San Oscar Romero

0
270

>>Naging arsobispo ng San Salvador, kabisera ng bansang El Salvador, mula Pebrero 1977 hanggang paslangin siya noong Marso 1980. Ngayong taon, idineklara siyang santo ng Simbahang Katoliko.

>> Nang maging arsobispo siya, tila martial law, naghahari ang militar sa kanyang bansa. Lumalakas ang paglaban ng mga magsasaka para sa lupa. Ang tugon ng gobyerno at militar: pagmasaker, pagpaslang, pagdukot, pagtortyur. Target maging ang mga taong-simbahang sumusuporta. May mga polyeto noon na kumakalat: “Maging makabayan. Pumatay ng isang pari.”

>> Suportado ang panunupil ng US, mga panginoong maylupa at ng oligarkiya, maging ng Vatican at ng pamunuan ng Simbahan sa bansang El Salvador. Ganito rin sa maraming bansa noon sa Latin America: Guatemala, Brazil, Chile, Nicaragua, Argentina, at iba pa. Maging sa Asya, kasama ang Pilipinas. Pabalatbunga, kinokondena ng Estados Unidos (US) ang mga paglabag sa karapatang pantao, pero pinopondohan naman ang militar sa mga bansang ito.

>> Ipinanganak noong 1917, naging pari sa edad na 24, napakakonserbatibo ni Romero noong una, tutol sa mga progresibong pananaw at paring aktibista. Pero simple ang pamumuhay: nakatira sa bungalow sa isang ospital, tumanggi sa alok na kotse at drayber, ibinukas ang simbahan sa mahihirap.

>> Ilang linggo matapos niyang maging arsobispo, pinaslang si Rutilio Grande, isang paring Heswita, at dalawang iba pa. Pinaslang sila sa bayan ng Aguilares kung saan nag-oorganisa si Grande ng mga manggagawang bukid sa hacienda ng tubo. Kaibigan ni Romero si Grande. Pumunta siya para ipagmisa ang kaibigan, na ang bangkay ay tadtad ng tama ng baril.

>> Dito nagsimula ang pagbabago kay Romero. Nangako siyang hindi dadalo sa mga aktibidad ng gobyerno hangga’t hindi napapanagot ang mga pumatay. Kinansela niya ang lahat ng misa para sa sunod na araw ng Linggo at pinalitan sila ng nagiisang misa alay sa alaala ng mga pinaslang. Mahigit 100,000 katao ang dumalo.

>> Mula noon, tuluy-tuloy na kinondena ni Romero ang panunupil. At lumala pa ang panunupil, lalo na simula 1979 nang ang militar ay magkudeta at humawak sa gobyerno. Umabot sa 300 kada buwan ang magsasakang pinapaslang.

>> Tinawag niyang “kasalanang panlipunan” ang panunupil na ginagawa ng gobyerno at mga naghaharing uri. Ang sermon niya tuwing Linggo, naglaman ng ulat tungkol sa mga dinukot at pinatay, na pinangalanan niya isa-isa. Ginamit niya ang estasyon ng radyo ng Simbahan bilang pangontra sa midya na kontrolado ng gobyerno.

>> Sinuportahan niya ang mga magsasakang nagokupa ng mga simbahan bilang proteksiyon laban sa militar. Nang hindi mapatigil ng presidente ng bansa ang pagpatay sa mga taongsimbahan, itiniwalag niya ito. Nagmisa siya sa mga burol ng mga pinaslang. Personal siyang sumulat kay Presidente Jimmy Carter ng US para ipatigil ang pagpondo sa militar ng El Salvador. Binasa ang sulat niya sa mga simbahan. Binasa rin sa estasyon ng radyo ng Simbahan, na binomba pagkatapos.

>> Noong Marso 23, 1980, ibinrodkas sa buong Central America ng radyo ng Simbahan ang isang oras na pangangaral niya. Sabi ni Romero sa militar at gobyerno: “Nananawagan ako sa inyo, nagmamakaawa ako sa inyo, inuutusan ko kayo, sa ngalan ng Panginoon: itigil ninyo ang panunupil!” Nanawagan siya sa militar na huwag sundin ang mga atas na dahasin ang mga mamamayan.

>> Nang sumunod na araw, sa kanyang misa, habang binabasbasan niya ang alak at tinapay, binaril at pinatay siya ng ilang kalalakihan. Ipinagluksa siya ng mahihirap ng El Salvador. Mahigit 100,000 katao ang dumalo sa kanyang burol.

>> Pero hindi dumalo ang mismong kinatawan ng Vatican sa bansa. Isang obispo lang mula sa buong bansa ang dumalo. Pinabagal nina Pope John Paul II at Pope Benedict XVI,  mga papa na kilalang konserbatibo, ang proseso para maging santo si Romero. Sabi pa ng isang kardinal sa bansang Colombia, hindi tunay na martir si Romero dahil pinaslang siya dahil sa pulitika, hindi sa pananampalataya.

>> Pagkaupong-pagkaupo ni Pope Francis, pinabilis niya ang proseso. Tulad ni Romero, nagsimula siyang konserbatibo, pero namulat sa matinding panunupil sa mga magsasaka sa bansa niyang Argentina. May nagsasabing ang paggawang santo kay Romero ay pagwawasto ng Simbahan sa pagsuporta sa mga diktador. O tangka ng Simbahan na magpabango ng pangalan sa gitna ng maraming akusasyon ng seksuwal na pag-abuso ng mga pari nito.

>> Pinabagal ang pagiging santo ni Romero dahil sa sinisimbolo niya: ang pakikipagkapit-bisig ng mga taong-simbahan sa mga magsasaka, mga nangangailangang kapatid sa pananampalataya, kahit pa ihanay sila ng militar at gobyerno sa mga rebelde. Pero bago pa man siya ituring na santo ng Vatican, matagal na siyang hinahangaan ng maraming taong lumalaban para sa mga inaapi, sa Latin America at buong mundo — nang higit pa sa paghanga sa maraming santo.