Pinilay ng pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19) ang ilang bahagi ng industriya ng musika. Ilan sa mga kaswalti nito ang mga music establishment at maging ang performers sa live music. Palibhasa’y ipinagbawal ng gobeyrno ang mga mass gathering mula nang ipatupad ang lockdown noong kalahati ng Marso, tigil ang lahat ng mga konsiyerto at iba pang porma ng live music.
Bagaman makakapaglun-sad ng online na live gigs, tila wala pang kalinawan sa malapit na hinaharap kung kailan manunumbalik ang mga pisikal na mga tugtugan. Bunsod nito, naapektuhan ang mga bar na lunsaran ng live music at maging ang mga music studio na pinag-eensayuhan ng mga artista at banda.
End of the road
“We’re at the end of the road for Route 196,” saad ng Route 196 nang inanunsiyo sa social media ang kanilang pagsasara noong Agosto 23. Marami ang nagulat at nalungkot na marinig na magsasara na ang naturang bar sa Quezon City na itinuring na “tahanan” ng maraming banda at mga music production at tinangkilik ng “gig-goers” sa loob ng 15 taon. Bilang pamamaalam, naghanda ng isang online “farewell gig” sa Setyembre 12 ang naturang bar na pinamagtang “One for the road” na katatampukan ng iba’t ibang bandang naging regular na tumutugtog dito. Bukod sa online gig, naglabas din ito ng “Route 196 Farewell T-Shirt”.
Isa sa naunang nagsarang music establishment ang Today x Future. Isa itong bar sa Cubao, Quezon City na halos 12 taon na ang operasyon. Binitiwan nito ang pabatid ng pagsasara noong Hunyo. Ayon sa naturang pabatid, matapos ng mahabang deliberasyon, umabot ang mga management ng naturang bar sa desisyong magpaalam. “Magiging 12 years old sana kami ngunit alas, ang kawalang katiyakan ay ginawa itong lubhang mahirap. Gayunman, hindi ito pahayag ng kalungkutan at pagsisisi at naghahangad na iba sana ang mga bagay-bagay,” pahayag ng bar.
Bagaman hindi direktang epekto ng pandemya, mananatiling nakasara ang Catch 272 sa T. Gener, Quezon City bunsod ng pagkakasunog nito noong Hunyo 4. Ayon sa mga may-ari, nadamay ang naturang bar sa nasusunog na ikalawang palapag ng kapitbahay bandang alas-10 ng umaga. Anila, “Paumanhin, di na namin kayang tuparin ang anumang plano sa kasalukuyan. Nasunog ang bahay nating Green Papaya Art Projects + Catch272.”
Habang isinusulat ang artikulong ito, nag-anunsyo na rin ng pagsasara ang XX XX, isang bar sa Chino Roces, Makati. Ayon sa pahayag ng naturang bar noong Setyembre 1 sa kanilang Facebook page, “Dumating na rin ang oras namin. Matapos ng 4+ taon, sa lahat ng litaw na mga kadahilanan, kami ay napilitang isara ang aming mga pinto.”
Pa-extend po
Samantala, nagsisikap pa rin ang ilan pang music establishments na mabuhay sa kabila ng ekstra-ordinaryong panahon sa ilalim ng pandemya at mga iba’t ibang antas ng community quarantine o lockdown. Sa kabila ng limitadong operasyon, naglulunsad ang mga ito ng fundraising activities para matugunan ang pangangailangan ng mga crew at staff at ang kaakibat na bayarin ng mga establisimyento.
Inilunsad kamakailan ng Alternatrip, isang lokal na independent music collective ang livestreaming gig series na “Pa-Extend Po!” upang mangalap ng pondo para sagipin ang Redverb, isang community-run music studio sa Quezon City. Sa naturang serye, nakapagtanghal na noong Hulyo at Agosto ang mga artist at banda sa eksenang indie tulad ng Cinema Lumieré, Megumi Acorda, si Aly Cabral (Ourselves The Elves), Megumi Acorda, The Geeks, Shirebound and Busking at ang protest band na The Axel Pinpin Propaganda Machine. Nakatakdang ilunsad ang ikalawang season ng serye ngayong Setyembre. Naglunsad din ang naturang grupo ng Gofundme page para sa mga nais magbigay sa pagsagip sa Redverb.
Para sa staff and crew
Pinakanaapektuhan sa pagsasara ng mga music establishment – pansamantala man o tuluyan – ang mga staff at crew nito. Naging kaparaanan din ng ilan sa mga establisimyento ang paglulunsad ng online fundraising gig upang tulungan ang kanilang mga empleyado.
Naglunsad, halimbawa, ng online fundraising gig noong Agosto 28 ang Saguijo, isang bar sa Makati na pansamantalang nagsara nitong lockdown. Tumugtog sa naturang online gig ang Itchyworms, Wickermoss, Syd Hartha, Soapdish at marami pang iba. Hinikayat ng naturang bar ang mga tagasuporta nito na magbigay ng donasyon sa pamamagitan ng pagdeposito sa kanilang bank account.
Nanawagan naman sa kanyang post ang Facebook user na si Ry Oli ng “Save Tomato Kick from being kicked out of business!” Ibinahagi ni Oli ang screenshot ng palitan ng mensahe na diumano’y magsasara ang Tomato Kick. Ayon pa rito, nangangamba ang mga staff dahil anila sa matumal na order kada araw. Nanatili ang operasyon ng naturang bar sa pamamagitan ng pagpapa-order online ng mga pagkain mula Marso 19.
Samantala, nanawagan naman ng tulong ang Mow’s, isang bar sa Matalino, Quezon City, nang mamatay ang kanilang staff sa kalagitnaan ng lockdown.
Sa Facebook post ng naturang bar noong Mayo 17, humiling ito ng tulong para kay Roniel Espinosa para sa pagpapalibing nito.
Matapos ng isang araw, nakalap ang P47,527 pondo para sa pagpapalibing ng naturang empleyado sa tulong ng mga music production, mga banda at mga tumatangkilik sa nasabing bar.
Nakakalungkot ang sinapit ng minamahal natin na mga music establishments at mga empleyado nito sa harap ng pandemya. Pero nakakagalit ding isipin kung paano nga ba umayuda ang gobyerno upang hindi magsara ang naturang mga establisimyento at maiwasang mawalan ng trabaho o kabuhayan ang mga empleyado ng mga ito.
Kunsabagay, kadugtong ito sa kung paano nga ba ang pangkabuuang aksyon ng gobyerno laban sa pandemya na palpak at ginagamit lang para sa pakinabang ng iilan.