Panayam | Bayan Muna Rep.-elect Ferdinand Gaite: Boses ng kawani sa Kamara

0
351

Sa kabila ng mga ulat ng mga anomalya sa eleksiyon, gayundin sa kabila ng mga pananakot at paninira sa progresibong mga party-list, nakakuha ang Bayan Muna ng mahigit isang milyong boto noong nakaraang eleksiyon. Dahil dito, nakakuha ang naturang partido ng tatlong puwesto sa ika-18 Kongreso.

Mahaba na ang rekord ng Bayan Muna sa pakikipaglaban sa loob ng Kamara para sa interes ng mardyinalisadong mga mamamayan. Sa susunod na Kongreso, ipagpapatuloy ito nina Reps.-elect Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Culliamat.

Kinapanayam ng Pinoy Weekly si Gaite, ang matagal nang lider-manggagawa ng mga kawani sa gobyerno sa ilalim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) hinggil sa bagong yugto ng kanyang pakikibaka para sa mga kawani.

Pinoy Weekly (PW): Matagal nang kinatawan ninyo ang interes ng mga kawani ng pamahalaan. Ano po ang inyong pakiramdam, ngyong naluklok na kayo ngayon bilang kongresista ng Bayan Muna?

Ferdinand Gaite: Ako at mga kawani sa pamahalaan ay puno ng kagalakan na mabigyan ng pagkakataong maglingkod bilang kanilang kinatawan sa Kongreso. Naka-dalawang pagsubok kaming maiparehistro ang party-list bilang mga kawani nuong 2010 at 2013. Sa dahilang di katanggap-tanggap, pareho itong di pinahintulutan ng Commission on Elections (Comelec). Kaya’t ang sama-ng-loob namin noon ay napalitan ng kasiyahan sa 2019.

PW: Ano ang inyong magiging plataporma sa pagpasok ng ika-18 Kongreso?

Gaite: Ang plataporma ng Bayan Muna ay ang pagiging kampeon ng maralita at kawani ng pamahalaan. Dadalhin ang mga pang-ekonomiya at pampulitikang pagbabago para sa kapakanan ng magsasaka, manggagawa, kawani, maralita, at iba pang aping sektor.

PW: Anu ano ang priority bills na inyong ihahain sa Kamara sa inyong panunungkulan?

Gaite: Prayoridad ng Bayan Muna ang mga panukalang batas hinggil sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, at mga panukala para ipaglaban ang demokratikong mga karapatan ng mga mamamayan.

Bilang kinatawan ng kawani at manggagawa sa pamahalaan, aming isusulong ang magkakambal na kampanya para sa national minimum wage at pagpapatigil ng kontraktuwalisasyon. Naihapag na noong nakaraang 2018 ang mga House Bill No. 7197 patungkol sa National Minimum Wage na ?16,000 kada buwan at HB 7415 para sa Kaseguruhan sa Trabaho. Hindi ito umusad dahil hindi ito tunay na prayoridad ng rehimeng Duterte kaya muli itong unang ihahapag.

Kasama ring prayoridad ang mga panukalang batas o resolusyon upang labanan ang makawakang tanggalan bunga ng pribatisasyon at reorganisasyon. Prayoridad din ang mga panukala upang tiyakin ang wastong benepisyo at pakinabang sa mga pondo bg manggagawa tulad ng Government Service Insurance System o GSIS; Philippine Health Insurance Corp. o PHIC; Pag-ibig Home Development Mutual Fund; Retirement Separation and Benefits System sa Armed Forces of the Philippines o AFP- RSBS; Retirement and Benefits Administrative Service ng Philippine National Police o PNP-RBAS; at iba pa.

Uunahin din ang mga panukala para sa ganap na karapatan sa pag-uunyon sa pampublikong sektor lalo ng niratipikahan ng Pilipinas ang International Labour Organization (ILO) Convention No. 151 noong 2018.

At dahil kinakatawan din namin ang mga manggagawa sa pribadong sektor, prayoridad din ang mga magkahalintulad na panukala sa usaping sahod, trabaho at karapatan.

PW: Ano ang nakikita ninyong mga oportunidad, at mga balakid sa inyong mga gagampanan bilang kongresista?

Gaite: Malaking oportunidad na magakaron ng sariling tinig na galing mismo sa hanay ng mga kawani sa pamahalaan. Mabibigyan ng partikular na atensiyon ang napakaraming usapin na kailangang isabatas o imbestigahan ng Kongreso. Sisikapin ng Bayan Muna sa pamamagitan ng kilusan ng mga manggagawa na ating kakatawanin ay maipaglalaban.

Malaking balakid na maliit pa rin ang tinig ng mga aping sektor sa Kamara habang higit na mas malaki ang kinatawan ng naghaharing uri tulad ng mga panginoong maylupa, burgesya komprador, at mga pampulitikang dinastiya. Nung nakaraan lang na halalan, ginamit bg rehimeng US-Duterte ang buong makinarya, rekurso, kapangyarihan, impluwensiya, ng gobyerno para matiyak ito. At masahol pa, ang sistemang party-list na karapat-dapat sana’y para sa mga nasa laylayan at/o wala/kulang ang kumakatawan ay dominado na rin ng naghaharing uri.

Pero kahit maliit ang bilang ng kinatawan sa progresibong mga party-list, ang Bayan Muna at iba pa’y aasa sa wastong pagsusuri at paninindigan upang kabigin ang mapagkaibigan at makahalintulad na magisip na kinatawan sa Kongreso.

PW: Ano ang inyong nakikitang magiging gampanin ng Makabayan Bloc sa panahon ni Duterte at pagpasok ng kanyang mga alyado sa kamara?

Gaite: Mangunguna ang blokeng Makabayan sa paglalantad at paglaban sa mga makadayuhan at kontra-mamamayang patakarang isinusulong ni Pangulong Duterte at ng kanyang dayuhang amo pangunahin ang US at Tsina. Kasama rito ang paglaban sa tiraniya at pasismo/martial law, Tax Reform For Acceleration and Inclusion Law o Train Law, charter change, dayuhang pananakop ng West Philippine Sea, at iba pang neoliberal na prayoridad na lalong magpapahirap sa bayan.

Mali ang mga prayoridad (ng rehimeng Duterte) dahil lalong ipagkakait nito ang mga demokratiko at karapatang pantao at gayundin din ang kailangang serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay at iba pa.