksyon, pagiging drayber, karpintero, at latero. Naging paextra-extra na lang at hindi na nakapasok sa permanenteng trabaho sapagkat kinasuhan sila ng mga criminal na kaso, isang paraan upang sumuko sa laban at dahil sa nangyari ay may ban na sila sa NBI. Hindi na pupwede mag-abroad at kakailanganing magtiyaga na lang sa kung ano ang mapapasukan sa bansa.

“Kapag nagtrabaho ka kasi sa loob para kang robot, ‘pag pumatak yung oras wala ng tigil ‘yan. ‘Pag tumunog ulit ‘yon, doon ka lang titigil, kasi machine yung susundan mo eh. ‘Pag naiwan ka ng machine, ‘di titigil yun, ‘di ka hihintayin non, machine eh, hahabulin mo. At ‘pag di mo nahabol, titigil iyon, wawangwang na iyon. Kaya parang robot ka roon, kalkulado lahat ng galaw mo,” paglalahad ni Dong sa karanasan niya sa loob ng pabrika.

Madalas pa’y sumusobra sila sa oras sa trabaho, subalit minsan lang makatanggap ng overtime pay.

Sa kabila ng pagmamalabis na naranasan, nakuha pa rin na maging positibo ni Dong.

“Nagtrabaho tayo, natanggal, tuloy ang laban natin at tuloy rin ang laban para sa mga kapwa natin manggagawa. Tumutulong tayo para magtulungan at sa ganoon ay tulungan din tayo, give and take. Hindi lang manggagawa pati mga sector pag may laban sama tayo dahil pare-pareho ang problema natin, tulungan,” aniya.

“Bakit tayo kailangan magtulungan? Kasi pinagtutulungan tayo,” sambit niya.

Nag-iwan ng maganda at mapagpamulat na kataga si Dong bago matapos ang panayam: Ang laban ng mga manggagawa bilang hukbong mapagpalaya ay ang laban ng lahat ng sektor sa masa.

The post #KampuhanKontraKontraktwalisasyon | Dong at ang 17 taong paglaban ng mga tinanggal na manggagawa ng Toyota appeared first on Manila Today.

#KampuhanKontraKontraktwalisasyon | Ka Luis, 45 taong kontraktwal sa Harbour Centre

Napakabigat na trabaho kung tutuusin ang ginagawa ng isang 64 taong gulang na si Ka Luis Ormillada. Ngunit kahit sa loob ng 45 taong pagtatrabaho niya sa Harbour Centre ay malakas at masigasig pa rin siya sa pagbabanat ng buto.

Harbour Centre Port Terminal, Inc. ang isa sa mga naglilipat ng mga bakal, bigas at iba pang mabibigat na produkto mula sa iba’t ibang bansa upang tunawin at gawing mga kotse, piyesa at maraming pang iba. Pag-aari ito ni Reghis Romero, Sr.

Si Ka Luis ay isang operator sa nasabing pagawaan at kitang-kita ang bakas ng mga nagdaang panahon sa kanyang mukha’t pangangatawan kung gaano na siya katagal dito.

Katulad ng ibang mga pagawaang naka-welga o manggagawang tinanggal na nakapiket ngayon ay parehas din ng kinahaharap na suliranin nila Ka Luis. Ito ang pabigat na kontraktwalisasyon.

“Sa agency lang kami regular pero sa mismong management ay hindi. Regular lang kami sa papel,” ani Ka Luis.

Aniya, in-absorb naman sila sa trabaho ngunit sa pamamagitan lamang ng papel na wala pang katiyakan. Nag-file din sila ng demanda laban sa iligal nitong ‘labor-only contracting’ na pumapatay sa kabuhayan at produktibidad ng mga katulad ni Ka Luis na manggagawa.

Nauna na silang dineklarang regular ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ngunit umapel ang kumpanya kaya’t tumungo na rin ang labanan sa ‘money claim.’ Aabot sa P 99.8 milyon ang babayaran ng management ng Harbour Centre sa mga manggagawa nito sa buong panahong kulang ang pinapasahod sa mga ito at kulang-kulang ang mga benepisyo samantalang ‘necessary and desirable’ ang kanilang trabaho sa kumpanya.

Nagkaroon na rin ng mga diyalogo sa pagitan nilang mga manggagawa at ng management ng Harbour Centre, ngunit limitado lamang ang naaabot sapagkat hinahaluan ito ng pagbabanta sa mga manggagawa.

“Wala kaming kasiguraduhan habang nagtatrabaho. Mayroon na akong kasamahan na namatay diyan, kapag nagkakasakit eh binibigyan lang ng 500mg na gamot na tabletas,” wika ni Ka Luis.

Umaabot ng P 800 kada 12 oras ang kanilang sinasahod. Pero bukod dito ay inoobliga din sila ng management na dumaan ang pera nila sa iligal na pautang na “5-6” na pakana rin ng agency na tingin nila’y pagmamay-ari rin ng kumpanya. Ito ay dahil kulang at matagal bago nila makuha ang sahod kaya napipilitan silang mangutang. At kahit labag sa kanilang kalooban ay kumakagat na lang din sila dito.

Dagdag din ni Ka Luis, tumatanggap man sila ng mga benepisyo, ngunit kulang-kulang naman.

Agosto 2016 ay itinayo ang kanilang unyon na Samahan ng mga Manggagawa ng Harbor Centre at Bise Presidente dito si Ka Luis. Malaking bagay ito para sa kanila sapagkat naipaglalaban nila ang kanilang mga karapatan bilang mga manggagawa. Aniya ay mula noon ay isinantabi na niya ang kanyang sariling interes sapagkat hindi lang ito laban niya, kundi laban nilang manggagawa sa Harbour Centre, at ito ay malaking usapin din ng kanilang hanapbuhay.

“Lima ang anak ko, dahil sa trabaho ko na ‘yan ay nabuhay ko sila,”sabi ni Ka Luis

Kung tutuusin, ang hanapbuhay niya na ito ay ang dahilan kung  bakit patuloy niyang nabubuhay at nairaraos ang kaniyang pamilya. Ngunit sa kabilang banda, ito rin ang unti-unting pumapatay sa kanilang mga manggagawa, pinalalala pa ang kanilang paghihirap ng kontraktwalisasyon.

“Kailangang ibasura iyang kontraktwalisasyon na nagpapahirap sa mga manggagawa. Kapag hindi kami naregular, ito ang magpapatalsik sa kanya [Duterte],” ani Ka Luis.

At nang tinanong ko si Ka Luis kung bakit siya sasama sa darating na pagkilos ng mamamyan sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ay simple lang naman ang kanyang naging tugon.

“Gusto kong lumaya ang bayan.”

The post #KampuhanKontraKontraktwalisasyon | Ka Luis, 45 taong kontraktwal sa Harbour Centre appeared first on Manila Today.