Probationary period na lampas anim na buwan?

0
197

Sa pagpasok ng isang manggagawa sa kanyang trabaho, hindi siya kaagad nagiging regular. Kailangang dumaan siya sa probationary period kung saan titingnan ng kompanya kung dapat ba siyang gawing regular.

Ang karaniwang haba ng probationary period na ito ay anim na buwan. Maaari lamang itong habaan ng kompanya kung may kasunduan tungkol dito. Ang patuloy na pagtatrabaho ng isang manggagawa sa kompanya nang lampas sa kanyang probationary period ay nangangahulugan na regular na manggagawa na siya ng kompanya.

Ang usapin tungkol sa probationary period ng mga manggagawa ay naungkat sa kasong “Maria Carmela Umali vs. Hobbywing Solutions, Inc. (G.R. No. 221356)” na dinisyunan ng Korte Suprema noong Marso 14, 2018.

Nagsimulang magtrabaho sa Hobbywing Solutions, bilang isang online casino dealer, itong si Maria noong Hunyo 19, 2012.

Ayon sa kompanya, siya ay pumasok bilang probationary employee hanggang Nobyembre 19, 2012 at meron siyang pinirmahang kontrata tungkol dito. Ang kanyang probationary period ay kanilang pinahaba hanggang Pebrero 18, 2013 at meron na namang kontratang nilagdaan si Maria sa bagay na ito.

Pagkatapos ng panahong ito ay gusto na sanang tanggapin ng kompanya at gawing regular itong si Maria subalit siya ang umayaw at kumuha ng kanyang exit clearance mula sa kompanya.

Ayon naman kay Maria, wala siyang pinirmahang kontrata sa kompanya noong una siyang pumasok rito noong Nobyembre 19, 2012.

Pagkatapos ng pitong buwan, saka lamang siya pinapirma ng kontrata ng kompanya. Bale dalawang kontrata ang kanyang sabay na pinirmahan.

Ang unang kontrata ay mula Hunyo 19, 2012 hanggang Nobyembre 19, 2012. Ang pangalawang kontrata naman ay mula Nobyembre 19, 2012 hanggang Pebrero 18, 2013.

Ayon din kay Maria, pagdating ng Pebrero 18, 2013 ay sinabihan siya ng kompanya na tapos na ang kanyang kontrata at maghintay na lamang siya ng pasabi kung maging regular siya o hindi. Magmula noon ay hindi na siya pinapasok ng kompanya.

Dahil dito, napilitang magsampa ng kasong “illegal dismissal” si Maria laban sa kompanya.

Binasura ng Labor Arbiter ang kaso ni Maria. Inapila ni Maria ang kaso sa National Labor Relations Commission at pinanalo naman nito si Maria. Ang kompanya naman ang umakyat sa Court of Appeals at binaliktad naman nito ang hatol at pinanalo ang kompanya. Napilitang iakyat ni Maria sa Korte Suprema ang kanyang kaso.

Pagdating sa Korte Suprema, napansin ng Korte na ang dalawang kontrata ay pinirmahan ni Maria noong Enero 10, 2013 lamang.

Ito ay dahil sa sinulatan ni Maria ng aktwal na petsa kung kailan niya nilagdaan ang dalawang kontrata nang kanyang lagdaan ang mga ito.

Ang petsang Enero 10, 2013 ay nakalagay sa ibaba ng pirma ni Maria sa mga kontrata. Ito ay hindi maaring itatwa ng kompanya.

Dahil dito, lumalabas na tapos na ang anim na buwang probationary period ni Maria nang pirmahan niya ang nasabing mga kontrata.

Ibig sabihin nito, sabi ng Korte Suprema, si Maria ay isang ganap nang regular na manggagawa ng kompanya nang papirmahin siya nito ng kontrata tungkol sa kanyang pagiging probationary employee rito.

Hindi ito maari, sabi ng Korte Suprema. Hindi maaring papipirmahin ang isang manggagawa na naging regular na sa kompanya ng kontratang nagbabalik sa kanya bilang probationary muli.

Dahil dito, nagdisisyon ang Korte Suprema na dapat ibalik sa kanyang trabaho at bayaran ng backwages ng kompanya itong si Maria.

Inaasahan nating maging gabay sa mga manggagawa ang naging kasong ito ni Maria.