Tiraniya vs kapayapaan

0
214

Tinuldukan na raw ni Pangulong Duterte sa huling pagkakataon ang usapang pangkapayapaan sa rebolusyonaryong kilusan. Samantala, pinalawig na niya ang mga operasyong militar sa buong bansa sa pamamagitan ng Memorandum Order No. 32.

Sa utos ni Duterte, inilabas ni Executive Sec. Salvador Medialdea ang nasabing kautusan na naglalayong magdagdag ng karagdagang armadong tropa sa iba’t ibang probinsiya gaya ng Samar, Negros Oriental, Negros Occidental, at sa rehiyon ng Bikol para sugpuin umano ang mga karahasan.

MO No. 32, pambansang batas militar

Ayon sa Karapatan, grupong pangkarapatang pantao, isang galawang diktador at terorista ang nasabing MO No. 32.

“Ang pagsasailalim ng mga nasabing probinsiya at rehiyon sa ilalim ng state of national emergency base sa mga kuwestiyunableng mga ulat ng mga “karahasan” ay tatak ng galawang diktador, isa sa mga ginagamit ng mga desperadong rehimen gaya ng kay Duterte upang bigyang katuwiran ang pamamaslang, ilegal na pag-aresto at pagkulong, torture, ilegal na paghahalughog, at iba pang krimen na gawa ng Estado laban sa mga mamamayan,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Dahil sa MO No. 32, inaamin rin umano ni Duterte na malakas ang NPA hindi lamang sa Mindanao kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa taliwas sa sinasabi ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na malapit na nilang masugpo ang NPA. Sa katunayan, wala ni isang larangang gerilya sa Mindanaw ang nawasak sa kabila ng deployment ng 75 sa 98 batalyon ng AFP, ayon kay Jose Maria Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Para kay Sison, ang MO No. 32 ay preparasyon para sa pambansang proklamasyon ng batas militar, pananabotahe sa eleksiyong 2019, Charter Change para sa bogus na pederalismo, at pagtatayo ng isang pasistang diktadura gaya ng kay Marcos.

Ayon naman kay Teddy Casiño ng Movement Against Tyranny, ang solusyon ni Duterte sa kahirapan, kawalang pagkakapantaypantay, underdevelopment, at korupsiyon ay hindi lang simpleng pagpapanatili ng kasalukuyang sistema kundi pagpapalala ng kalagayan sa pamamagitan ng paniniil at pagtulak sa diktadura.

“Ang tiraniya ni Duterte ay hindi lamang simpleng pagkakaroon ni Duterte ng reaksiyonaryo at pasistang pag-iisip; hindi rin dahil lang mayroon din parehong pagiisip ang AFP at PNP. Ito ay tungkol din sa gobyerno na bigong tugunan ang mga lehitimong pangangailangan ng mga mamamayan nito at ngayo’y nauuwi sa pag-atake sa sarili nitong mamamayan para protektahan ang kasalukuyang sistema,” ani Casiño.

Dahil umano sa hindi alam ni Duterte kung paano makamtan ang kapayapaan sa bansa, ipinatutupad nito ang panunupil at gera sa bayan, diin ni Casiño.

Atake at paglaban

Sa isang pagtitipon na may temang “Clamor for Peace, Defend Human Rights: A gathering calling for the release of detained peace consultants and the resumption of the GRP-NDFP peace talks” na isinagawa sa Quezon City noong Nobyembre 24, inilahad ng mga nagtataguyod ng usapang pangkapayapaan kabilang na ang Pilgrims for Peace, Philippine Peace Center, at Karapatan ang kalagayan ng karapatang pantao sa ilalim ni Duterte.

Mula noong nagpahayag si Duterte ng interes nito para sa usapang pangkapayapaan noong 2016, marami na sanang signipikanteng tagumpay ang naisulong sa pag-uusap ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) lalo’t higit umano noong ikatlong round nito. Dito binigyang daan ang pagkakaroon ng pagkakasundo sa lalamanin o common draft para sa repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon na laman ng Comprehensive Agreement on Socioeconomic Reforms (Caser) na sasagot sa ugat ng armadong tunggalian sa bansa.

Pero marami ring sinayang ang pag-atras ni Duterte sa usapang pangkapayapaan. Bago pa man ang pormal na terminasyon ni Duterte sa usapang pangkapayapaan noong Nobyembre 23, 2017 sa pamamagitan ng Proclamation 360 at pagdeklara sa CPP-NPA bilang “teroristang grupo” noong Disyembre 5, 2017, hindi natigil ang atake ng Estado sa mga itinuturing na kalaban nito maging ang legal na mga organisasyong masa. Ibinilang din ang pinalayang peace consultants ng NDFP bilang mga opisyal umano ng CPP-NPA, kasama pa ng iba pang 600 indibidwal na walang pagkakakilanlan, na ipinadedeklarang “terorista.”

Maliban sa hindi pagtupad ni Duterte na palalayain ang mahigit 400 bilanggong politikal sa bansa, nagpatuloy ang pag-aresto at pagdukot sa mga aktibista at sinasampahan ng gawa-gawang mga kaso. Kabilang sa mga inaresto nitong huli ang mga kasapi ng NDFP negotiating panel na sina Rafael Baylosis nitong Enero, si Adelberto Silva at apat na kasamahan nito na hinuli sa Laguna nitong Oktubre 15, gayundin si Vic Ladlad na inaresto nitong Nobyembre 8 sa Novaliches, Quezon City.

Para sa mga kaanak at abogado ng mga hinuling consultant, malinaw na itinanim lamang umano ang mga ebidensya gaya ng kay Ladlad na kinakitaan umano ng malalakas ng kalibre ng baril gaya ng M16 at AK-47 na riple na may bayoneta at mga granada na imposible niyang madala dahil sa kaniyang pisikal na pangangatawan at edad.

“Sila (ang peace consultants) po ay patuloy na nag-aambag upang ang ating pamahalaan ay patuloy na maging maka-mamamayan, maka-Pilipino at sinisikap tugunan ang ugat ng armadong tunggalian sa ating bansa. Kung tatanggalin po natin ang mga gawa-gawang kaso sa kanila, sila po ba ay sangkot sa extrajudicial killings dito sa war on drugs? Sila po ba ay sangkot sa mga malalaking kaso korupsiyon sa bansa? Ano pong krimen ang nagawa nila para makatanggap ng ganitong pagtrato sa pamahalaan? Wala po,” ayon kay Rachel Pastores, abogado ng mga bilanggong politikal.

Ayon naman kay Sharon Cabusao, dating bilanggong pulitikal at asawa ni  Silva, kahit na nasa kulungan ang mga bilanggong politikal, patuloy nilang pinag-uusapan at inaaral ang pulitikal na sitwasyon sa bansa. Hindi natatapos ang kanilang mga gawain sa likod ng mga rehas.

Naganap din ang deklarasyon ng batas militar sa Mindanaw na nagresulta sa iba’t ibang kaso ng paglabag sa karapatang pantao at gayundin ang masaker sa Sagay (sa Negros) na kumitil sa buhay ng siyam na magsasaka.

Pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan

Isang palaisipan para kay Sison, kung anong klase presidente meron ang Pilipinas. Dahil ito sa naging pahayag ni Pangulong Duterte nitong Nobyembre 22 sa Tanza, Cavite na hinihikayat ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na bigyan siya ng huling kasunduang pangkapayapaan o final peace agreement na kaniyang pipirmahan pero kailangan muna niyang ipaaprubahan sa militar at pulisya.

Sa sinabing ito ni Duterte, kaniya umanong ipinakita kung gaano siya katakot sa militar at pulis kahit na siya ang commander-inchief. Na tila ang kaniyang otoridad bilang isang lider ay mas mababa kumpara sa otoridad ng military at pulis. Ipinakikita rin umano nito na walang alam si Duterte o ipinakikita nyang wala siyang alam sa proseso ng usapang pangkapayapaan.

Ipinakikita nito kung sino ang totoong seryoso sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP na kumakatawan sa CPP at sa armadong lakas nito na New People’s Army at sa Gobyerno ng Pilipinas.

Ayon kay Casiño, para sa gobyerno ng Pilipinas ang peace talks ay isa lamang paraan para pahintuin, disarmahan, at pasukuin ang rebolusyonaryong kilusan. Tulad umano ng nakaraang administrasyon, ang habol lamang ay pagsuko at pagwasak ng NPA.

“Hindi totoo na umaatras o umaayaw ang NDFP sa ceasefire. Hindi totoo na magkakaroon ng Caser bago magkaroon ng interim ceasefire. Dapat magkasabay iyon. Hindi puwedeng precondition ngayon ang pagtigil sa atake (ng NPA) at pagtigil sa revolutionary taxes,” ayon kay Rey Casambre ng Philippine Peace Center.

Babala ng iba’t ibang grupo na ang nasabing Memorandum Order No. 32 ang daan sa pagsasailalim ng buong bansa sa batas militar at magluluwal sa maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao gaya ng nangyayari ngayon sa Mindanaw at noong panahon ng diktaduryang Marcos.

Pero sa kabila ng mga pag-atake sa karapatan ng mga mamayan at hindi pagtupad ng gobyerno mga una nitong pangako, nananatili pa ring panawagan ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan dahil ang mga naunang napagtagumpayan sa dito gaya ng sa Caser ay marapat pa ring ipagpatuloy kasabay ng paglaban sa dahas ng Estado.