Home Blog Page 632

For talks to revive, both House chambers should cooperate, Joma says

0

National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Chief Political Consultant Jose Maria Sison stressed on Tuesday that the cooperation of both chambers of Congress is needed for the revival and success of the peace talks between the NDFP and the government of the Republic of the Philippines (GRP).

Luto! Laban!

Ang handaan at pagsasalusalo sa pagkai’y isa sa pinakamatagal nang kagawian ng mga komunidad upang mas mapalapit ang mga tao sa isa’t isa. Sa mga panahon ng rehimeng Duterte na lalong lumalala ang panggigipit sa mga magsasaka, mahalaga ang mga pagtitipun-tipon gaya nito upang ang mga manggagawa, estudyante at magsasaka’y makakapagsalu-salo, mapagpahalagahan ang mga bunga ng pagsisikap na bungkalin ang lupa, at makapagpalitan ng karanasan at mensahe ng suporta sa isa’t isa.

Nitong Marso 4, idinaos ang ganitong salu-salo sa porma ng Luto! Laban! sa United Church of Christ Philippines (UCCP) sa Maynila. Inorganisa ito ng Samahan ng mga Artista Para sa Kilusang Agraryo (SAKA) at Amihan Women, kasama ang mga magsasaka mula Eastern Visayas na dumayo sa Kamaynilaan para makipadiyalogo sa Department of Agriculture (DA). Sinalanta ang kanilang mga pananim ng mga pesteng cocolisap at bunchy-top virus na nakaapekto sa kanilang kabuhayan, gayong di pa sila nakakabangon mula sa bagyong Yolanda. Nang humingi sila nang tulong sa lokal na gobyerno, pangdadahas ng militar ang isinagot sa kanila. Sa pagpunta nila sa Maynila, sinalubong sila ng pangdadahas ng pulisya na gumiba ng kanilang kampuhan sa DA.

Binabasa ng isa sa mga magsasaka ang isinulat niya tungkol sa kanilang karanasan sa pakikipaglaban sa Maynila.

Binabasa ng isa sa mga magsasaka ang isinulat niya tungkol sa kanilang karanasan sa pakikipaglaban sa Maynila. Clara Herrera

Kanya-kanyang bitbit ng ambag na mga rekado ang mahigit 20 estudyante at manggagawang nagboluntir magluto. Ang mga putahe: pinangat na isda, adobong baboy, ensaladang talbos ng kamote, at minatamis na saging. Naghati sa maliliit na grupo ang mga boluntir para sa pagluluto. May tagahimay ng talbos, tagahiwa ng bawang at sibuyas, tagasaing at marami pang iba.

Habang nagluluto ang iba, salitang lumahok ang iba sa talakayan sa mga magsasaka mula Samar. Ibinahagi ng mga magsasaka ang panggigipit sa kanilang sakahan. Inilahad nila ang di-patas na sistema ng hatian sa palay ng magsasaka at ng mga panginoong lupa. Halos wala nang natitira sa mga magsasaka dahil sa kanilang utang sa abono at kung anuano pang bayarin. Ayon kay Ka Barry ng Northern Samar Small Farmers Association (NSSFA), di rin nabibigyanpansin ng gobyerno ang mga biktima ng bagyong Yolanda na Nobyembre 2013 pa nangyari. Mga tulay at gusali lang ang pinagtutuunan ng rehabilitasyon. May pondo man na P5,000 na inilaan bawat pamilya, di nila ito makuha-kuha. Sa Tacloban pa ito kukunin; anim na oras ang biyahe mula sa kanilang lugar at libo ang pamasahe.

Matapos ang kainan, nagkaroon ng palihan sa pagsusulat ang mga magsasaka. Sina Faye Cura at Rae Rival-Cosico ng Gantala Press, grupong naglalayong paunlarin ang pag-aakda ng kababaihan sa Pilipinas, ang nangasiwa. Sa unang bahagi ng palihan, namahagi sila ng papel at bolpen sa mga magsasaka. Nagsulat sila ng kahit anong laman ng isip nila. Nailahad nila ang mga sakripisyo para makapunta rito: ang pag-iwan ng kanilang mga anak sa probinsiya, ang galit nila sa pamahalaang pinagkakaitan sila ng kanilang mga karapatan, at ang pasasalamat nila sa mga grupo na patuloy na nagbibigay ng tulong at suporta.

Nagsulat din sila ng mga bugtong, na siyang pinagmulan ng mga hagikhik at tawanan. Bandang huli, lahat ng magsasakang sumali’y bumuo ng kuwento sa pamamagitan ng dugsungan. Mula sa linyang “Isang araw, dumating si Yolanda”, nagpasa-pasahan sila ng papel at dinugtungan nila ito hanggang makapagsulat at makabuo ng kuwento ng kanilang karanasan ang lahat.

Di lamang salu-salo ng pagkain ang Luto! Laban! Naging salu-salo rin ito ng karanasan, ideya at pakiramdam. Sa munting pagsasamang ito, nakapagpadama ng suporta ang bawat kalahok sa isa’t isa na siyang dadalhin sa susunod na panahon ng pakikipaglaban para sa mga karapatan.


 

Samar: Paglaban sa tagsalat

Peste, gutom at militarisasyon. Ito ang mga problemang dinaranas ng mga magsasaka sa Silangang Bisayas sa kanilang mga sakahan.

Ang pananalanta ng mga ito ang nagtulak sa mga magsasaka sa pangunguna ng Samahan han Gudti nga Parag-uma – Sinirangan Bisayas (Sagupa), para bagtasin ang katubigan at magtungo sa kalunsuran upang irehistro sa rehimeng Duterte ang dinaranas na hirap sa kanilang lugar. Pebrero 22 nang dumaong sa National Capital Region ang mga magsasaka ng Silangang Bisayas.

Peste ang isa sa pangunahing pasanin ng mga magsasaka ng Sagupa. Anila, higit sa P140-Milyong pananim ang sinira ng mga peste na kung tawagi’y bacterial leaf blight (BLB) brown hoppers, cocolisap at black bug o “kumawkumaw” Simula pa taong 2016 ay pinepeste na nito ang malawak na palayan sa probinsiya ng Samar.

“Kapag umatake ang blight pest sa aming palayan, nagiging brown ang mga dahon ng palay at ang rice kernels, nagiging pulbos. Ang tanging natitira na lamang sa aming palay ay ipa,” ani Jun Berino, pangkalahatang kalihim ng Sagupa.

Mahirap sa mata ng isang magsasakang tignan na pinepeste ang kanilang palayan subalit mas mahirap sa kanilang pakiramdam nakikitang walang pakialam ang Estado. subalit nang kanilang irehistro ang problema nila sa pinesteng palayan sa Department of Agriculture (DA), pulis ang isinagot sa kanila ng gobyerno na siyang nagpalayas sa kanila.

Hindi lang peste at kawalang pake ng gobyerno ang pumatay sa kanilang pananim. Sinalanta sila ng maraming bagyo, mula sa bagyong Yolanda, Seniang, Ruben, Glenda, Nona hanggang bagyong Urduja.

Subalit ang ipinangako at napag-usapang milyun-milyong pondo sa mga biktima, hindi pa nararamdaman ng maraming nasalanta kabilang ang mga magsasaka.

Gutom sa mga mamamayan ng Silangan Bisayas ang naging resulta.

Militarisasyon

“Imbes na tulong at rehabilitasyon, militar ang ipinapadala sa amin,” kuwento ni Marissa Cabaljao, tagapagsalita ng People’s Surge. Katulad ng nangyayari sa maraming lugar sa Luzon at Mindanao, talamak din ang nangyayaring militarisasyon sa Kabisayaan.

Iba’t ibang klaseng paglabag sa karapatang pantao ang nagaganap dahil sa pagkampo ng militar sa Brgy. San Miguel, Las Navas, Northern Samar. Kinakampuhan ng 8th Infantry Division ng Philippine Army ang naturang lugar.

Aniya, kaya pinapadala ang mga militar sa kanilang lugar ay upang kamkamin ang kanilang mga lupa at kunin ang likas na yaman na mayroon ang Rehiyong VIII. Pero kanyang pinagdiinan na hindi sila papayag na makuha ang kanilang lupain at patuloy ang kanilang paglaban sa pagdepensa sa kanilang lupa at karapatan.

Dalawang linggong namalagi ang mga magsasaka ng Kabisayaan sa National Capital Region. Matapos ang protesta noong Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, bumalik sila sa kanilang probinsiya ang mga pesante. Sa dalawang linggo, ipinakita nila sa sambayanan na ang pagtatanim ay hindi biro –hindi dahil sa maghapong pagkakayuko, kundi dahil sa pansariling interes ng mga nasa gobyerno at panginoong maylupa na pumepeste at sumasalanta sa kanilang mga pananim.


 

With Arayat as witness 49 years ago today

0
This was the spot where Jose Maria Sison, fresh from re-establishing the Communist Party of the Philippines the previous year, met with guerrilla leader Bernabe “Ka Dante” Buscayno to establish the New People’s Army in March 29, 1968,  What used to be a bamboo clump in Sta. Rita, Capas, Tarlac is now mostly rice fields […]

Joma shows map of NPA presence in 73 provinces

0
National Democratic Front of the Philippines (NDFP) chief political consultant Jose Maria Sison posted a map of the Philippines showing New People’s Army (NPA) presence in “at least 73 of 81 provinces of the country.” “The color red in this map shows the presence of the New People´s Army in at least 73 out of […]

JV asks JMS: Hinggil sa kasalukuyang sitwasyon at sa hinaharap para sa usapang pangkapayapaan

Sunod-sunod ang mahahalagang mga pangyayari sa bansa noong mga nakaraang linggo.

Kabilang na rito ang mabilis na pag-usad ng kasong impeachment laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, pag-abswelto kay Kerwin Espinosa at sa iba pang mga personalidad na umanin na sila ay mga big-time drug lord, paglalagay sa mga aktibista at human rights defenders sa proscription petition o isa umang ‘hit list’ ng Department of Justice (DOJ), paglalagay sa pork barrel queen na si Janet Lim-Napoles sa Witness Protection Program (WPP) ng DOJ, napipintong pagsasara ng isla ng Boracay na totoo umanong dahilan ang pagpasok ng malalaking Tsinong mamumuhunan, pag-alis ng Pilipinas mula sa Rome Statute na nagbubuo sa International Criminal Court (ICC) dahil sa napipintong pag-imbestiga sa mga nagaganap na patayan sa drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte, pagraratsada sa mga batas sa Kamara de Representantes hinggil sa diborsyo at pagpapaliban (na naman?) sa halalang pambarangay na nakatakda at naiurong sa  Mayo 2018, at iba pa.

Pinakahuli sa mga umuugong na balita ang mga hakbang para buhayin ang nakabinbing usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

 

Matutuloy ba ang GRP-NDFP peace talks?

“Sumusunod ako sa patakaran ng NDFP.  Ang magkadigma ay pwedeng magpeace talks, hindi iyong magkaibigan at mapayapa na ang relasyon,” paliwanag ni NDFP Chief Political Consultant at Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman na si Jose Maria Sison.

Ayon kay Prof. Sison, patuloy ang patakaran ng NDFP na handang makipag-usap sa Gobyerno ng Pilipinas (GRP) kung gusto nito.

Paniniwala niya na si Pres. Duterte ang nagsara sa peace negotiations, lalo pa’t pinirmahan nito ang Proclamation 360 noong Nobyembre 23, 2017 na idinedeklara ng panig ng GRP ang pagputol ng peace talks. Ayon naman sa NDFP, hindi alinsunod sa proseso ang ginawang proklamasyon.

“Kahit na magpeace talks, puwedeng patuloy ang linyang “patalsikin ang rehimeng US-Duterte” hanggang magkaroon na ng mga substantibong kasunduan tungo sa makatarungang kapayapaan,” ani Prof. Sison.

Hindi umano sagka ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa panawagan ng CPP at mga kaalyadong grupo nito ng pagpapatalsik sa administrasyong Duterte, bagkus ay maghawan ng kabalalay na daan tungo sa makatarungang kapayapaan.

“Kapag muling mag-umpisa ang peace negotiations, kailangang maalis din ang mga hadlang o balakid na sumasalungat sa nakatayo nang mga kasunduan tulad ng The Hague Joint Declaration, Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Laws (CARHRIHL) at iba pa.”

“Dapat mapangingibabawan ang Proclamation 360 at 374 at yong proscription petition sa Manila RTC.  Sa gayon, mababalikan ang  magandang pakete ng general amnesty, coordinated unilateral ceasefires at Agrarian Reform and Rural Development (ARRD) at National Industrialization and Economic Development (NIED) ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER)  na naihanda na noong Oktubre 2017 pa.”

“Mabuti naman na bagamat nasa terror list ang pangalan ko, nagpahiwatig si Presidente Duterte na bukas niya sa muling pagbubuhay ng usapang pangkapayapaan,” komento ni Sison sa mga naunang pahayag ng presidente na nagsasaad ng kanyang pagiging bukas sa pagbubuhay ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng NDFP.

Pero habang ang akdang ito ay sinusulat, binabawi na naman ng Malakanyang ang mga pahayag na iyon ng presidente. Naghayag din ng pagtutol at paninira sa CPP at New People’s Army (NPA) ang mga heneral at military sa gabinete ng pangulo.

Nakikita ni Prof. Sison ang kabutihan ng mga programang isinusulong sa loob ng usapang pangkapayapaan para sa bawat mamamayang Pilipino.

“Hindi pagyuko sa kanya ang pagsang-ayon sa tigil-putukan kung kasabay nito sa isang pakete ang general amnesty ng political prisoners at pagkakasundo sa Agrarian Reform at Rural Development at National Industrialization at Economic Development ng CASER.”

Aniya, “Ang bayan ang prinsipal na makikinabang sa ganitong pakete at luluwag ang daan para sa makatarungang kapayapaan. Mas mahalagang punto ito kaysa sa palagay na pagyuko na ng NDFP kay Duterte o bigo si Duterte sa all-out-war laban sa CPP/NPA at crackdown laban sa kilusang masa.”

May mga naunang balita hinggil sa backchannel talks sa pagitan ni Labor Secretary at GRP peace panel chairperson Silvestre “Bebot” Bello III at ng NDFP peace panel na pinamumunuan ni Fidel Agcaoili.

Naniniwala siya na “tama ang pagnanais ni Secretary Bello ng back channel talks para mabuksan muli ang peace negotiations.”

Ganoon din aniya ang pagnanais ng NDFP.

Naniniwala ang CPP founding chairman na “puwede at dapat na tumugon ang dalawang panig sa kahilingan ng mga peace advocate at ng masang Pilipino.”

 

Paliwanag sa matinding krisis sa loob ng bansa

“Malubha ang krisis ng naghaharing sistema sa Pilipinas sa larangang pulitika at sosyo-ekonomiko.  Pinag-aagawan ng mga imperyalista ang Pilpinas at ipinapasa sa sambayanang Pilipino ang krisis ng global na kapitalismo,” ayon kay Prof. Sison.

“Imbes na ipagtanggol ang soberaniya, isinusuko ng rehimeng Duterte ang pambansang patrimonya at West Philippine Sea sa dayuhan. Hinuhuthot ng mga dayuhang korporasyon mula sa atin ang likas yaman at ang murang paggawa para palakihin ang kanilang tubo habang pinipigilan ang ating industriyal na pag-unlad. Nananatili ang atrasadong ekonomiya, kawalan ng trabaho, mabilis na pagtaas ng presyo ng mga batayang kalakal at laganap na kahirapan.”

“Malalaki ang pangako ni Duterte sa taumbayan at umasa naman sila sa malaking pagbabago.  Ngunit sa isyu pa lamang ng ilegal na droga, kriminalidad at korupsyon, tampok na ang kabiguan.”

“Mga mahihirap ang pinapapatay sa war on drugs subalit abswelto ang mga drug lord, smuggler at protector. Abswelto din at papalaki ang kapangyarihan ng mga plunderer tulad nina Marcos, Arroyo, Estrada at Enrile. Pagkatapos lumabo ang pangako na magkaroon ng kapayapaan. Sa kabila nito, pamamaslang nang maramihan at pagpinsala ang lumalaganap,” paliwanag niya.

Nakikita ni Prof. Sison na “nagagalit na ang masang Pilipino sa rehimeng Duterte.”

Sabi niya, lumakas ang legal na kilusang pambansa-demokratiko at mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan at sa hanay pa mismo ng mga naghaharing uri, tumitindi ang kontradiksyon.

“May mga grupong militar na gustong ikudeta si Duterte.  Bilang commander-in-chief may bentahe pa si Duterte. Subalit mapanganib para sa kanya ang magkasabay na galit ng masa sa kanya, ang paglakas ng armadong rebolusyon at pagsulpot ng coup mula sa loob ng kanyang hukbo,” paliwanag niya.

 

Magkasalungat na posibilidad at mga hinaharap

Naniniwala pa rin siya na “kaya ni Duterte na magpataw ng pasistang diktadura sa Pilipinas.”

“Inumpisahan na niya ang rehimen ng lagim subalit hindi niya kayang magtagal bilang pasistang diktador.  Mas madali siyang ibagsak kay si Marcos. Ngayon pa lang malubha na ang krisis sa ekonomiya at pulitika na hinaharap niya; at lumalakas angarmadong pakikibaka at pakikibakang ligal (mga malalaking aksyong masa na puwedeng humantong  sa isang panibagong pag-aalsang popular).”

Sa harap ng mga ito, sabi ni Prof. Sison, posibleng urungan ng pangulo ng Pilipinas ang kanyang ambisyong maging pasistang diktador at bumaling siya sa usapang pangkapayapaan para maisalba niya at magawa niyang makabuluhan ang kanyang term hanggang 2022.

Lalaki lamang umano ang posibilidad na ito kung hindi manlulubay ang mga makabayang mga pwersa sa paglaban sa mga antinasyonal, anti-demokratiko at anti-mamamayang mga patakaran ni Duterte.

Naniniwala siya na gumaganap at gaganap pa ng signipikanteng papel ang Russia, China, Japan, European Union, US, malalaking negosyante (lokal at dayuhan), malalaking pulitiko, Simbahan, masmidya, at “civil society” sa mga kasalukuyang pangyayari sa bansa.

“Subalit pinakamapagpasya ang pag-aalsa ng malawak na masa ng anakpawis at kabataan sa pagpapabagsak kay Duterre.  Pinakamapagpasiya rin ang malawak na masa ng anakpawis at kabataan sa pagsuporta sa makatarungang kapayapaan kung magsisimula ang peace negotiations at magbunga ito ng mga komprehensibong kasunduan ng mga reporma sa lipunan, ekonomiya at at pulitika.”

“Malinaw na ang mga palantandaan ng panlipunan ligalig. Malamang mauuwi ito sa pag-aalsang popular na magpapabagsak sa rehimeng Duterte sa loob ng 2018-2019. Subalit nariyan pa rin ang opsyon ni Duterte na bitawan ang ambisyong maging pasistang diktador, urungan niya ang pagiging malupit at sakim at balikan ang usapang pangkapayapaan tungo sa makatarungang kapayapaan sa pamamagitan ng mga batayang reporma,” pagtataya ni Prof. Sison.

The post JV asks JMS: Hinggil sa kasalukuyang sitwasyon at sa hinaharap para sa usapang pangkapayapaan appeared first on Manila Today.

Ang Tatlong Matsing

Ang Tatlong Matsing

Balikan natin ang naka-ukit na larawan
ng tatlong matsing na diumano’y natagpuan
sa Tosho-gu Shrine, sa Nikko, Japan.

Mizaru, Kikazaru, Iwazaru.
Sa Ingles: See not, hear not, speak not.
Sa Tagalog: Huwag makakita,
Huwag makarinig, huwag magsalita.

Sa true, maraming interpretasyon
ang tatlong matsing.
Mystic Apes, Wise Monkeys,
o tawaging gorilya, o unggoy,
at kung minsan, tulad ng Hindu version,
magdagdag ng isa.
Voila! Apat na sila.

Ayon sa mga itinuturo ni Buddha,
heto ang ibig sabihin:
Huwag mag-isip ng masama,
please lang, do not dwell on evil thoughts.
Halimbawa: huwag magbintang
na ang isang tao ay adik o nagtutulak,
at baka tokhang ang kalabasan.
Huwag kung ano-ano ang isumbat,
sa diyaryong mapag-imbestiga ang inilalathala,
kaya’t nais tanggalan ng karapatan.
Huwag humabi ng kasinungalingan
para lamang matanggal sa puwesto
ang opisyal ng gobyerno na walang takot,
Ano’t di yumuyukod, sa tronong nag-uutos.

Ang ikalawang interpretasyon ay hango sa kanluran.
See no evil: magbulag-bulagan sa katiwalian,
Hear no evil: magbibingi-bingihan
sa naririnig na sigaw para sa katarungan,
Speak no evil: itikom ang bibig,
nang walang masambit na posibleng ikapiit,
ikawala ng kabuhayan, o ikabuwis ng buhay.

Heto ang ikatlong interpretasyon
na ginawa para sa kasalukuyang panahon:
Kami po ay mga manunulat, artista, mamamahayag.
at itinuturo sa amin ng imahe na huwag,
huwag magpakamatsing.
Maging malay lagi sa karapatan at tungkulin.
Pagkat aanhin ang panulat, kundi magpapakatapat,
Aanhin ang sining, kundi makapanggigising?
Sa araw ng kababaihan, ay hayaang mamanata:
Hindi kami tutulad sa ika-apat na matsing
na may ikinukubli.
Hangarin lagi ang magsiwalat ng balita,
at maglantad ng katotohanan.
Walang unggoy-ungguyan pagkat bawat salita,
bawat likha ay may layon,
may paninindigan, may ipaglalaban.
Padayon, padayon.

Si Joi Barrios-Leblanc ay Co-convenor ng MALAYA: US Movement Against Killings and Dictatorship and for Democracy in the Philippines at tagasulat ng tula para sa LODI

The post Ang Tatlong Matsing appeared first on Manila Today.