Gaano ba katindi ang kolonyal na pag-iisip ng ilang mamamayan, lalo na ng mga nasa kapangyarihan?
Pinagtatalunan pa rin kasi natin hanggang ngayon kung mahalaga ba o hindi ang sariling wika. May mga nagtataguyod pa ring mas dapat pagtuunan ng pansin ang kasanayan (proficiency) sa wikang Ingles kumpara sa wikang Filipino.
Siyempre, mayroon at mayroong magsasabing hindi dapat pagbanggain ang mga wikang Ingles at Filipino, dahil pareho naman daw silang mahalaga. Parati’t parating may manunulat, akademiko at politikong magpapaliwanag na dapat tayong maging bukas sa iba’t ibang wika, lokal man o dayuhan. Para sa kanila, hindi raw dapat isiping mawawala ang wikang Filipino kung gagamitin ding midyum ng komunikasyon o pagtuturo ang wikang Ingles.
Sa madaling salita, dapat diumanong maging “inclusive” sa halip na “exclusive” sa usapin ng wika. Kung ano ang gusto mo, ‘yun ang gamitin mo. Hindi raw mababawasan ang pagiging Filipino kung hindi matatas sa wikang Filipino. Wala raw mali sa sitwasyon nagiging mundo na tayo ng mga Inglesera’s Inglesero.
Kung ako ang tatanungin, may pagkakapareho ang mga nasa “gitna” ng debate sa mga wagas kung pumabor sa wikang Ingles. Pareho silang nakatingin sa labas, manghang-mangha sa “kaunlaran” ng kanluran habang mababa ang tingin sa lipunang kinagisnan. “We need to use the language of globalization! How can we even think of progress when Filipinos, especially the masses, cannot speak well in English?”
Oo, magaling talaga sila sa wikang Ingles. Kadalasan nilang ipinapangalandakan ang kahusayang ito sa mga kaharap nila. Kulang na lang yatang magpa-imprenta ng t-shirt na nagsasabing “I speak English. How about you?”
Tama ba ang “How about you?” Mas mainam kayang “What about you?” Asahan mo rin ang pagpapakitang-gilas nila sa balarila’t ortograpiya ng dayuhang wika. Hindi bale nang hindi nila alam ang tamang paggamit sa wikang Filipino ng mga salitang “ng” at “nang,” pati na ang mga salitang “daw “ at “raw.” Hindi bale na ring napag-iisa nila ang mga dapat ay dalawang salitang “na lang” at “pa lang.” Para sa kanila, hindi na masyadong mahalaga ang tamang paggamit sa sariling wika dahil naiintindihan naman sila.
Pero ibang usapin ang wikang Ingles. Para sa kanila, dito nakasalalay ang pag-unlad ng bayan. Hindi ba’t wagas ang pagtanggap sa mga negosyong may kaugnayan sa business process outsourcing (BPO)? At bago pa man naging “sunshine industry” ang BPO, hindi ba’t patuloy ang pang-eengganyo sa mga manggagawang Pilipino na mangibang-bansa para kumita nang mas malaki? Nagiging “competitive advantage” diumano ng overseas Filipino workers (OFWs) ang wikang Ingles kaya sila patuloy na “in-demand” sa maraming bansa.
Sadyang napakaraming dahilan para mas paboran ang wikang Ingles kumpara sa wikang Filipino, lalo na’t marami sa mga ahensya ng pamahalaan ay mas gumagamit ng dayuhang wika. Nagkalat din ang mga paaralang ipinagmamalaki ang kanilang “English-speaking zones” at “English-only policy.” Tila naging kultura na rin ng ilang pamilyang sanayin ang mga anak na makipagtalastasan sa wikang Ingles.
Sa libo-libo o milyon-milyong argumento para huwag bigyang prayoridad ang wikang Filipino, isa lang ang katapat na punto: Ang sariling wika ay bahagi ng kultura at instrumento ng pagkakaisa. Ang pagpapaunlad ng sariling wika ay magreresulta sa pagpapalaya hindi lang ng bayan kundi ng kaisipan.
Sa kontekstong ito dapat natin suriin ang patuloy na pagyakap ng mga nasa kapangyarihan sa wikang dayuhan. Pilit na pinaghahati ang iba’t ibang rehiyon at ipinagpipilitang walang lugar ang pambansang wika dahil mayroon namang mga rehiyonal na wika. Ginagamit ang salitang “imperyalismo” para akusahan ang mga Tagalog, lalo na ang mga taga-Maynila, ng diumanong imposisyon sa iba pang rehiyon habang hindi pinapansin ang imperyalismong hatid ng wikang Ingles.
Tunay na hindi masalimuot ang isyu ng wikang Filipino. Usapin lang ito kung nakatingin ka ba sa kanluran o sa sariling bayan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
Si Danilo Araña Arao ay kawaksing propesor (associate professor) sa Departamento ng Peryodismo, Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Siya rin ay kawaksing patnugot (associate editor) ng Bulatlat at nasa board of directors ng Alipato Media Center at Kodao Productions.
The post Pagtingin sa wika appeared first on Bulatlat.