7 tips paano maging bilyonaryo ngayong pandemya

0
209

Sept 6, 2021, Rappler.com (Editorial)

Step 1. Maglagay ng kahit kalahating milyon lang sa bangko bilang kapital. Kahit kakarampot ang kapital mo, basta may koneksyon, ayos! 

Step 2. Tiyakin mo lang na hindi mabalitaan ng mga taga-Pilipinas na wanted ka pala dahil sa financial fraud sa ibang bansa tulad ng Taiwan. 

Step 3. Dapat sanggang-dikit mo ang isang negosyanteng matinik – halimbawa, isang Michael Yang – na matagal nang kaibigan ng isang politiko at tumulong dito noong eleksiyon.

Step 4. Hindi ka na kailangang maghirap mag-scale up at sumabak sa ibang malalaking kontrata. Kalimutan na ‘yang innovation. Kailangan lang ay koneksiyon.

Step 5. Hindi mo kailangan magpakahirap maging tunay na supplier – ‘yun bang ikaw ang magpo-produce ng finished product. Mag-middleman ka na lang – bili ka ng gamit sa Tsina nang mura, ibenta mo sa Pilipinas nang may patong! (Sa totoo lang, puwede namang dumiretso ang Pilipinas sa Tsina sa pamamagitan ng government-to-government deals.) Kaya nga dapat matindi ang konek!

Step 6. Dapat din ay na-appoint ang isang mag-fa-facilitate ng transaksiyon sa loob ng budget department – halimbawa ang dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) undersecretary na si Lloyd Christopher Lao. Siya ang magbubulag-bulagan sa hindi pagiging wagas ng pagka-legit mo. Dahil sa Pilipinas, para mag-qualify makapag-bid sa isang proyekto ng gobyerno, kailangang maipakita ng kompanya mong nakakompleto ka na ng kahawig na project na di bababa sa 50% na halaga ng bini-bid mo ngayon.

Step 7.  Huwag na magbayad ng tamang taxes. Hanap na lang ng konek para makalusot dito.

Ang ‘enabler’?

Tandaan natin, hindi ito mangyayari kundi dahil kay Lao na appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte. Dati siyang sidekick ng pinakasikat na sidekick – si pambansang photobomber Senator Bong Go.

May mga nagsasabing hindi raw ito pruweba na sangkot si Duterte at Go. Napaka-naive naman kung naniniwala tayo sa palusot na ito. Na-expose na si Lao sa kalakaran sa Palasyo kung saan ang boss niya ang pangalawang pinakamakapangyarihang opisyal sa bansa dahil lahat ng gustong kumausap sa Pangulo, dumadaan sa kanya. 

Siguro’y alam na niya kung gaano ka-rewarding ang maging malapit sa kapangyarihan, at gaano ka-rewarding ang pumabor sa mga taong maaaring magbalik ng pabor?

Sabi ni Lao, nag-apply siya sa puwestong PS-DBM undersecretary at sinuwerte. Hindi ito binili ng mga senador na nagsabing hindi naman na-a-appoint ang isang tao sa maselang puwestong may hawak ng susi ng kaban ng bayan nang ganoon-ganoon lang. 

Hindi ba’t si Lao ang enabler? Ang insider? Hindi ba siya ang mahalagang kawing sa network ng shady deals? 

Ang pagador

Lalong lumilinaw ang network ng katiwalian kapag ipinasok mo sa equation si Michael Yang. Si Yang ang Chinese na namimigay ng calling card na nagsasabing isa siyang Presidential Adviser kahit labag sa batas na mag-appoint ng adviser na hindi Pilipino. 

Si Yang ang iniugnay sa drugs pero mabilis na inabsuwelto ni Duterte dahil paano raw naging drug dealer ang konektado sa mga opisyal ng People’s Republic of China?

“Pagador” ang tawag ni Duterte mismo kay Yang na ibig sabihin ay paymaster. Sa mundo ng pailalim ng mga negosasyon, ang pagador ang tagabigay ng pabuya o kickback. 

Si Yang ang pagador na nasa gitna ng network na kapit-tuko sa Malacañang. Sanggang-dikit niya ang majority shareholder ng Pharmally Pharmaceutical, ang Singaporean na si Huang Tzu Yen at magkakaugnay ang bituka nila sa pamamagitan ng network ng ilang korporasyon.

Si Yang ang konektor na nagdala sa tatay ng Singaporean na si Huang sa Malacañang sa isang meeting na dinaluhan ni Duterte.

‘Premeditated plunder’

Ilan pang Lao ang nakapuwesto sa gobyerno? Ilan pang Yang ang nakaambang maging bilyonaryo sa laway lang at kakarampot na seed money?

Sabi ni Senator Frank Drilon, ang pagbibigay ng kontratang bilyones sa pinapaborang mga supplier ay maaaring maging kaso ng “premeditated plunder.”

Kung merong Janet Napoles noon na kumita sa pork barrel at mga koneksiyon, meron namang Pharmally ngayon. Si Napoles ang reyna ng mga pork barrel scam – ang maanomalyang paggamit ng discretionary development funds ng mga senador. Kapalit ang kickback para sa mga taga-Kongreso, hinigop ng mga pekeng non-governmental organization ni Napoles ang tinatantiyang P10 bilyong pondo.

Kung susundan natin ang alingasaw ng mga bulok na kasunduan, kung susundan natin ang money trail, dadalhin tayo sa isang kalye sa distrito ng San Miguel sa Maynila. Doon nakatayo ang isang palasyo sa tabi ng mabahong Pasig River.

Ang pinakamasaklap, nangyayari ito sa panahon ng pandemya. Kumikita ang mga korap sa ibabaw ng bangkay ng libo-libong Pilipinong namatay sa pandemya.

It all makes sense. Kaya pala palpak ang paglaban sa COVID-19. Kita ang inuna, hindi ayuda. – Rappler.com