Huwag kang maniwala sa sabi-sabi: Masipag ang mga manggagawang Pilipino. Pero naghihirap ito. O, mas tumpak, pinahihirapan sila. Sa seryeng ito, basahin ang kanilang mga kuwento–ng pagpapahirap, pero pagpupunyaging ring labanan ang mga pagpapahirap na ito.
Malalang problema ang kontraktuwalisasyon. Pero isa lang ito sa maraming problemang kinakaharap ng mga mangggagawa sa Philippine Foremost Milling Inc. (PRMI) sa Manila Harbour Center sa Tondo, Manila.
Laganap sa kanila ang iba’t ibang klaseng paglabag sa kanilang mga karapatan. Nariyan ang lagpas sa oras na pagtatrabaho nang hindi bayad. Nariyan ang mga araw na walang sahod (kundi allowance, minsan wala pa nga) dahil sira ang makina o walang trabaho.
Nariyan din ang 12 hanggang 16 oras na pagtrabaho na madalas na dinaranas ng mga manggagawang “pakyawan.”
Kayod
“Sa pakyawan, walang kota. Hangga’t kaya ng katawan, bubunuin mo ‘yung buong 16 na oras,” ani Eddie (di-tunay na ngalan), stocker sa nasabing pagawaan. Sa 16 na oras, isang oras lang ang kanilang pahinga.
Dapat, iba na ang sitwasyon ng mga “arawan” tulad ni Jerry (di-tunay na ngalan). Sumasahod sila ng minimum—P512 kada araw. Pero ang trabaho, walang pinag-iba sa pakyawan. Kailangang makarami sa loob ng walong oras. Agad na nasisita ang mga “panakaw” nilang paghinga. Kahit walang ginagawa, pati diyaryo o anumang babasahin, kinukumpiska.
Kada linggo ang sahod nina Jerry. Sa loob ng anim na araw ng trabaho, sumusuweldo siya ng P3,000 at kakaltasan pa ng para sa benepisyo. Ibig sabihin, P2,000 mahigit na lang ang kanyang maiiuwi. Sa P2,000 ibabawas ang bayarin sa ilaw, tubig at utang. Ang matitira, panggastos na niya at kanyang pamilya na pilit na pagkakasyahin sa loob ng isang linggo.
“Kulang talaga [ang sahod]. Kulang na kulang. Sa isang linggo ko na kita, ilang araw lang gagastusin ‘yan,” ani Jerry.
Pagod at puyat man ang maranasan ng mga manggagawang ito, patuloy silang kumakayod para mabuhay lamang ang kanilang pamilya.
Nag-organisa
Dahil sa maraming iregularidad at pagpalya ang nasabing kompanya, nabuo ang Samahan ng mga Manggagawa ng Foremost, asosasyon na nagtutulak ng regularisasyon sa kanilang hanay, pagkakaroon ng nakabubuhay na sahod at paglaban sa kanilang karapatan.
Ilang taon na nalunod at walang laban ang mga manggagawa sa Foremost. Marami sa kanila ang higit 15 taon nang manggagawa pero kontraktuwal pa rin. Ang masama, silang matatagal na ang pilit na tinatanggal ng manedsment at papapirmahan na lang ng resignation letter.
Kaya’t naisipan ni Joel (di-tunay na ngalan), noo’y manggagawa sa Foremost at miyembro ng nasabing samahan, kasama nina Jerry at Eddie, na magsampa ng kaso sa Department of Labor and Employment (DOLE). Wala pa itong desisyon. Nagsagawa sila ng mass leave noong Agosto 2017 na nilahukan ng maraming manggagawa.
Nagbunga ang sama-sama nilang pagkilos. Nagresulta ito sa pagkamit nila ng 13th month pay, pag-update sa kanilang mga kontribusyon sa SSS at PhilHealth. Naibalik din sa kanila ang bayad sa kanilang uniporme.
Sa kasalukuyan, mayroon na silang 117 miyembro at patuloy pa rin na nagmumulat ng mga manggagawa sa kanilang pagawaan.
Sa kabila ng pagtalikod ni Duterte sa pangako nitong pagwakas sa kontraktuwalisasyon, magpapatuloy sina Jerry, Joel at Eddie sa pagtulak ng kanilang karapatan sa pagiging regular at ano man ang kahahantungan ng kanilang paglaban’y hindi sila titigil sa paglaban.