Martial Law sa Mindanao | Mabuting mamatay na may ipinaglalaban

0
343

“Mabuting mamatay ka na nandyan sa katarungan at hustisya ng bayan.”

Ganito sinalag ni Carlos Trageya nang sabihan siya ng mga militar na babarilin siya kapag ipinagpatuloy niya ang katigasan ng kanyang ulo at magpumilit na hindi sumuko.

Para sa kanya walang dahilan upang sumuko, dahil naniniwala siyang walang kasalanan ang kanyang paglaban. Isang aktibong lider-magsasaka ng Kilusang Mambubukid ng Pilipinas (KMP) si Carlos.

Sa ngayon, pangunahing kampanya nila ang panawagan ng mga biktima ng Bagyong Pablo. Dahil hanggang ngayon daw ay marami pa ring walang masilungang bahay partikular na ang mga Agri Workers, mula nang humagupit ang bagyo sa kanilang probinsya. Inaangkin pa raw ‘di umano ng mga Local Government Unit (LGU’s) ang mga bahay na dapat ay para sa mga biktima.

Bukod pa sa suliraning ibinigay ng unos na ito, dumadagdag pa sa problema nila ang mga militar.

Patuloy raw ang mga itong nanakot at nanghaharass sa kanilang lugar, lalo na sa mga lider magsasaka. Isa pa nga raw na miyembro ng Compostela Farmers Association ang pinaslang ng Military Intelligence Batallion (MIB).

Ayon pa kay Carlos, mismong ang MIB daw ay umaming sila ang pumatay dito. Dumoble pa ang kapangyarihan ng mga militar nang magdeklara ang kasalukuyang administrasyon ng Batas Militar sa buong Mindanao. Pangunahing target nila ang mga lider ng mga iba’t ibang organisasyon. Halos buwan-buwan daw ay hindi na bago ang balitang mayroon na namang pinatay sa hanay ng mga aktibista. Hinuha nila, kaya raw pilit na umaabante ang hukbo ng gobyerno sa Mindanao ay upang protektahan ang mga dambuhalang mga minahan, gaya na lamang ng Agusan Mining Corp.

Ayon sa Karapatan, 80 sa 126 na kaso ng pampulitikang pamamaslang ay nanggagaling sa Mindanao. Kasama dito ang 9 kaso sa Northern Mindanao; 10 sa Caraga; 13 sa SoCSKSargen; 28 sa Southern Mindanao; at 10 sa ARMM.

Karamihan ng mga biktima ay mga magsasaka at katutubo. Sa ilalim ng kontra-insurhensyang programa ng gubyerno na Oplan Kapayapaan, pinaparatangan ang mga magsasaka at katutubo na mga myembro o tagasuporta ng New People’s Army.

Patuloy umanong siyang titindig sa kabila ng mga bantang ito. Dahil ang tanging isinisigaw lang naman nila ay katarungan, hustisya ng mamamayan, pigilan ang pagkawasak ng kalikasan,proteksyon sa mga katutubo at lupang bubungkalin para sa mga magsasaka.

The post Martial Law sa Mindanao | Mabuting mamatay na may ipinaglalaban appeared first on Manila Today.