Tigil-pasada inanunsyo ng PISTON at NTJPOC

0
277

Mga larawan ni Kate Rica Simple

Inanunsyo ng PISTON (Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide) at NTJPOC (No To Jeepney Phaseout Coalition) kanina ang tigil-pasada at kilos-protesta laban sa PUV modernization program sa Lunes, Marso 19.

Ito ay matapos ganapin ang isang pagdinig sa Senado noong Pebrero 20 at sa Kongreso noong Pebrero 26 at Marso 5 hinggil sa modernization program.

Ayon kay George San Mateo, pambansang pangulo ng PISTON, malinaw umano na “panloloko at panlilinlang” ang sinasabi ng DOTr (Department of Transportation) na walang jeepney phaseout na magaganap. Iginiit ng mga grupo na sinabi mismo ng DOTr at ng LTFRB (Land Transportation and Franchising Regulatory Board) na magsasagawa sila ng phaseout sa 180,000- 200,000 yunit ng jeepney sa taong ito at papalitan ng 170, 000 na bagong yunit. Nagkakahalagang 1.6 million hanggang 1.8 million ang bawat bagong jeepney.

Dagdag pa ni San Mateo, “Ayon mismo sa BOI (Board if Investments) ng DTI (Department of Trade and Industry), hindi kami maaari mismong bumili ng makinang Euro 4 kasi ang gusto sana ng mga operator natin, bibili sila ng makina ng Euro 4 tapos magre-rebuild sila ng sasakyan nila. Ngayon pala, hindi pala pwedeng bumili ng makina na Euro 4, kailangan buong sasakyan. Ibig sabihin, wala pa din kaming pupuntahan kundi bilhin yung nilalako na pagkamahalmahal ng DOTR at LTFRB.”

“Kinaklaro naman namin, hindi naman kontra ang mga operator at driver sa modernization. Ang kinokontra natin, ‘yung phaseout sa jeepney. Ang kinokontra natin, ‘yung palagi nilang ginagawang negosyo itong modernization na magwawasak sa kabuhayan ng mahigit 200,000 small operators at mahigit 600,000 na mga namamasadang tsuper sa buong bansa,” giit ng pangulo ng PISTON.

Lumabas din sa mga pagdinig na hindi sapat ang pondo na inilaan ng gobyerno na Php3 bilyon para sa pagpapautang ayon mula sa Landbank at DBP (Development Bank of the Philippines) at ang kakapusan ng kakayahan ng mga platform manufacturers at body builders na makagawa ng mga bagong yunit.

Pinangunahan naman ng kinatawan ng NTJPOC na si Christopher Delos Lado ang paghingi ng paumanhin para sa mga mananakay na maapektuhan ng transport strike at nais lang nila na magising sa katotohanan ang publiko at ang gobyerno na mayroong umiiral at ipinatutupad na phaseout.

Ayon kay Delos Lado, “Ang purpose ng aming strike ay para mapag-usapan, para marinig ang aming mga hinaing. At para mapag-usapan ng Kongreso, ng Senado, d’yan sa tinatagong katotohanan ng DOTR, LTFRB at LTO [Land Transportation Office].”

Sa huli, muling hinikayat ng PISTON at NTJPOC ang pagkakaisa ang iba’t ibang progresibong grupo at mamamayan sa isasagawang transport strike sa susunod na Lunes.

The post Tigil-pasada inanunsyo ng PISTON at NTJPOC appeared first on Manila Today.