#UniPakCampout | Tula ng isang manggagawa

0
264

Dati rati kami ay simpleng manggagawa lamang

Manggagawang hangad ay trabaho lamang

Trabaho,  bahay,  trabaho.

 

Sobrang maamo

Sunud-sunuran sa amo.

Takot na pagkatanggal sa trabaho ang matamo.

 

Ngunit aming napagtanto,

Napagtanto na mali ito.

Mali dahil sa sobrang pagka-maamo

Batak sa trabaho,

Mga ako’y sinamantala ito.

Utos doon, utos dito.

Ngunit tamang sahod at benepisyo pinagkait nito

At minsan pa’y nakupitan nito.

 

Kaya kaming manggagawa sa NutriAsia ay nagkaisa

Para matigil na ang pananamantala.

Nagkaisa,  nagsama-sama

Na boses lang ang sandata.

 

Ngunit amo namin ay mayaman

Ginamit ang yaman

Kahit kapulisan ay nasuhulan.

Dinagdagan pa ng mga guwardiyang naglalakihan.

Mga eskerol ay nagdatingan

Anong aming laban?

 

Sinadya nila kami ay kakaunti lamang.

Kami ay kanilang pinalibutan

Kasagsagan ng matinding ulan.

Kahit kami’y nakadapa at walang laban.

Nanginginig sa lamig sa tindi ng ulan,

Para ipagtanggol ang natitira naming karapatan.

 

Kami ay pinaghihila at kung mahila ang aming kasamahan,

Kanilang ihahagis sa kapulisan at pupusasan.

Dumating na nausog kami sa dakong unahan

Mga supporters ay nagdagsaan.

 

Nagkaroon ng tulakan,

Dahil sa pagkuha ng video ng aming kasamahan

Pulis ay nakipag-pukpukan,

Sa arnis niyang hawak

Kasabay ng shield na panangga

Kaya’y baro’t nagliparan.

 

Marami sa aming kasamahan ay duguan,

Sugatan at puno ng pasa sa katawan.

Kahit ang sigaw ay “Sir hindi kami lalaban”

Kami ba ay kriminal?

 

Mali ba na ipaglaban ang natitira naming karapatan?

Karapatan na niyurakan.

 

Para sa amin ito ay hindi mali

Hindi mali na ipaglaban.

Ipaglaban ang karapatan!

At magising sa katotohanan.

 

Kaya aking panawagan,

Manggagawa tayo ay lalaban!

Bunso sa apat na magkakapatid si Marissa L.  Momo.  Tubong Calbayog City,  Western Samar ay nakipagsapalaran siya sa Bulacan sa pag-asang mas makakatulong siya sa kaniyang pamilya kung dito maghahanapbuhay.

Mula September 2008 ay kontraktwal na si Marissa sa NutriAsia bilang isang labeler ng mga export vinegar sa porma ng piece rate na sahuran.  Taon taong pinapapirma ang mga manggagawang tulad niya sa isang kontratang hindi ipinaliwanag sa kanila ang laman at wala silang pagkakataong alamin ito dahil mabilisan ang pagpapapirma pagtapos ng kanilang General Assembly.

1.75 pesos sa kada isang kahong bote ng export vinegar ang ibinabayad sa kanila. Mano-mano nilang idinidikit ang pangalan at nutri facts ng mga produktong ito.  Ang kanilang kabuuang sahod kada araw ay depende sa bilang ng kahon ng produktong ibabagsak sa kanila.

Ngunit nitong September 1, 2017 ay bigla na lang daw silang hindi pinapasok ng mga gwardiya ng NutriAsia kasama ang onse pang nasa Labeling Department dahil sa ‘di umano ay wala na silang schedule ng trabaho sa pagawaan.

“Bigla na lang kaming ‘di pinapasok ng mga mga guard,  nawalan daw ng schedule tapos ang sabi ng B-MIRK management decision lang daw.  Nag iyakan na kami kasi ang tagal na namin do’n, e” ani Marissa.

Nagsampa sila ng kaso sa DOLE dahil sa illegal dismissal at isinama na rin nila ang hindi pagbibigay ng13th month pay,  Service Incentive Leave (SIL)  at holiday pay.

Habang iprinoproseso nila ang kaso ay hindi nila pinabayaan ang kanilang mga kasamahan sa loob ng pagawaan at naglunsad ng mga seminar katulong ang Workers Movement for Change at iba pang mga sektor upang mailahad ang mga lehitimong karapatan ng bawat magggagawa.

Ngunit sa takot ng NutriAsia na dumami ang mga miyembro ng unyon ay gumawa sila ng iba’t ibang porma ng “union busting” tulad ng pag-aalok ng mas mataas na sahod at posisyon kapalit ng pagpirma na hindi sila kailanman sasali sa anumang unyon.  Ngunit hindi pumirma ang mga manggagagawa at sa halip ay nagsagawa pa sila ng noise barage bilang protesta sa pagkakatanggal sa kanilang mga kasamahan.  At bilang ganti dito ay tinanggal ang mahigit 70 manggagawang sumali sa protesta.

Ito ang nag udyok upang magfile ng isang notice of strike ang mga manggagawang iligal na tinanggal. At  sa ikalawang linggo ng kanilang strike ay nagpadala na ng mga kapulisan ang kompanya kasama ang mga gwardiya at eskerol upang buwagin ang piketlayn ng mga manggagagawa.

Si Marissa Momo ay isa lamang sa napakarami pang manggagagawa ng Nutri Asia at ng ibang naglalakihang pabrika at pagawaan sa buong bansa na pinagsasamantalahan at niloloko sa iba’t ibang paraan upang kumamal ng mas malaking tubo sa negosyo.  Hangad lamang niya ay isang disenteng trabaho at sahod na pupuno sa pang-araw-araw na gastusin niya at ng kaniyang pamilya.

The post #UniPakCampout | Tula ng isang manggagawa appeared first on Manila Today.