Pambabarat ng Bayanihan 2

0
277

Masyadong maliit para sa laki ng krisis na kinakaharap ng bansa ang pampulubing Bayanihan 2 Bill na pinapaboran ng economic managers at ipinipilit sa Kongreso. Dahil dito, baka abutin ng maraming taon at lalong lumalayo ang bansa sa kalusugan at rekoberi mula sa pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Nagkakahalaga lang ng P164.5 Bilyon ang Bayanihan 2 na ipinasa ng bicameral conference committee na niratipika ng Senado. Sa halagang ito, mayroon lang P25.5-B na “standby fund”, na puwede lang gamitin kung “makakakuha na ng karagdagang pondo”.

Mahalaga ang bawat sentimo ng Bayanihan 2. Walang duda rito dahil sa kakaibang laki ng krisis sa kalusugan at ekonomiya na nangangailangan ng kakaibang paggastos. Ang problema’y masyadong maliit ang ginagastos ng administrasyong Duterte para sa problemang ito.

Sa kabuuan, napakaliit ng badyet sa Bayanihan 2 kumpara sa P1.9 Trilyon na nawala sa gross domestic product (GDP, o kabuuang kita sa lokal na ekonomiya) dahil sa pandemya. Kasama na rito hindi lang ang nawala sa ekonomiya dahil sa pagliit ng ekonomiya kundi kung anuman ang kikitain nito kung nagpatuloy sana ito sa paglago.

Kakarampot ang inilalaan

Pero makikita ang kakapusan nito sa mga detalye. Nagtalaga ang Bayanihan 2 ng P30-B para sa mga pagtugon sa pandemya na may kaugnayan sa kalusugan. Kabilang dito ang contact-tracing, paggamot, suporta sa mga manggagawang pangkalusugan, paslidad pangkalusugan at pananaliksik hinggil sa pandemya.

Pero hindi pa nga napupunan ng paggastos sa imprastraktura sa kalusugan sa malalaking kaltas sa badyet pangkalusugan mula nang maluklok sa poder ang administrasyong Aquino. Mayroong P10-B badyet para sa Covid-19 testing pero matatagpuan ito sa standby fund at nakadepende pa sa paghahanap ng bagong pondo. Halos di naman ginagawa ng mga economic manager ni Duterte ang paghahanap ng bagong pondo.

Kailangan nga ang itinalagang P5,000 hanggang P8,000 na subsidyong pera na panggipitan (emergency cash subsidies) pero P13-B lang ang itinalaga para rito. Kakarampot ito kumpara sa pagkawala ng trabaho ng di-bababa sa 20.4 milyon hanggang 27 milyong lakas-paggawa (43 hanggang 57 porsiyento ng labor force), sa pagtataya ng Ibon.

Aayudahan lang ng Bayanihan 2 ang 1.6-2.6 milyong benepisyaryo, at kakarampot pa nga ang ayudang ibibigay sa mga ito. Sa halagang P5-8,000 kada bahay o household, nagbibigay lang ito ng P37 hanggang P60 kada tao kada araw sa isang buwan. Kakarampot lang ang madadagdag dito kahit idadagdag ang P6-B badyet para sa mga programa ng Department of Social Welfare and Employment o DSWD at para sa mga Pilipino sa ibayong dagat.

Ayuda sa mga maralita, kailangan para sa rekoberi ng ekonomiya. Kontribusyon

Ayuda sa transport, maliliit na empresa

Kasama sa badyet para sa programang pangtransport ang P5.6-B para sa drayber ng pampublikong mga sasakyan na nawalan ng kabuhayan lalo na ang mga drayber ng pampublikong mga jeepney. Pero hindi ito sasapat para mapunan ang mahigit limang buwan nang pagpigil ng gobyerno na makapagtrabaho sila na nagtulak sa kanila sa kahirapan.

Di hamak na mas malaki pang ayudang pera ang kailangan para mapabuti ang kalagayan ng mga pamilya sa mahirap na panahong ito. May epektong makroekonomiko (o epekto sa pangkabuuang ekonomiya ng bansa) ang ayudang ito. Mapapalakas nito ang pangkabuuang demand (o pagbili) at makakatulong sa pagpapaandar ng siklo ng paggastos at produksiyon. Imposible ang pang-ekonomiyang aktibidad at walang silbi ang suporta sa produksiyon kung masyadong marami ang walang trabaho at walang panggastos.

May nakalaan ding P77.1-B para sa produksiyon at suporta sa mga empresa. Kasama rito ang P24-B para sa agrikultura na dapat ngang binibigyan-diin. Kasama rin dito ang P39.5-B para sa mga institusyong pampinansiya ng gobyerno (government financial institutions o GFIs) bilang suporta sa pagpapautang ng mga ito, P9.5-B para sa programang pangtransport at P4.1-B para sa programang panturismo.

Pero kakaunti lang ang maitutulong nito sa 997,900 na micro, small and medium enterprises (MSME, o pinakamaliliit, maliliit at katamtaman-ang-laking mga empresa) sa bansa na nag-eempleyo ng 5.7 milyong manggagawa – at wala pang maitutulong sa daan-daanlibong katao na nagtatrabaho sa mas impormal at di-rehistradong mga empresa. Kung nandiyan, makakatulong naman ang karagdagang P15.5-B standby fund ng Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) na nagpapautang nang may mababang interes. Pero hindi ito sasapat.

Kritikal ang P8.9-B sa edukasyon para mapanatili sa pag-aaral ang kabataan at kalauna’y maging produktibo. Pero kakarampot lang ang badyet na ito sa bilyun-bilyong piso na kailangan para maseguro na ligtas ang mga eskuwela at konektado sa internet, at matulungan ang mga magulang na panatilihin sa pag-aaral ang mga anak nila. Tinatayang may 70,000 paaralang pang-elementarya at sekundaryo at humigit-kumulang 2,000 kolehiyo o unibersidad (higher education institutions) sa bansa.

Makakatulong naman siyempre ang natitirang P3.7-B para sa lokal na mga pamahalaan at pambansang mga atleta at coaches. Pero kung ikukumpara sa laki ng interbensiyong kailangan sa buong ekonomiya, halos barya lang ito.

Maliliit na negosyo at empresa: Di makakakaasa ng makabuluhang ayuda sa ilalim ng Bayanihan 2. Kontribusyon

Binabarat

Makakabangon din ang ekonomiya, pero maliit lang ang ibabangon nito at napakaliit ng Bayanihan 2 para mapabilis ang tunay na pagbangon nito. Gobyerno lang ang tanging nasa posisyon para magpatupad ng malaking programang pampasigla (stimulus program) sa ekonomiya. Kailangan ng ibayong tapang para gumastos, at, lalo na, maglikom ng pondo para rito.

Makakalikom ng pondo ang administrasyong Duterte kung gugustuhin talaga nito. Sa malapit na hinaharap, maaaring ituon nito ang pondong nakalaan para sa mga proyektong pang-imprastraktura at kahit bahagi lang ng pinambabayad-utang sa mga “ahensiyang pangkaunlaran” o development agencies at iba pang kaibigang opisyal na nagpapautang.

Maaaring itigil muna o isantabi na ang malalaking proyektong imprastaraktura na hindi na praktibal sa ekonomiya o pinansiya, o masyadong nakadepende sa pag-aangkat o nangangailangan ng malaking kapital. Maaaring repasuhin ang pagbabayad sa mga bangkong pangkaunlaran o development banks (hal. Asian Development Bank) at mga katulad nito dahil kailangang gamitin ng gobyerno ang pambayad nito.

Maaari pang gamitin ng gobyerno ang “creditworthiness” (o ang istatus ng gobyerno bilang “sulit” na tagautang sa mata ng mga bangkong nagpapautang) para mangutang nang may paborableng mga kondisyon. Ang pinakamainam na paraan para magbayad ng anumang karagdagang utang ay hindi sa pamamagitan ng pagbubuwis sa pagkokonsumo ng mga mamamayan. Ito’y sa pagbubuwis sa mataas na kita at yaman ng pinaka-mayayaman ng bansa. Higit sa sapat na ang dambuhalang natipong yaman na nakaimbudo sa iilan para sa anumang stimulus na kailangan ng bansa. Maaaring pundasyon na ito para sa isang kapani-paniwalang planong piskal o pagbabadyet sa mapalit na hinaharap (medium-term).

Pinakamakatuwiran at sustenableng pagmumulan ng pondo ng gobyerno ang isang mas progresibong sistema ng pagbubuwis na may mas mataas na direktang pagbubuwis. Higit sa lahat, ibig sabihin nito’y pagbubuwis sa yaman ng pinaka-mayayaman ng bansa (makakalikom ng P240-B kada taon mula lang sa 50 pinaka-mayayamang Pilipino), mas mataas na personal income tax sa pinakamayamang 2.5 porsiyento ng mga pamilya (P130-B) at dalawang-bahagi o two-tiered na iskemang buwis sa kita ng mga korporasyon (corporate income tax, sa halagang P70-B).

Nakakalimitang hadlang sa paglaban sa Covid-19 at pang-ekonomiyang paghihirap na dulot ng nauna ang pagkahumaling sa “creditworthiness” ng economic managers ng administrasyong Duterte. Maling mali ang ipinataw-sa-sariling paghihigpit sa badyet na ito ng administrasyon. Pinipigilan ng mas maliit na paggastos, hindi ng mas malaking paggastos, ang pagtahak ng bansa sa landas tungo sa kalusugan at pagbawi.

Grabeng tinitipid ang bansa ng Bayanihan 2. Ganito lang kaliit ito hindi dahil kakarampot lang ang kayang gastusin ng administrasyong Duterte, kundi dahil kakarampot lang ang gustong ibigay sa atin ng gobyerno.


*Si Sonny Africa ang Executive Director ng Ibon Foundation, isang institusyon ng pananaliksik sa mga isyu at kalagayang pang-ekonomiya at pampulitika ng bansa. Sinalin ng PW ang artikulong ito mula sa orihinal na Ingles na may pamagat na “Bayanihan 2: Too small, hinders health and recovery” na lumabas noong Agosto 21. Anumang pagkakamali sa pagsasalin ay responsabilidad ng PW.