“Walumpu’t walong katao. Walumpu’t walong kaluluwa. Ilang anak ang umaasa sa kanila para tanggalan mo ng regular na trabaho?”
Galit na sinabi ito ni Charlito Arevalo, pangulo ng Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor sa PLDT (GUTS), sa piket ng mga manggagawa ng isa sa pinakamalaking kompanyang telekomunikasyon sa bansa noong Marso 14. Ang bilang na binanggit niya: bilang ng mga empleyado sa antas-superbisor na nasa IT (information technology) Department na naunang pinagsabihan na tatanggalin sila bilang regular na empleyado ng kompanya at ililipat sa isang hiwalay na contracting agency na nagngangalang Amdocs. Sa Abril 2 magiging epektibo ang naturang iskema.
Pero hindi lang sila ang nakatakdang tatanggalin.
“Walang ibang motibo sa iskemang ito kundi para kumita,” pahayag ng GUTS.
Inaasahang kikita umano ang kompanya ng humigitkumulang P7-Bilyon sa loob ng limang taon–kita hindi lang para sa mga bossing ng PLDT, kundi para rin sa malalaking monopolyo kapitalista na tumataya ng kapital at kumikita mula sa dominasyon nito sa industriya ng telekomunikasyon sa bansa.
Matagal nang modus
Mula 2016, pinalulutang na ng manedsment ng PLDT ang iskemang ito para ikondisyon ang isip ng mga empleyado. Pero tinapatan ito ng mga protesta ng mga empleyado, kaya napaatras ang manedsment. Nagsagawa ng iba’t ibang aktibidad ang mga empleyado ng PLDT tulad ng pagsuot ng pula at itim na t-shirt, pagsasagawa ng mga porum at seminar, at iba pa.
Ayon kay Atong Castillo, pangulo ng unyon ng rank-and-file employees sa PLDT, ito lang ang pinakahuli sa mga hakbang ng manedsment para pinagin ang mga empleyado para sila’y lalong kumita.
“Ang mga supervisor, (bumibilang sa) 4,500. Kami (rank-and-file), ang dami namin, 1,100. Alam niyo ba kung gaano kadami ang kontraktuwal sa PLDT? Hindi bababa sa 30,000 nationwide,” ani Castillo, sa parehong piket sa harap ng malaking opisina ng PLDT sa Espana Avenue, Manila.
Kabilang ang GUTS, gayundin ang Manggagawa sa Komunikasyon ng Pilipinas (MKP), unyong pinamumunuan ni Castillo, sa mga nagreklamo sa Department of Labor and Development (DOLE) kaugnay ng malawakang praktika ng kontraktuwalisasyon sa PLDT. Nagsagawa ng inspeksiyon ang DOLE sa naturang kompanya. Nakita ng mga inspektor ang malalang kondisyon ng kontraktuwal na mga manggagawa rito.
“Yung mga taga-Sales (na nakapanayam ng DOLE)–ito ‘yung makikita n’yo na may payong sa labas. Yung nasa ilalim ng arawan, nakapayong, ula’t arawin,” pagsisimula ni Castillo sa kuwento.
Abogado umano ng DOLE ang nakinapanayam sa kanila. “Alam n’yo (nang) tinanong sila? Lahat sila (sa) Sales eh. ‘Ne, magkano ‘yung suweldo mo rito sa PLDT?’ ‘Yung babae, nakakatuwa. Talagang halatang halata mong wala siyang kamuwang-muwang sa mundo. Sinabi niya, nakangiti pa siya eh: ‘Ay, P150 po (kada araw).’ Tapos sabi niya, ‘Kaya lang po, P100 na lang po binibigay sa amin. Kasi po sabi nung agency namin, ‘yung P50 daw po ay tax.’”
Napamura umano ang abogado. “P___ ina! ‘Yung minimum wage (pababa), exempt sa tax. Ang suweldo mo sa NCR (National Capital Region), wala pa sa minimum,” sabi ng naturang abogado na kinuwento ni Castillo.
Abang kontraktuwal
May binigay ding ibang halimbawa si Castillo ng kalupitan ng manedsment sa mga kontraktuwal: Ang mga janitor, halimbawa, pinagbabayad ng P833 para sa kanilang uniporme. “Magkano lang ang kinikita nila, tapos kukunin pa ‘yung P833. Grabe na,” aniya.
Isa pang halimbawa: Ang mga manggagawa sa planta, nagsumbong na sinisingil pa ng kompanya sa tools na ginagamit nila sa trabaho. Hinihingian din sila ng P10,000 bond. “Kinakaltasan kami ng P500 kada pay day. Pero okey lang po, nauutang naman namin,” kuwento ng mga manggagawa kay Castillo. Pero ang problema, tinutubuan pa sila ng 20 porsiyento sa mga pautang.
Araw-araw, nalalagay din sa panganib ang mga manggagawa ng PLDT, lalo na iyung mga nagkakabit ng telepono. “Pito na ang namamatay dahil nakuryente habang nagkakabit ng telepono,” sabi pa ni Castillo.
Sa pagsisimula ng taong 2018, nagpatawag ng pulong ang manedsment para ianunsiyo sa iba’t ibang departamento ang plano nitong pagpapaigting ng outsourcing. Iyung 88 empleyado sa IT Department ang sinampolan. Pinagbantaan sila at pinuwersang pumirma ng mga kontrata sa Amdocs.
Mismong mga bossing ng PLDT ang nagsulat sa mga empleyadong ito para takutin sila, kuwento ni Arevalo.
Paiigtingin ang paggiit
“Kabilang ang PLDT sa pangunahing mga kompanya na nagpapatupad ng neoliberal na mga polisiya at malawakang nagkokontrata (palabas ng kompanya) ng mga serbisyo sa third-party service providers, na kilala rin bilang contracting agencies,” ayon sa GUTS.
Ngayong taon lang din, batay sa reklamo ng mga manggagawa at matapos ang imbestigasyon, iniutos ng DOLE sa PLDT na iregularisa ang mahigit 8,000 manggagawang kontraktuwal. Binasura ng naturang ahensiya ang apela ng PLDT. “(Pero) sa halip na sundin ang desisyon ng Departamento, muling kinuwestiyon ng manedsment ng PLDT ang desisyon at nagsumite ng isa pang apela, hindi lang para patagalin ang pagpapatupad ng desisyon kundi para tuluyang talikuran ang responsabilidad nito bilang prinsipal na employer ng libulibong mga manggagawa,” sabi pa ng GUTS.
“Ingrata” (“ungrateful”) ang tawag ng GUTS at mga manggagawa ng PLDT sa manedsment ng kompanya, lalo na ang may-ari nito na si Manny V. Pangilinan. Nagkamal umano ng trilyuntrilyon ang kompanya mula sa pawis at hirap ng mga manggagawa nito sa tagal ng panahon. Pero ang turing lang nito sa mga manggagawa ay mga bagay na puwedeng itapon anumang oras–para makakuha ng mas maraming kita.
Nangako ang mga manggagawa ng PLDT– mga empleyado man iyan, rank-and-file o superbisor, regular o kontraktuwal, na ipagpapatuloy ang paglaban sa mga iskema ng manedsment na magkamal ng mas maraming kita sa kapahamakan nilang mga empleyado. “Maglulunsad ang GUTS ng marami pang kilos-protesta at aktibidad para mapigilan ang mga atakeng ito at maipagtanggol ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa,” sabi pa ng GUTS.
Kapwa nagsumite na rin ang dalawang unyon sa DOLE ng notice of strike.
Bahagi ng ipoprotesta nila, hindi lang ang manedsment at ang may-ari ng PLDT na si Pangilinan. Sinisingil din nila ang mismong rehimeng Duterte na sa kabila ng mga buladas kontra sa kontraktuwalisasyon ay lalong pinalalakas pa ang loob ng mga tulad ni Pangilinan na paigtingin ang atake sa karapatan ng mga manggagawa.