Sa Araw ng mga Bayani: Iwaksi ang mga huwad na bayani

0
142

Aug 30, 2021 Rappler.com

“I need a hero.” Pangkaraniwang tema ‘yan sa pelikula at maging sa buhay pulitika.

Nang tumakbo si Rodrigo Duterte bilang pangulo noong 2016, ipinangako niyang “Change is coming.” Ang subliminal message ay ito: Bayani ninyo ako dahil babaguhin ko ang buhay ‘nyo.

Siguro nga binago niya ang buhay natin, pero hindi sa paraang ikatutuwa nating lahat.

Binago niya ang rules of the game. Kahit magtatapos na ang termino niya, lalo pang namayagpag ang kanyang mga numero sa gitna ng palpak na pamamalakad sa pandemya. Hindi siya naging lame-duck president. Dinurog niya ang oposisyon noong midterm elections ng 2019, bagay na huling nangyari noong panahon ni Pangulong Manuel L Quezon!

Pero ang maglalatay ay ito: Niyanig ni Duterte ang pundasyon ng ating national values:

  • OK lang pumatay. Iniroll-back niya ang pagrespeto sa buhay ng tao at karapatang pantao sa ilalim ng kampanya laban sa droga kung saan tinatantiyang nasa 27,000 ang namatay. Naging katanggap-tanggap ang manawagang barilin ang mga pasaway, barilin ang mga babaeng rebelde.
  • OK lang mambastos ng babae. Saan ka nakakita ng pangulong humahalik sa mga babae sa entablado at kinakandong sila sa publiko? Rape jokes? Keri lang ‘yan. Kahit madre ang ni-rape keri rin. Minanyak na kasama sa bahay? Lalong keri.
  • OK lang na balasubas ang pambansang ehemplo ng kabataan. OK lang murahin ang Diyos, ang Santo Papa, at ang mga lider ng ibang bansa tulad ni Barack Obama. Walang sinasanto. Lahat binabalahura. 
  • OK lang magpakalat ng panlilinlang at kasinungalingan. Kung tutuusin, si Duterte ang father of disinformation sa Pilipinas. Sa pagkapanalo niya, napatunayan na puwedeng mahalal ang isang pulitiko sa lakas ng social media. Sa ilalim niya, sinalanta ng bayarang mga troll ang mga bumabatikos sa gobyerno at nagmistulang sementeryo ng diskurso ang online platforms.
  • OK lang makipagmabutihan sa Tsina kahit binabastos nito ang ating kasarinlan. Duterte loves Xi. OK lang kahit itinataboy at pinapalubog ang barko ng ating mga mangingisda.

At ang hindi maitatatwa, lumala ang quality of life natin sa ilalim ni Duterte. 

  • “Warak” ang ekonomiya. Mananatiling mataas ang unemployment at mas maraming taong nasa ilalim ng poverty line hanggang 2022, bilang epekto ng pandemya sa ekonomiya. 
  • Mismanaged ang paglaban sa pandemya – wala halos contact tracing, walang mass testing, at reactive ang mga retiradong militar na namumuno sa problemang hindi naman peace and order na problema, kundi health problem. 
  • Siyam na bilyon ang hindi nagamit sa Bayanihan II funds na malaki sanang tulong sa mahihirap at sa mga frontliner na kapos sa benepisyo. 
Incompetence, cronyism, korupsiyon

Hindi lang COVID-19 ang nakamamatay – deadly rin ang incompetence, cronyism, at katiwalian. 

Kamakailan, napag-alaman ng Rappler na ang pinakamalaking supplier ng administrasyong ito ng mga personal protective equipment – ang Pharmally Pharmaceutical – ay dikit sa dating economic adviser ni Duterte na si Michael Yang. Ito rin ang kumpanyang nakakopo ng P480-milyong kontrata para magsuplay ng test kits.

Bakit iginawad ang bilyon-bilyong kontrata ng Department of Budget and Management sa isang bagong tatag na kumpanya na P625,000 lang ang assets?

Si Michael Yang ba ang katumbas ngayon ni Danding Cojuangco at Roberto Benedicto noong panahon ni Marcos? Siya na ba ang top crony ni Duterte?

Bakit bumili ng overpriced na mga face mask at face shield si DBM undersecretary Lloyd Christopher Lao – ang dating alipores ni Senador Bong Go? Unqualified daw siya sa posisyong budget undersecretary, sabi ng mga senador. Bakit inappoint?

‘We don’t need another hero’

Didiretsuhin na namin kayo: Bayani ba si Duterte? Siya na laging umaatras sa hamong siya naman ang nagsimula – tulad nang hinamon niya si dating senior associate Supreme Court justice Antonio Carpio sa debate tungkol sa West Philippine Sea. Siya na laging bahag ang buntot kapag encroachment ng Tsina sa mga karagatan natin ang usapin?

Sa katotohonan, siya ang anti-hero ng ating henerasyon. Siya ang simbolo ng incompetence, impunity, at kawalan ng dangal.

Tigilan na natin ang paghahanap ng bayani. Sa katunayan, ang National Heroes’ Day ay pagpaparangal sa “Sigaw ng Pugad Lawin,” ang sigaw na naging hudyat ng simula ng Rebolusyon ng 1896. Hindi ito araw ng mga pinuno – araw ito ng mga karaniwang taong nagpunit ng sedula sa Balintawak.

Araw ito ng mga overseas Filipino worker at frontliner – ang nameless, faceless na mga kababayan nating araw-araw nagtataguyod ng tumatagilid na ekonomiya at papaguhong health system.

Iwaksi ang mga huwad na bayani.

Araw ito ng mga taong nagpapanatiling nakasindi ang kandila ng kalayaan sa kanilang mga puso. Araw natin ito. – Rappler.com