Ang maikli’t mabuting halimbawa ni Jo Lapira

0
278
(Basahin ang una sa serye: Pagbawi ng nasawi sa Nasugbu)

Wala pang isang buwan pero nahulog agad ang loob ni Ela. Sa mga kasama. Sa lugar. Sa mga bata. Sa mga gawain. Andami niyang kuwento. Gusto niyang ikuwento sa mga kaibigang naiwan sa Maynila. Gustong ikuwento ni Ela kay Emil.

Araw-araw sinulatan ni Ela si Emil. “Ang hirap makahanap ng panahon para sulatan ka,” ani Ela, noong Agosto 8, unang linggo niya doon. Pero gusto, kaya nagagawan ng paraan. Nakapagsulat siya noong Agosto 10 habang nakatayo at nagtuturo sa mga bata. Nakapagsulat siya noong Agosto 13, kahit bawal ang malakas na ilaw sa kampo, at kinailangan niyang ibalot ng malong ang flashlight na kagat-kagat niya para makita ang sinusulat. Nakapagsulat siya noong Agosto 14 habang nakaposte. At noong Agosto 16, habang nasa gubat para makaiwas sa “kaaway” (militar), nakapagsulat din siya.

“Kagabi ay literal nang muntik akong mamatay kung hindi pa ako sinagip ng kalikasan at ng mga kasama. Naka-mobile kami, at may bababaan sa gubat,” sulat niya kay Emil noong Agosto 17. “Malambot ’yung lupa at gumuguho habang inaapakan. Matarik din at malalim. Nung pababa na ako, nadulas at na-slide pababa. Huhu.”

Noong Agosto 20, tinuruan siya ng arnis. Tinuruan siyang umagaw ng baril at iba pang pagdepensa sa sarili. “Lagi nilang sinasabi na mataray ako. Haha. Dahil nagpupuna ako palagi sa macho nilang joke o pahayag. May isang kasama pa dito na nagdrowing ng malaswang picture ng babae! Nasungitan ko talaga sila lalo’t walang umamin tas nakangisi pa. Pero nagpuna rin naman (sa sarili) yung gumawa kaya okay na.”

Bawat sulat, nagwakas sa “Mahal kita!”

Pero hindi napadala kay Emil ang mga sulat. Nasa pag-iingat ito ni Ela noong nasawi siya kasama ang 15 iba pa sa sinasabing engkuwentro raw ng mga gerilyang New People’s Army (NPA) at mga sundalo ng Philippine Air Force noong Nobyembre 28. Ayon sa militar, si Ela raw ay si Josephine Anne “Jo” Lapira, 22, estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila.

Inilabas ng militar sa publiko ang mga liham. Ang gusto nitong mensahe: Huwag tularan ang batang sinayang ang buhay. Sa isang Facebook Page ng militar, pinaskil ang mga sulat. Panakot ba.

Pero lalong nagkaroon ng buhay sa sinumang magbabasa nito si Ela—o Jo, kung totoo man ang sinasabi ng militar. Nagkaroon ng dahilan ang desisyon ng 22-anyos na estudyante na mamundok at magrebelde. Hindi inaasahan ng militar, pero pinatunayan ng mga liham na hindi “brainwashed” si Jo, kundi kusang nagdesisyon, kusang nakita ang katuturan ng pagrerebolusyon. Kusang nakita ang kalagayan ng mga magsasaka, ang pagpapabaya ng Estado sa kanila, ang epekto ng karalitaan sa mga bata.

Sa mga sulat, “nagtitimbang” si Ela/Jo kung magtutuluy-tuloy na siya o babalik pa ng Maynila. Pero kuwento ng mga kaibigan niya, di nagtagal matapos maisulat ang mga liham na ito, nagdesisyon na si Ela/Jo. Pagtuntong ng Setyembre, doon na siya sa kanayunan mamumuhay, maninirahan at kikilos.

Imahe ng isa sa mga sulat ni Ela kay Emil na ipinaskil ng militar sa isa sa mga pahina nito sa Facebook.

Imahe ng isa sa mga sulat ni Ela kay Emil na ipinaskil ng militar sa isa sa mga pahina nito sa Facebook.

* * *

“Mabilis siyang matuto,” kuwento ni Annie (di-tunay na ngalan), kaibigan, kasamahan sa Gabriela-Youth sa UP Manila. Siya rin ang nagrekrut kay Jo sa nasabing organisasyon ng kababaihang kabataan. “Noong gusto niyang matuto ng ukelele, inaral niya. Studious si Ela.” Magaling din siya sa Math.

Taong 2012 pa raw narekrut sa Gabriela-Youth si Jo. Nagkaroon ng diskusyon hinggil sa karahasan laban sa kababaihan sa kanilang organisasyon sa UP Development Society. “Mahilig siya sa purple,” kuwento pa ni Annie. “Bukod sa may pagka-feminist talaga.” Marahil, may kinalaman din dito ang pagtatapos niya ng hayskul sa St. Scholastica’s Academy sa Marikina. Doon pa lang, nakita na niya ang halaga ng paglaban para sa karapatan ng kababaihan.

Pero tiyak na hindi naging madali para sa tulad ni Jo ang maging aktibista. Diumano’y anak siya ng isang accountant sa isang multinational corporation. “Naghaharing uri. Malaking burgesya-kumprador,” ani Annie. “Mataas ang burgis na pamumuhay. Weekly, nagkakape nang sosyal, (umiinom ng) milk tea, (kumakain ng) cheesecake. Pangarap nilang magkakaibigan noon na kainan ang lahat ng restaurants sa Robinson’s Manila bago sila gumradweyt.”

Malumanay magsalita si Jo. “Yung tumatabingi talaga yung (dila). Tapos Inglesera siya. Bulul siya sa (pagbigkas ng) Gabriela-Youth. Hindi niya mabigkas ang ‘r’ sa Gabriela. Puro ‘l’,” natatawang naalala ni Annie. Kaya nang masabak si Jo sa room-to-room na pagpapaliwanag hinggil sa iba’t ibang isyung panlipunan, sa bandang dulo inilagay ang tungkulin ni Jo. “Para humingi ng donations at magrekrut,” ani Annie.

Epektibo siya. Dumami ang rekrut sa Gabriela-Youth. “Mga kikay sila, maliliit, cute,” kuwento pa ni Annie hinggil kay Jo at mga ka-batch niya noon. Hulyo 2013, unang beses nakalabas si Jo sa UP Manila—para sa programang Tulong-Eskuwela sa mga bata sa Smokey Mountain sa Tondo, Manila. “Noon, ang naisip pa niya, tatapusin niya ang pag-aaral para makatulong,” sabi pa ni Annie. Kalaunan, lumipat siya ng kurso, mula Development Studies, nag-enrol siya sa kursong Biochemistry dahil gusto niyang maging doktor.

Taong 2015 nang mahimok siyang tumakbo sa student council bilang kinatawan ng College of Arts and Sciences. “Siya ang may pinakamalaking nakuhang boto sa kasaysayan ng CAS. Kaya source of pride niya iyun,” ani Annie. “Gabriela-Youth lang ang makinarya niya. Pero nanalo siya dahil din sa kanyang katangian na mapagkaibigan, sociable.” Sa konseho, mabilis siyang natuto sa mga isyung pampulitika.

Matapos ang tungkulin sa konseho, tila naghahanap na si Jo ng mas malalim na komitment. Hunyo 2017 na noon. “Nawala siya nang tatlong araw. Nag-deactivate ng Facebook,” kuwento pa ni Annie. “Pagkatapos, nagpakita sa amin, humihingi ng pasensiya. Nag-isip-isip daw siya. Ayaw na niyang mag-aral. Gusto na niyang kumilos bilang buong-panahon o full time na organisador ng Gabriela-Youth. Kaya kumuha siya ng gamit sa bahay, nag-iwan ng sulat sa mga magulang at nagpalit ng cellphone number.

“Hindi pa siya nakaranas noon ng dispersal sa rali. Wala siya tuwing may gitgitan,” kuwento pa ni Annie. Kaya magkasabay na nagulat at natuwa sila sa desisyon ni Jo.

Pero pakiramdam ni Jo, may mas malalim pa siyang maiaambag. Walang isang buwan, nagpaalam muli siya sa mga kasamahan. Gusto niyang makipamuhay sa mga magsasaka, makita ang kanilang pakikibaka, ang kanilang rebolusyon.

Mabilis ngang matuto si Jo.

Si Jo, sa isa sa speaking engagements niya bilang bahagi ng Gabriela-Youth. Larawan mula sa Facebook page ng <b>Gabriela-Youth</b>” width=”960″ height=”720″></p>
<p class=Si Jo, sa isa sa speaking engagements niya bilang bahagi ng Gabriela-Youth. Larawan mula sa Facebook page ng Gabriela-Youth

* * *

Kung pagbabatayan ang mga paabot niya sa naiwang mga kaibigan sa eskuwela, isang buwan pa lang si Jo sa piling ng mga magsasaka sa Batangas nang magdesisyon na siyang doon na siya sa kanayunan mamuhay—bilang rebolusyonaryo.

Lampas tatlong buwan matapos makarating ng Batangas, nasawi si Jo at ang 14 na iba pa.

May ipinasang bidyo sa Pinoy Weekly ang isa sa mga kaibigan niya. Galing daw ito sa isang kakilala na miyembro ng isang kapatirang may miyembrong militar. Tumanggi nang sabihin ng kakilala kung saan niya nakuha ang bidyo. Ang bidyo, kuha sa pinangyarihan ng “engkuwentro.” Doon nakita ang mga diumano’y rebelde, bulagta sa kalsada. Ang isa, dumidilat pa, hawak ng isang rumesponde ang ulo. Naririnig sa background: “Iyan ba si Ela?” Oo raw. Lumalabas sa bidyo, natanong o nainteroga na sa puntong iyon si Jo. Kaya nabigay pa niya ang kunwa’y pangalan na “Ela Rodriguez.”

Sa isang Facebook Page na pinamagatang “Legal Army Wives,” pinaskil naman ang wala-nang-buhay na larawan ni Jo. Nananakot ang post. Huwag daw kasi paloloko sa mga organisasyong katulad ng nilahukan ni Jo sa UP Manila.

Sa midya noong Nobyembre 29, sinabi ni Maj. Engelbert Noida, kumander ng 730th Combat Group ng Philippine Air Force na nagsagawa ng operasyon kontra sa mga rebelde, na tinakbo raw ng mga militar si Jo papunta sa ospital noong gabi ng Nobyembre 28. Pero binawian na siya ng buhay kinabukasan, umaga ng ika-29. Kung titingnan ang larawan sa “Legal Army Wives,” gayunman, masasabing nasa kalsada pa lang si Jo nang mawalan siya ng buhay.*

Sinabi rin ni Noida at sa mismong pampublikong mga pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tinakbo ng mga sundalo si Jo papunta sa ospital ng Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas. Doon na raw si Jo binawian ng buhay. Mahigit dalawang oras ang layo ng Lipa sa pinangyarihan ng engkuwentro sa Nasugbu. Samantala, sa mismong Nasugbu, mayroong di-bababa sa limang ospital. Bawat isa rito, di-hamak na mas malapit kaysa sa Fernando Air Base.

Nang mapanood ang bidyo, malinaw para kay Annie ang nangyari: “Na-interrogate pa siya. Alangan namang alam na ng militar ang pangalan niya [Ela]. Bagu-bago pa lang siya doon.”

Bagung-bago pa lang, pero dinakila na siya—ng mga kaeskuwela niya sa UP Manila, ng mga Student Council sa buong UP System na naglabas ng resolusyon kamakailan na nagpaparangal sa kanya, ng iba’t ibang organisasyong progresibo, ng mismong rebolusyonaryong kilusan na kinabilangan niya sa maikling panahon. “Tinahak ni Jo ang landas na minsang tinahak nina Edgar Jopson, Lean Alejandro, Wendell Gumban at marami pang iba. Hanga tayo sa kanyang katapangan, at inspirasyon sa atin ang kanyang pagpursiging lisanin ang mga ginhawa ng buhay-burgis, gaano man kahirap ito,” pahayag ng Katipunan ng mga Sangguniang Mag-aaral sa UP o Kasama sa UP, sa wikang Ingles noong Disyembre 1.

Para sa kanila, dakila ang hangarin ni Jo na maglingkod at makipamuhay sa mga magsasaka ng Batangas. Maikli ang panahon, pero ganun din naman si Jo—sa maikling panahon, mabilis na natuto, mabilis na nakapag-ambag, mabilis na tumatak.

“Sobrang saya rito. Sa kabila ng pagod, mga dapa at pasa, init sa umaga at lamig sa gabi, dito ko lang naramdaman ang saya ng pagrerebolusyon,” sinulat ni Ela kay Emil noong Agosto 17. “Marami pa akong gustong gawin at matutunan dito.” Hindi na tumagal si Jo para tumangan at matuto ng iba pang gawain. Pero sa kanyang pagyao, may ginagampanan at tinuturo siya sa maraming nakakaalam ng kuwento niya: ang mabuting halimbawa ng pag-ibig at paglilingkod.


*Dahil dito at sa ilan pang detalye na nakakapagbigay-duda sa bersiyon ng militar sa pangyayari, nanawagan ang Gabriela ng independiyenteng imbestigasyon—kung may nalabag ang mga sundalo na karapatang pantao ng mga nasawi. Kahit pa sabihing mga rebelde sila, sumusunod dapat ang mga operasyong militar sa International Humanitarian Law. Nakasaad dito na hindi na dapat sinasaktan o pinapatay ang mga combatant na hors de combat na, o wala nang kakayahang lumaban. Obligado ang katunggaling armadong puwersa na bigyan ng atensiyong medikal ang mga sugatang hors de combat.