#UniPakCampout | Lileth, extra regular sa pagawaan ng sardinas

0
159

Kabilang sa mga babaeng manggagawang tinanggal ang 42 anyos na si Lileth Salvador.

Aniya, ito ay matapos nilang maghain ng reklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa kaliwa’t kanang paglabag ng sa kanilang mga karapatan ng kumpanyang Slord Development Corp. or Slord, ang prodyuser at distributor ng Uni-Pak Sardines.

Ika-10 ng Mayo, 44 na manggagawa ang biglaang tinanggal, karamihan ay babae, matapos malaman ng management na lumapit sila sa DOLE. Ika-11 nang Mayo naman nang sinimulan na silang harangin sa tarangkahan ng kumpanya at pinagbantaang kapag nagpumilit pang pumasok ay kakaladkarin ng mga gwardiya.

Lagpas tatlong taon na rin niyang binubuhay ang kanyang nag-iisang anak sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa pagawaan na may sahod lamang na P350 hanggang P370, kahit pa ito ay nasa loob ng National Capital Region na nag-uutos na P512 na minimum wage ang ibayad sa mga manggagawa. Hanggang noong Setyembre 2017, nasa P280 hanggang P320 lamang ang sahod nila, mababa rin sa minimum na sahod.

Nagsimula siya sa sahod na P 240 noong 2014, tapos ngayon ay P370 na ang arawang sahod niya bilang ‘extra regular’.

Taga-sort ng mga produkto, nagtatanggal ng mga baho, naglalagay ng mga label at kung minsan pa ay nagkikiskis ng kalawang—ganito ang kanyang naging gawain sa 8 hanggang 12 oras sa loob ng warehouse.

Sa isang episode ng online show ni Kris Aquino na Heart to Heart ay sinabi ng dating tinaguriang Queen of All Media na sa 80% kababaihang nagtatrabaho sa pagawaan ng Uni-Pak Sardines ay porma raw ng women empowerment.

Pero kung ayon kay Lileth, sobrang dami raw talagang nilalabag ng SDC sa kanilang mga karapatan, ngunit tinatago at tinatanggi ito ng management.

Nang mag-inspeksyon ang DOLE sa pagawaan mula noong Agosto 17, sinabihan silang magtago upang hindi sila makita. Kung makikita naman daw ay kailangan nilang sabihing minimum ang kanilang sahod at kumpleto sa benepisyo. Dahil sa takot na mawalan ng trabaho ay sinusunod ng mga kontraktwal na manggagawa ang dikta ng management.

Ngayon, iginigiit ng pagawaan sa DOLE na hindi raw nila tinanggal silang mga manggagawang ngunit,  hindi rin daw nila maibabalik sa trabaho.

Dahil sa laban para sa mas disenteng sahod at mas maayos ng kalagayan sa paggawa, nabuo nila ang Samahan ng Manggagawa sa Slord Development Corp. na tunay na lumalaban para sa kanila dahil ang unyon daw na Nagkakaisang Lakas ng Manggagawa ay unyon ng management at hindi sila tinulungan sa laban nilang ito.

Giit niya pa sa kasalukuyang administrasyon ni Rodrigo Duterte na nangako at patuloy na nangangakong wawakasan ang endo, huwag puro ang isyu sa burukrasya ang pagtuunan ng pansin. Dapat lang daw na pati sila ay mabigyang-pansin sa laban nilang ito.

The post #UniPakCampout | Lileth, extra regular sa pagawaan ng sardinas appeared first on Manila Today.