Para sa jeepney, para sa pangmasang transport

0
254

Maaga pa noong Araw ng mga Bayani, Agosto 27, pero nagdagsaan na sila sa National Press Club sa Intramuros, Manila. Bago matapos ang umaga, umabot sa 70 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga jeepney driver at operator sa Kamaynilaan ang dumalo, at nagpakita ng suporta sa Transport Unity Summit Against Jeepney Phase-out na inorganisa ng No to Jeepney Phase-out Coalition (NTJPOC).

Ang panawagan nila: Itigil na ang atake ng administrasyong Duterte sa kanilang mga kabuhayan bilang drayber at operator ng mga jeepney. Panawagan din nila na sa halip na puwersahang pawiin ang mga jeepney sa mga kalsada ng bansa, ituon na lang ang mga rekurso ng gobyerno sa rehabilitasyon ng mga jeepney para gawing mas maka-kalikasan at episyente ito.

Dumalo rin sa pagpupulong sina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Sen. Grace Poe, tagapangulo ng Senate Public Services Committee.

Tinutuloy pa rin

Sa kabila ng mga deklarasyon ng administrasyong Duterte at Department of Transportation na inaaral pa nito ang implementasyon ng planong jeepney modernization, pansin ng mga drayber at operator na umaarangkada na ang planong ito.

“’Wag na tayong magbulag-bulagan. Anumang tatwa n’yo dyan (jeepney phaseout), kakaharapin natin ‘yan sa darating na mga buwan,” ani George San Mateo, pambansang pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (Piston) sa harap ng mahigit 700 jeepney transport leaders mula pa sa iba’t ibang panig ng bansa. Ito’y dahil bagamat madalang na ang panghuhuli sa kalsada, tahimik at mapanlinlang pa ring isinusulong ng administrasyong Duterte ang phase-out sa pamamagitan ng memorandum circulars.

Noong Marso 16 lang, inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Memorandum Circular No. 2018-008. Dito inoobliga ang indibidwal na franchise operators na magbuo ng koop o korporasyon ang mga drayber at operators bago March 18, 2019 para sapilitan silang bumili ng mamahaling solar, electric at euro 4 vehicles, alinsunod pa rin sa “modernisasyon ng jeepney” ng administrasyong Duterte na ipapatupad ng DOTr at LTFRB sa ilalim ng Dept Order 2017-011 o Omnibus Franchising Guidelines (OFG). Ang hindi makapag-aplay sa LTFRB o di kaya nama’y nag-aplay pero di-makapasa bago ang takdang oras ay tatanggalan ng prangkisa. Kung makapasa naman, sapilitan pa ring ipe-phaseout ang lumang mga jeep sa June 2020.

Kung makakapasa man ang isang jeep at/o operator, pagkalipas pa lang ng tatlong araw matapos makapasa ay kailangan nang bumili ng bagong sasakyang nagkakahalaga ng P1.2- hanggang P1.8-Milyon. Ang hindi makatugon, may multang P5,000 kada araw. Kinakailangan ding may terminal sila sa magkabilang dulo ng kanilang ruta, may garahe na kasya ang lahat ng sasakyan, may mga mekaniko at iba pa. Malinaw na hindi sasapat ang kakayanan ng mahihirap na tsuper at operator upang tumalima rito.

“’Wag na tayong mangarap. Gusto rin sana natin na magkaroon din tayo ng mga idini-display nila na mga sasakyan na napakagaganda pero hindi talaga natin makakayan ito,”ani pa ni San Mateo.

Para sa mga driver at operator, ang sapilitang pagbubuo ng kooperatiba o korporasyon ay bitag para malagay sa isang papel ang kalat-kalat na prangkisa ng indibidwal na mga operator. Dahil dito, mas madali para sa gobyerno ang manakot na babawiin ang kanilang mga prangkisa kapag hindi sila bumili ng bagong sasakyan. Maaari rin umanong maipanakot ito sa mga driver na sasama sa mga welga at protesta. Malinaw din daw na negosyo at korporatisasyon ang tunay na motibo ng gobyerno sa likod ng pekeng modernisasyon.

“Ginagawa tayong alipin dahil sa kinokontrol nila (gobyerno) ang ating kabuhayan,” sabi pa ni Almario Lopez, lider ng Piston-Southern Tagalog.

Rehabilitasyon, hindi phase-out

Ibinida naman ni San Mateo sa isang Facebook post ang litrato ng isang “remodeled” at “rehabilitated” jeepney na umano’y compliant sa body specifications ng OFG, at pasado rin sa emission-testing at road-worthiness inspection.

Nagkakahalaga lang ang nasabing jeep ng P400,000 – higit na magaang sa bulsa ng maliliit na operators at madaling gawin para sa lokal na jeepney assemblers kumpara sa mamahaling mga sasakyan na ipinagpipilitan ng gobyerno. Ayon pa kay Mateo, di rin dapat ipilit ng pamahalaan ang pagkokonsolida ng mga prangkisa at gawin na lang na boluntaryo ito. Hindi na rin kailangan ito sapagkat kaya naman ng isang asosasyon na magsagawa ng maayos na fleet management habang napapanatili ang pagmamay-ari ng sarili nilang prangkisa.

Malinaw para sa mga drayber na ang makikinabang sa jeepney phase-out ay pribadong mga korporasyon na siyang “magmomodernisa” raw sa mga jeep – sa halagang di bababa sa P1-Milyon kada sasakyan.

Dahil dito, hinimok ni Zarate ang mga driver na ipagpatuloy ang laban kontra phase-out at sinabing ang kanilang pakikibaka ang nagtutulak sa gobyerno na muling pag-isipan ang kanilang programa.

“Kaya kahit na sinabi na ni Pangulong Duterte na ‘kayong mahihirap, pasensiya kayo, ‘pag Enero 1 (2018) ay guguyurin ko ang mga sasakyan ninyo’, halos magtatapos na ang 2018 hindi pa nangyari, dahil lumaban ang mga mamamayan. Lumaban kayong mga tsuper,” ani Zarate.

Samantala, bagamat nilinaw ni Poe na hindi siya tutol sa modernisasyon ng mga jeep, pipilitin umano niyang humanap ng mga paraan para matulungan ang mga jeepney driver, kagaya na lang ng pagpapataas ng kakatiting na P80,000 financial assistance na ipinagyayabang ng gobyerno.

“Dapat sabihin natin sa DOTr, ano ba ‘yong arrangements sa mga bangko? Dapat ang interest rates (ay) mababa at available. Kung ang down payment, puwedeng taasan nang konti, kung kakayanin ng gobyerno, bakit hindi?” sabi niya.

Nangako rin si Poe na iipitin ang badyet ng DOTr kung hindi nito matutugunan ang mga tanong at hinaing ng mga tsuper.

“Ngayon, nasa kapangyarihan ng Kamara at Senado na gawin ‘yan. S’yempre, ayaw naman natin gawin na basta iipitin ang badyet dahil maraming apektado. Pero kailangan muna nilang patunayan ang kanilang sarili na sa tamang paraan nila ginagasta ang pera na pinapamahagi ng taumbayan,” dagdag pa ni Poe.

Sa patuloy na pakikibaka, hinihimok ng mga manggagawa ang sambayanan na makiisa sa kanilang laban.

“Ang problema na lang talaga natin, pa’no pagkaisahin ‘yong malawak na sektor sa hanay natin. Kailangang aktibo nating tutulan at labanan at kumilos tayo. ‘Pag hindi tayo kumilos, hayaan na lang natin sila, bukas wala na tayong ruta,” sabi pa ni San Mateo.

Sa malakas at malawak na pagkakaisa ng mga tsuper at operator sa Transport Summit, maaaring tumungtong ang mas malakas pang pambansang kampanya laban sa korporatisasyon ng sektor ng transport (o pagpasa sa malalaking kompanya sa serbisyo ng transport). Sa kahuli-hulihan kailangan din umanong ipaglaban ng mga manggagawa at miyembro ng sektor na ito ang isang sistema ng transportasyon na pangmasa, pampubliko (ibig sabihin, pinatatakbo ng gobyerno) at di monopolisado ng iilang malalaking kompanya.

Asahan daw na hindi nila hahayaang basta-basta na lang wasakin ng administrasyong Duterte ang kabuhayan ng daan-daanlibong drayber at operator sa buong bansa at pinsalain ang milyun-milyong mahihirap na mananakay dahil sa palagiang pagtaas ng pasahe na idudulot ng phaseout.