Sanay ang mga mamamayan ng mundo na makita ang tindi ng pasismo ng imperyalismong US. Pero bihirang masaksihan ito ng karamihan sa mga mamamayang Amerikano — sa sariling lugar nila.
Pinakatarget ng pasistang atake ng administrasyon ni Donald Trump ang nasa pambansang minorya at mga migrante – mga manggagawa at mamamayan mula sa ibang lupain at bansa, napilitan o nahimok na pumunta ng Amerika para makapagtrabaho o lumikas sa marahas na sitwasyon sa mga bayan nila. Samantala, noong nakaraang mga taon, tumindi rin ang atake sa mga AprikanoAmerikano, na biktima ng diskriminasyon at palaging napagdidiskitahan ng mga pulis-Amerikano sa mga kalsada—naaaresto, nasasaktan, natotortyur, nakukulong, napapaslang.
Pinakahuling mukha ng pasismo sa sariling lupain ng Estados Unidos ang pandarahas ni Trump sa daan-daang migrante mula Honduras, El Salvador at Guatemala na nagnanais tumawid ng border ng Mexico patungong US. Nilisan nila ang malupit na pandarahas ng mga kartel ng droga at kriminal sa kanilang mga bansa. Pero iniutos ni Trump sa mga tropang sundalo at border police na pasabugan ng mga tear gas ang mga migrante – kasama ang mga bata at sanggol na dala ng kanilang mga magulang.
Sabi nga ng Migrante International, halos kamukha ng pandarahas sa mga migranteng ito ang maggamit ng nakamamatay na gas ng Nazi Germany sa mga Hudyo sa Europa noong World War II.
Nakakagalit at dapat kondenahin ang paggamit ni Trump ng sobrang dahas sa mga migrante, lalo pa’t mga polisiya ng US ang mismong dahilan ng pagkaligalig ng mga bansa sa Latina Amerika. Dekadekada na mula nang simulang makialam ang US sa internal na mga pulitika ng mga bansa sa kontinenteng ito—sinuportahan ang mga diktadura, ibinaon sa utang, pinatawan ng mga polisiyang di-pabor sa kanila. Direktang resulta nito ang pagkaligalig ng maraming bansa rito, kasama na ang paglawak ng impluwensiya ng mga drug cartel (na katuwang ng US sa paglaban sa insurhensiya sa El Salvador, Colombia, at iba pa).
Isinisisi ni Trump sa mga immigrant ang pagkawala ng mga trabaho ng ordinaryong mga mamamayan sa US. Pero hindi sila ang dahilan nito kundi ang pagbagsak ng imprastraktura sa Amerika. Sa ilalim ng neoliberal na pagpapatakbo ng ekonomiyang pandaigdig, pinaboran ng US ang paglalabas ng manupaktura sa mga bansang may murang lakas paggawa (tulad ng China, Pilipinas, India, atbp.). Walang-kaparis sa kasaysayan ang kinita ng malalaking monopolyokapitalista habang bumagsak ang kabuhayan ng mga manggagawa—kapwa sa Amerika at sa mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas.
May bahagi ng mga mamamayan ng US na sumusuporta kay Trump sa pandarahas nito sa mga migrante dahil napaniwala ito na mga migrante ang umaagaw sa kanilang mga trabaho at kabuhayan. Pero si Trump mismo at ang mga katulad niyang malalaking kapitalista ang tunay na maysala rito.