Pahamak sa Dengvaxia

0
306

“Sabi sa papel na pinirmahan namin, ‘yung bakuna raw ay para hindi na magka-dengue ‘yung mga anak namin. Pero pagtapos ng isang buwan, may dengue na ang anak ko. Bakit ganoon?”

Kuwento ito ni Aling Vilma, ina ng 9-anyos na bata na nabakunahan ng Dengvaxia noong Setyembre 2015.

“Makalipas ang isang buwan, nilagnat siya. Sumakit ang braso. Tapos [noong] gabi, may dugo sa ilong at sa tenga,” ani Aling Vilma. Dinala niya agad ang anak sa ospital. May Dengue nga ang bata. Napaisip siya: Dahil ba ito sa bakunang Dengvaxia?

Kabilang si Aling Vilma, na nabakunahan ang anak noong 2015, sa higit 800,000 magulang na nangangamba para sa kanilang anak. Maraming magulang ang nagkuwento na matapos ang bakuna, nakaramdam at nagkaroon ng ilang sakit ang kanilang mga anak.

Higit dalawang taon na matapos isagawa ng DOH sa ilang barangay at eskuwelahan ang mass vaccination ng Dengvaxia. Tulad ng maraming magulang, takot na takot si Aling Vilma sa maaaring mangyari sa anak niya dahil sa bakuna.

Kaunting ubo, konting lagnat o sakit ng katawan ang maramdaman ng anak niya, ospital na agad ang kanilang punta.

Negosyong pangkalusugan

Isang uri ng dengue vaccine ang Dengvaxia. Ginawa ito ng kilalang multinasyonal na kompanyang pharmaceutical na Sanofi Pasteur. Noong panahon ng rehimeng Aqquino, sa pamumuno ng noo’y Sec. Janette Garin, gumastos ng P3.5-Bilyon ang Department of Health (DOH) para sa pagbili ng bakunang ito.

Nagsimula ang kaguluhan matapos ilabas ng Sanofi ang resulta ng kanilang pag-aaral na nagsasabing delikado ito sa mga di pa nagkakaroon ng dengue bago ang bakuna. Takot at pangamba ang naramdaman ng mga magulang para sa buhay na kanilang anak na sumailalim sa mass vaccination na isinagawa sa piling lugar sa National Capitan Region (NCR) at Rehiyon III at IV.

Bakit humantong pa sa pagbebenta ng gamot para sa mass vaccination ang Sanofi bago pa mapag-alamang nakasasama ito sa mga di pa nagka-dengue? Ayon kay Dr. Gene Nisperos, pangalawang tagapangulo ng Health Alliance for Democracy (HEAD), pagkamal ng tubo na ang prinsipal na konsiderasyon ng higanteng mga kompanyang pharmaceutical hindi na ang kalusugan ng mamamayan.

Naniniwala ang ilang sektor pangkalusugan tulad ng Coalition for People’s Right to Health na resulta ito ng pagmamadali sa proseso ng pagpapabakuna at paglagpas sa ilang patakaran.

Sa kabila ng kakulangan ng datos at walang kaseguruhan sa magiging epekto ng bakuna, inaprubahan agad ang kinakailangang badyet sa pagbili ng gamot. Samantalang ang badyet para sa bagong health centers at dagdag na sahod ng health workers ay matagal kung iapruba.

Pagpapanagot

Dahil dito, nananawagan ang mga grupong maralita at pangkababaihan tulad ng Gabriela na pagpanagutin ang lahat ng mga opisyal na nagpakalat ng Dengvaxia. Kasama na rito pati ang mga opisyal ng administrasyong Duterte. Samantala, nanawagan din sila ng buong subsidyo ng gobyerno sa mga pamilya ng mga batang naturukan ng Dengvaxia.

Pero higit sa pananagutan ng mga opisyal, tila bahagi na ng sistema ng paggogobyerno ang ganitong mga gawain. Ang eskandalo sa MRT, ang maanomalyang kontratang NBN-ZTE noong panahon ni Pangulong Arroyo, ang fertilizer fund scam noong 2004 ay ilan lang sa mga nasiwalat na paggamit sa mga serbisyo ng gobyerno para pagkakitaan ng mga opisyal nito.

Pinapakita ng eskandalong Dengvaxia na bumibiktima sa mga mamamayang katulad ni Aling Vilma na nasa handa ang sa kasalukuyang sistema, mga naghaharing uri na ipahamak ang kalusugan ng bansa para kumita.