Republikang Basahan

0
346

Critics assert that the anti-terror bill would infringe on the civil and political rights of dissenters and ordinary citizens. (Photo by Carlo Manalansan)

francis gealogo icon Isang tumatagos na makapangyarihang diskursong politikal sa kasaysayan ng Pilipinas ang diskurso ng ‘di natatapos na rebolusyon’ ayon sa historyador na si Reynaldo Ileto. Makikita ito sa kasaysayan ng paggigiit ng kalayaan, demokrasya at paglulunsad ng iba’t ibang kilusang naglalayong maging substantibo at may saysay ang pagbabanggit ng mga salitang rebolusyon at kalayaan.Bagaman pagsusuring historikal ang isinakatuparan ni Ileto sa pagbibigay kahulugan sa mga paggunit ng pagdiriwang ng Sentenaryo ng Rebolusyong Pilipino, malalim na nakaugat ang kanyang pagsusuri sa ideya na marami pang dapat gawin upang maituring na malaya ang bayan. Makabuluhan ang pagbabaybay na ito ni Ileto sa pagtalakay ng kilusang makabayan sa Pilipinas. Sa kanyang pagsusuri, maraming mga kilusang masa, mga kaisipang akademiko, pati na mga programang pampamahalaan ang naglunsad ng iba’t ibang pagkilos gamit ang katagang hindi pa natatapos ang rebolusyon.

Kaugnay din ito ng ebolusyong ng makabayang historyograpiya sa Pilipinas. Kung ang ikutang pangyayari sa pagkabuo ng nasyon ng Pilipinas ang pagkakaroon ng karanasan sa rebolusyon, ang mga yugtong nagbubuo sa mga susunod na pangyayari at panahon sa kasaysayan ang magbibigay ng pagkakataon upang maipakita kung ganap nga ba o hindi ang pagiging malaya, kung nakamit nga ba ang mga ideya ng mga naunang rebolusyon. Sabi nga ni Ileto, tila ang kasalukuyan ang nagtatakda ng pagbibigay kabuluhan ng mga historyador sa kasaysayan, at hindi ang kabaligtaran nito.
Malalim ang pangangailangan ng pag-unawa sa pagiging malaya ng Pilipinas sa perspektibong historikal. Kakatwa ang kalagayan na maraming mga pangyayari ang ginugunita bilang ‘simula’ ng himagsikan sa kasaysayan ng Pilipinas, subalit mahirap maitakda kung kailan nakamit ng rebolusyon ang kanyang layuning tagumpay, o kung kailan maituturing na ganap ang proklamasyon ng ‘kalayaan’ sa Pilipinas. Ito ang dahilan kung bakit napakaraming proklamasyon ng ‘kalayaan’ na ginugunita sa pagiging malayang bayan sa Pilipinas.

Bagaman iprinoklama ni Emilio Aguinaldo ang kalayaan noong 12 Hunyo 1898, makikita sa dokumento ng proklamasyon ng kalayaan ang pagbabanggit na nasa ilalim ang bayan sa ‘proteksyon’ ng dakilang republikang Norte Amerikano. Ang pagpapasinaya sa pagtatatag ng unang republika sa Malolos noong 23 Enero 1899 ay naputol sa pagsiklab ng digmaang Pilipino-Amerikano wala pang dalawang linggo ang makaraan, noong 4 Pebrero. Pinahalagahan ni Manuel Quezon ang inagurasyon ng Commonwealth noong 15 Nobyembre 1935 at binigyang diin pa ang kanyang pag-akyat sa hagdanan ng Malacañang bilang simula ng pamumunong pansarili. May proklamasyon din ng kalayaan ang isinakatuparan ng mga mananakop na Hapones, na isinakatuparan noong 14 Oktubre 1943. Pormal na ibinigay ng mga Amerikano ang kalayaan sa Pilipinas noong 4 Hulyo 1946 at sa halos isa at kalahating dekada, ito ang ipinagdiriwang na araw ng kalayaan ng Pilipinas. Sa bisa ng kanyang inilunsad na ‘democracy from the center’, sinabi ni Marcos na iprinoklama niya ang Batas Militar noong 23 Setyembre 1972 upang iligtas ang republika mula sa bantang panganib ng mga kaaway ng estado – ang tinatawang niyang oligarkiyang kanan at komunistang kaliwa. Kaya nga, ang tinagurian niyang Bagong Lipunan ang binandilang kaayusang batay sa tinawang niyang ‘Today’s Revolution: Democracy’.

Mahalaga rin ang proklamasyon ng kalayaan sa pananaw ng iba’t ibang kilusang masa. Ang pagsisimula ng Sigwa ng Unang Kwarto (First Quarter Storm) noong 26 Enero 1970 ang sinasabing hudyat ng radikalisasyon hindi lamang ng mga mag-aaral kundi ng maraming batayang sektor panlipunan, na kakaharap sa bangis ng Batas militar ng diktadurang Marcos. Ang pagtatapos ng ‘rebolusyon’ sa EDSA noong 25 Pebrero 1986 ang sinasabing pagsisimula ng bagong kaayusan sa Pilipinas. Kahit na ang mga makabayang historyador ay hindi nagpahuli sa debateng nagaganap sa ‘pagsisimula’ ng malayang pag-iral at unang republika sa Pilipinas. Makailang ulit na sinulat ni Teodoro Agoncillo na walang kasaysayan ng Pilipinas bago ang 17 Pebrero 1872 na sinasabi niyang pagsisimula ng makabayang kamalayan matapos ang pagbitay sa tatlong paring GomBurZa. Ayon sa kanya, ang mga pangyayaring naganap bago ang araw na ito ay salamin lamang ng ginawa ng mga Espanyol sa Pilipinas, at pag-iral ng mga mamamayang hindi pa ganap ang pagkilala sa sarili bilang hiwalay na bayang Pilipino. Ilang historyador din ang nagsulong ng pagkilala kay Andres Bonifacio bilang tunay na unang pangulo ng Pilipinas at ang proklamasyong isinakatuparan ng Katipunan noong 24 Agosto 1896 na nagtalaga sa pag-iral ng Katipunan bilang Pamahalaan at ni Bonifacio bilang Pangulo ng Haring Bayan ang dapat tingnan bilang simula ng kalayaan.

Tila isang fetish na nga ng mga historyador ang pagtatakda kung sino ang nauna, sino ang nagpasimula, at sino ang pangunahin sa anumang kalagayan. Subalit marami ding kumakaharap sa katanungan na ano na ang kalagayan, matapos masimulan? Naganap ba at nakamit ang mga nilalayon ng nagpasimula? Ang kritikal na pagsusuri sa kakulangan ng kalayaan, at ang diskurso ng di-natatapos na rebolusyon ang makapagtuturo ng palagiang pangangailangang gawing makabuluhan, substantibo at may saysay ang pagsasabi ng kalayaan at rebolusyon. Kaya ang mga katawagang papet na republika (nagmula sa pagturing sa pamahalaan noong panahon ng pananakop ng mga Hapon) ang tumatak sa mga panunungkulan matapos ang 1946 dahil sa kakulangan nitong maggiit ng kalayaan ng bayan bilang pangunahing batayan ng pamamahala. Ganito rin ang diskurso ng pagkakaroon ng pamahalaang tuta – sunud-sunuran lamang sa kapritso at kagustuhan ng mga dayuhang siyang tunay na nangingibabaw – mula naman sa sosyalistang kaisipang lumaganap sa ibang bayan (ideya ng lapdog) bilang pagpuna sa mga reaksyonaryong pamamahalang nagkukunwang malaya.

Ang ganitong pagiging di ganap at di sapat ang pagkakaroon ng kalayaan ang tema ng mahabang tulang sinulat ng historyador na si Teodoro Agoncillo, na may unang pamagat na “Ang Republika sa labi ng Makabagong Pilibustero” at muling pinamagatang “Republikang Basahan” noong Mayo 1944. Bagaman kritisismo ito sa kawalang saysay ng republikang papet na prinoklama ng mga Hapones para sa mga Pilipino, naging makabuluhang ginamit din ito sa iba’t ibang mga sumunod na panahon. Sa panahon ng McCarthyism at red-tagging noong 1950s at 1960s, maraming bumabalik sa tula ni Agoncillo bilang pagdidiin sa pangangailangang manatiling malaya sa gitna ng mga banta ng panunupil. Ang mga kampanya laban sa pag-iral ng mga base militar ng Amerika sa bansa; ang pagkakaroon ng mga di pantay na kasunduan sa Amerika, Hapon at malawakang pagkakautang sa mga institusyong gaya ng IMF-WB; ang pagpapatuloy na pangingibabaw ng mga dayuhang korporasyon sa ekonomiya ng Pilipinas; ang pagiging palaasa ng mga gobyernong Pilipino sa mga dayuhan matapos ang 1946 – ang ilan sa mga konteksto ng muling pagbabalik sa kahalagahan ng sinulat ni Agoncillo matapos ang digmaan. Kahit sa mga pagtitipong bumabatikos sa diktadurang Marcos at sa batas militar, kalimitan nang inuulit ang pagbabasa ng tula ni Agoncillo para dito. Madamdamin ang paglalahad ng mga sumusunod na talata ng Republikang Basahan tuwing may paggunita ng araw ng kalayaan, gaya ng mga sumusunod:

Republika baga itong busabos ka ng dayuhan?
Ang tingin sa tanikala’y busilak na Kalayaan?

Kasarinlan baga itong ang bibig mo’y nakasusi
Ang mata mong nakadilat ay bulag na di mawari?

Ang buhay mo’y walang patid na hibla ng pagtataksil
Sa sarili, lipi’t angkan, sa bayan mong dumaraing!

Kalayaan! Republika! Ang bayani’y dinudusta,
Kalayaan pala itong mamatay nang abang aba!

Kasarinlan pala itong ni hindi mo masarili
Ang dangal ng tahanan mong ibo’t pugad ng pagkasi.

Malaya ka, bakit hindi? Sa bitayan ikaw’y manhik,
At magbigting mahinahon sa sarili na ring lubid!

Kalayaan – ito pala’y mayro’n na ring tinutubo
Sa puhunang dila’t laway, at hindi sa luha’t dugo!

Humimbing kang mapayapa, mabuhay kang nangangarap,
Sa ganyan lang mauulol ng sarili sa magdamag.

Lumakad ka, hilahin mo ang kadenang may kalansing,
Na sa taynga ng busabos ay musikang naglalambing!

Limutin mo ang nagdaan, ang sarili ay taglayin,
Subalit ang iniisip ay huwag mong bibigkasin!

Magsanay ka sa pagpukpok, sa pagpala at paghukay,
Pagka’t ikaw ang gagawa ng kabaong kung mamatay.

Purihin mo ang bayaning may dalisay na adhika,
Ngunit huwag paparisan ang kanilang gawi’t gawa.

Republika na nga itong ang sa iyo’y hindi iyo.
Timawa ka at dayuhan sa lupain at bayan mo!

Kalayaan! Malaya ka, oo nga nga, bakit hindi?
Sa patak ng iyong luha’y malaya kang mamighati!

Sa simoy ng mga hangin sa parang at mga bundok,
Palipasin mo ang sukal ng loob mong kumikirot.

Kalayaan! Republika! Kayo baga’y nauulol,
Sa ang inyong kalayaa’s tabla na rin ng kabaong?

Republika! Kasarinlan! Mandi’y hindi nadarama,
Ang paglaya’y sa matapang at sa kanyon bumubuga!

Bawat hakbang na gawin mo sa Templo ng Kalayaan
Ay hakbang na papalapit sa bunganga ng libingan!

Ang paglaya’y nakukuha sa tulis ng isang sibat,
Ang tabak ay tumatalim sa pingki ng kapwa tabak.

Ang paglaya’s isang tinging ng nagsamang dugo’t luha,
Sa saro ng kagitinga’y bayani lang ang tutungga.

Bawat sinag ng paglayang sa karimlan ay habulin,
Isang punyal sa dibdib mo, isang kislap ng patalim!

Hindi lamang mga Pilipinong historyador ang nagtukoy sa kabalintunaan ng Araw ng Kalayaan mula 12 Hunyo 1898 dahil sa naganap na pagpapatuloy direktang pananakop ng dayuhan hanggang 1946 at matapos ito. Bukod dito, nagbibigay din ng bagong kahulugan ang salitang kalayaan sa nakararami – ang paggigiit sa pagkilala sa mga batayang karapatan; ang pagsusulong ng kagalingang panlipunan; ang pagkakamit ng katarungan para sa nakararami at hindi sa iilan. Sa panahong palagian ang panganib ng pagkawala ng kahit maliit na nga lamang na mga batayang karapatan at kakanyahan para sa mga nakararami, nananatiling makabuluhan ang paggigiit ng kalayaan. Sa panahong maramihan pa rin ang nakararanas ng malawakang kakulangan sa pinakabatayang pangangailangan ng pag-iral ng tao bilang tao – pagkain, damit, tirahan, kalusugan, edukasyon – nananatiling mahalaga na palalimin ang kahulugan ng kalayaan. Sa panahong maraming pagbabanta sa unibersal nang kinikilala bilang karapatan ng lahat ng tao – makapagpahayag nang malaya, mamuhay nang walang takot, makapagtipon nang hindi sinusukol – nananatiling may saysay ang pagtalakay sa kahulugan ng kalayaan. Sa panahong may pagbabanta na maagaw nang tuluyan ng mga malalakas na bayan ang ilang mga historikal na teritoryong sakop ng Pilipinas – nananatiling makabuluhan ang pagsusulong ng nasyonalismo. Nagpapatuloy ang diskurso ng ‘di natatapos na rebolusyon’ sa kasaysayan dahil ibinabandila ng estado ang kalayaan sa gitna ng mga pagbabanta sa buhay at kabuhayan ng mga nakararami. Marami pang kagyat na gawain ang bayan upang masagot ang mga tanong ni Agoncillo sa pagharap sa mga hamon ng Republikang Basahan. (https://www.bulatlat.com)

Ref.

Agoncillo, Teodoro. (1944). “Republikang Basahan,” nasa Almario, Virgilio, (1981). Walong Dekada ng Makabagong Tulang Tagalog, Makati: Philippine Education Co, Inc. 146-47.

Ileto, Reynaldo. (1998). “The ‘Unfinished Revolution’ in Political Discourse,” nasa Reynaldo Ileto. The Filipinos and Their Revolution: Events, Discourse, and Historiography. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 177-201.

Medina, Isagani (comp.) (1977). “Curriculum Vitae at Talaaklatan ng mga Akda ni Professor Teodoro Agoncillo,” nasa Kasaysayan I Departamento ng Kasaysayan, Unibersidad ng Pilipinas.

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post Republikang Basahan appeared first on Bulatlat.