Panayam | Juliet de Lima, hinggil sa NDFP draft Caser

0
300
Kung natuloy sana ang ikalimang round ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng rehimeng Duterte at National Democratic Front of the Philippines (NDFP), posibleng ngayon sana’y pagpapatupad na ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser) ang tinatrabaho ng magkabilang panig. Laman ng kasunduan sanang ito ang komprehensibong pagrereporma sa pagpapatakbo ng ekonomiya ng bansa–ang paglayo sa modelong neoliberal na nagdudulot ng matinding kahirapan sa mayorya ng mga mamamayan hanggang ngayon. Pero sa halip na paglalagda at pagpapatupad sa Caser, paglaban sa pasistang diktadura ng rehimeng Duterte ang tinatrabaho ng rebolusyonaryong kilusan.
Ano ang laman sana ng burador ng Caser na inihain ng NDFP? Bakit maituturing na napakalaking nasayang na oportunidad ng rehimeng Duterte ang di-paglagda rito? Wala na bang pag-asang bumalik sa negosasyon ang rehimen? Ito at iba pa ang tinanong ng Pinoy Weekly kay Julieta de Lima, tagapangulo ng NDFP Reciprocal Working Committee on Social and Economic Reforms (RWC-SER).

PW: Sa pagkakaintindi namin, nilalaman ng panukalang Caser ang programa o plataporma para sa pagrereporma ng istruktura ng ekonomiya ng bansa–iyung klase ng programa na magbibigay ng kaginhawaan sa mayorya ng mga mamamayang naghihirap. Ano po ang naging prosesong isinagawa ng mga konsultant at kinatawan ng NDFP para makakuha ng input mula sa iba’t ibang sektor ng bansa? Anu-anong mga grupo, sektor, o industriya ang kinausap ninyo?

Juliet de Lima (JL): Totoong magbibigay ng kaginhawaan sa mayorya ng mga mamamayang naghihirap ang katuparan ng mga panukala sa NDF Caser. Para buuin ang mga panukalang ito, ang mga kinatawan ng NDFP na naimbuwelto sa pagbubuo ng mga panukalang reporma ay nagsimula sa pagrepaso sa revolutionary literature ng kilusan magmula pa nang mabuo ang national consciousness ng sambayanang Pilipino sa takbo ng paglaban sa kolonyalismong Espanyol at US; na sinundan ng mga mananakop na Hapon at muli ng US sa anyo ng neokolonyalista o imperyalista mula 1946 nang kunwa’y idinulot nito ang kasarinlan sa Pilipinas.

Sinundan ito ng mga konsultasyon sa mga organisadong puwersa mula sa antas ng mga baryo at kabayanan, mga lalawigan at rehiyon hanggang buong bansa; mga konsultasyon sa mga organisasyon ng mga panggitnang puwersa, akademya at intelektuwal, mga simbahan at religious communities at komentaryo ng mga alyado at mga patriotikong negosyante at may-ari ng mga industriya, mga nongovernmental organizations. Kinonsulta rin ang mga organisasyon ng overseas Filipinos sa iba’t ibang bansang kinaroroonan nila. Kinatas namin ang produkto ng mga komentaryo at konsultasyon at isinaalang-alang sa pagbalangkas ng Caser.

Malaking gabay ang pag-aaral namin sa mga batayang dokumento ng Partido (Communist Party of the Philippines o CPP, New People’s Army o NPA at NDF) kabilang ang mga panlipunang pagsisiyasat na ginawa ng mga ito. Higit sa lahat, inaral namin ang CPP Constitution, Program for a People’s Democratic Revolution (PPDR), at Guide for Establishing a People’s Revolutionary Government para rito ibatay ang ating mga panukala. Ang pag-angkop ng mga probisyong panukala sa umiiral na kalagayan ay produkto ng mga ginawang konsultasyon.

Hindi makaisang-panig ang pag-aaral namin. Siyempre, pinag-aralan namin ang pag-iral tunggalian ng mga uri sa lipunang Pilipino at kung paano ito nakakawing sa imperyalismo. Inaral at kinatas, at isinaalang-alang ang mga positibong elemento ng mga konstitusyon ng Pilipinas at ang mahahalagang international economic instruments ng United Nations at mga ahensiya nito, atbp. international bodies, ng World Bank at International Monetary Fund o IMF, Asian Development Bank o ADB, at iba pa.

Inaral din namin ang historikong karanasan sa pag-unlad ng ekonomiya tungo sa industriyalisasyon ng sari-saring bayan, tulad ng Englatera, Holanda, Hapon, Unyong Sobyet, at higit sa lahat Tsina.

PW: Puwede po bang magbigay kayo ng halimbawa ng mahahalaga o tampok na mungkahi o input mula sa mga nakausap ninyong grupo o sektor na lalong nakapagpayaman sa draft Caser?

JL: Marami kaming mga input na isinaalang-alang, lalo sa mga partikular na reporma tungkol sa pambansang minorya. Sa mga konsultasyon ang mga advocates nila ang mga pinaka-aktibo. Halimbawa, nagkaroon sa borador ng Caser ng natatanging seksiyon tungkol mga partikular na pagtrato o konsiderasyon sa kanilang rights and welfare.

Binibigyang pagkakataon din ng Caser ang malalaking komprador kapitalista na ibaling ang kanilang kapital tungo sa pambansang industriyalisasyon at rural development. Batay ito sa karanasan sa socialist construction ng Tsina at validated sa konsultasyon sa mga Pilipinong kapitalista at sa ilang malalaking komprador-kapitalista; dito natin natiyak na bukas sila sa panukalang ito. Ang mangilan-ngilang ito ay maaaring maging halimbawa at sundan ng karamihan sa mga uri at saray na ito.

PW: Interesado po ang ating mga mambabasa sa partikular na mga mungkahi ng NDFP para sa pagkakaroon ng maka-kakalikasan, maka-mahihirap na pampublikong sistema ng mass transport sa bansa. Pinag-uusapan po ito ngayon sa hanay ng mga manggagawa at miyembro ng sektor ng transport. Ano po ang vision ng NDFP para sa mass transport ng bansa? Kasama ba ito sa draft Caser?

JL: Sa lahat ng bahagi ng pagpapaunlad ng lahat ng bahagi ng ekonomiya at lipunan, nakasalabid o nakapaloob ang pangangalaga sa kalikasan, gayundin ang interes o kapakanan ng mahihirap.
Kaugnay sa programa para sa mass transport system, naroon ito sa Artikulo 18. Nais ng Caser na magkaroon ng accessible, mahusay at ligtas na mass transport system na abot-kaya ng lahat ng mga manggagawa at pangkaraniwang komyuter. Hindi na papayagan at babaligtarin pa nga ang pribatisasyon at deregulasyon sa sektor ng transport — tren, tollways, mga kalsada, mga tulay, mga daungan at paliparan.

Dapat nakalahok ang publiko sa pagbabalangkas ng plano at mismong pagpapatakbo ng mass transport kabilang na dito ang pagtatakda ng abot-kayang pamasahe at pag-aayos ng trapiko.

Nararapat din na magkaroon ng komprehensibong programa para sa panglupa, pandagat at panghimpapawid na paraan ng transport at paglalakbay. Higit sa lahat, dapat na malaki ang maging ambag ng sistema ng transportasyon sa rural development at pambansang industriyalisasyon sa kabuuan.

Kung sa kalikasan naman sa pangkalahatan, kinikilala nito ang nangyaring malaking pagkasira sa kalikasan bunga ng pandaramabong sa pambansang likas yaman na gawa ng sabwatang katutubong (domestic) komprador kapitalista at mga dayuhang monopolyo kapitalista, kaya ang malaking bahagi ng mga reporma ay pagharap sa rehabilitasyon at kompensasyon sa mga kapinsalaan sa kalikasan at na nagdudulot din ng kapinsalaan sa kalusugan ng mga mamamayan.

Nasa buong Part IV, Upholding People’s Rights, isa sa pinakamahabang bahagi ng Caser ang pagsasaalangalang at pangangalaga sa mga karapatan ng mga uring anakpawis at iba pang uri’t saray ng sambayanan, kabilang ang pagpapalaganap ng patriotiko/makabayan, progresibo at kulturang pro-people at ang pagkilala sa ancestral lands at teritoryo ng mga pambansang minorya. Sa lahat ng ito, binibigyan-diin natin ang pagpapaunlad ng kamalayan tungkol sa ekolohiya (pagpukaw), organisasyon at pagkilos ng masa para itaguyod, pangalagaan at isulong ang kanilang mga interes.

PW: Interesado rin po ang ating mga mambabasang manggagawa sa plano para sa pambansang industriyalisasyon ng bansa. Papaano po ba makakapaglikha ng sapat na trabaho para sa mahigit 60 milyong manggagawang Pilipino ang pambansang industriyalisasyon? Papaano rin po ba masisiguro ng NDFP at GRP na magkakaroon ng nakabubuhay na sahod ang mga manggagawa sa mga industriyang itataguyod?

JL: Basahin at aralin natin ang NDF Caser draft. Makikita natin dito in broad outline kung paano mangyayari ang pambansang industriyalisasyon na magmumula sa repormang agraryo at rural industriyalisasyon na magpoproseso ng mga produktong agrikultural at kung paano ito sasalubungin naman ng mga pambansang industriyang itatayo nang pantas-antas sa pagproseso at manupaktura ng steel; kagamitang agrikultural at industriyal, makinarya at equipment; public transport, lalo mga riles, bus, marine vessels, electrical power equipment; electronic components at equipment; precision instruments; construction materials; chemicals and chemical products; pharmaceuticals; food and beverage; textiles, clothing and footwear; at biotechnology. Di lamang ang mga ito, nasa borador din ang pagpapaunlad ng services sector na pangunahing magsisilbi sa mga pangangailangan ng mahihirap.
Isusulong ang pagpapaunlad ng mga ito batay sa short-term, medium-term at long term (strategic) economic planning na nakatuon sa komprehensibong pagpapaunlad ng primary, secondary at tertiary sector ng ekonomiya natin.

PW: Kaugnay po ng pagkakaaresto sa konsultant ng NDFP at konsultant sa repormang sosyo-ekonomiko na si Rafael Baylosis: Ano reaksiyon ninyo at buong Negotiating Panel sa pagkakaaresto sa kanya, sa kabila ng kawalan ng arrest warrant? Ano ang ibig sabihin nito sa buong prosesong pangkapayapaan?

JL: Si Ka Raffy ay miyembro ngayon ng Reciprocal Working Group na syang umiiral ngayon habang hindi pa nabubuo ang Reciprocal Working Committee on Political and Constitutional Reforms. Dahil siya ay Political Science major, siya ang isinaalang-alang na maging susing tao ng Reciprocal Working Committee on Political and Constitutional Reforms (RWC-PCR) kapag binuo na ito matapos ang negosasyon sa Caser. Balak ito noong kasisimula pa lamang ng usapang pangkapayapan noong 1992. Kaya noon, naging madalas ang talumpati at artikulo niya tungkol sa mga isyung pampulitika kaugnay ng usapang kapayaan.

Gayunman, siya ang nagtimon sa ilang kumperensiya at konsultasyon diyan sa atin sa Pilipinas para simulan ang gawain sa pagbubuo ng mga panukalang repormang sosyo-ekonomiko, kabilang ang ilang bilateral consultations ng SER teams ng GRP at NDF sa Maynila noong 1993-94.

Hindi dapat inaresto si Ka Raffy dahil involved siya sa peace negotiations at kaugnay nito, mayroon siyang safety and immunity guarantees. Kaya lamang, ang nananaig ngayon ay ang reaksiyonaryong puwersang militar ng Estado na hindi kumikila maging sa sariling mga batas, at lalong hindi pa sa mga kasunduang GRP-NDFP kapag itinuturing nitong hindi nagsisilbi ang mga iyon sa interes ng mga puwersang mapagsamantala–ang mga burukrata kapitalista at mga monopolyong korporasyong imperyalista.

PW: Nitong Enero, naglabas ang Communist Party of the Philippines ng pahayag na nagsasabing ang pagpapatalsik kay Rodrigo Duterte sa poder ang pinakamahalagang tungkulin ngayon ng rebolusyonaryong kilusan. Wala na ba talagang tsansa na malagdaan ang draft Caser sa ilalim ng rehimeng Duterte? Palagay ninyo mas may tsansa ang Caser at ang buong usapang pangkapayapaan kung mapapatalsik na ng mga mamamayan si Duterte?

JL: Sa ngayon, wala pa tayong nakikitang pagkakataon para magkalagdaan sa Caser habang nasa poder si Duti (Duterte). Malinaw na nakita natin na hindi kakalas ang kasalukuyang rehimen sa mga kasapakat nitong komprador-burukrata-kapitalista at panginoong maylupa at mga amo nitong mga monopolyo kapitalista at imperyalistang US at iba pa. Hangga’t hindi nagbabago ang timbangan ng lakas sa pagitan ng mga reaksiyonaryong puwersang kababanggit ko at ng mga patriyotiko, progresibo at rebolusyonaryong puwersa, hindi matutupad ang mga repormang nakasaad sa Caser. Kaya lubhang mahalaga at kagyat/urgent ang pagpapalakas kapwa ng progresibo at rebolusyonaryong kilusan ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Walang ibang paraan kundi ang umasa tayo sa nagkakaisang lakas ng lahat ng uri at saray ng sambayanan.