Pagharang sa Train

0
245

“Puro kangkong na lang bibilhin ng mga namamalengke.”

Linggu-linggong namimili si Aling Nene sa palengke ng Tandang Sora sa Quezon City. Nagluluto siya sa bahay para sa pamilya, pero nagluluto rin para sa mga katrabaho sa isang opisina ng NGO sa Quezon City. Tulad ng maraming namamalengke, pansin niya ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin pagtuntong ng Enero ngayong taon.

“Umabot sa P220 na ang baboy. Ang nagtaasan talaga, mga gulay,” ani Aling Nene. Iyung dating itinuturing na pagkain ng mahihirap—gulay at mga isdang katulad ng galunggong—napansin niyang grabe ang itinaas.

Madali namang matanto ang dahilan ng mga pagtaas. Nagtaasan kasi ang mga produktong langis pagtuntong ng Enero ngayong taon. Ang petroleum, tinatayang P8 kada litrong dagdag-presyo ang itinaas. Ang deisel at kerosina naman, nagtaas ng P2.50 hanggang P3 kada litro. Tumaas naman ng piso kada litro ang LPG.

Kung kaya, pansin ni Aling Nene na iyung mga namamalengke na kapos ang badyet, mas madalas na bumibili na lang ng kangkong—na nagkakahalagang P10. “Grabe ang itinaas ng pipino. Ganun din ang ampalaya.” Siyempre, nagmahalan din ang dati nang mas mahal na mga gulay tulad ng broccoli.

Sagasa ng Train

Ang salarin, siyempre, ay ang pagpatas ng excise tax (o buwis sa paglikha ng mga produkto) na iniutos ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law, o ang Republic Act No, 10963.

Maliban pa sa excise tax sa langis, nagpapataw rin ang Train Law ng excise tax sa mga produktong may asukal at high fructose corn syrup (tulad ng softdrinks at iba pang matatamis na inumin). Nagpapataw rin ito ng dagdag-buwis sa estate, donor at documentary stamp tax. Samantala, dineklara naman ang exemption o hindi pagbubuwis sa mga sumasahod ng P250,000 pababa kada taon (o P20,833 pababa kada buwan).

Nauna nang ibinunyag ng blokeng Makabayan ang pagragasa ng administrasyong Duterte sa mga proseso ng Kongreso (tulad ng presensiya ng quorum o simpleng mayorya sa botohan) para ipasa ang Train Law noong Disyembre 2017. Nakadagdag ito sa suspetsa ng mga mamamayan na ayaw pagdebatehan ng administrasyon ang Train dahil malinaw na matindi ang epekto nito sa mga mamamayan—magsisitaasan ang presyo ng mga bilihin.

Dahil sa mga agam-agam ng publiko, nag-isponsor kamakailan ang mga organisasyong estudyante, sa pangunguna ng UP Praxis sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman ng porum hinggil sa Train Law. Sa porum na ito, nakumbida ang Department of Finance (DOF)—na siyang pangunahing tagapagtaguyod ng Train Law, sa suporta siyempre ni Duterte—para magpaliwanag.

Isang technical assistant to the undersecretary lang ang dumating. Isang Jayson Lopez ang nagsalita, at inilarawan niya ang mga pagtaas ng presyo ng mga bilihin bilang moderate” o katamtaman lang. Ang sabi pa niya, madali namang makakaagapay ang mga manggagawa sa pagtaas na ito dahil “90 porsiyento ng minimum wage earners” ay makakauwi ng mas malaking take home pay gawa ng exemption o di kaya’y mas mababang income tax.

Aniya, ayos lang ito, dahil ang kapalit naman ay dagdag na badyet para sa “mga serbisyong panlipunan.” Tampok sa mga serbisyong babadyetan: ang programang Build! Build! Build! ng rehimeng Duterte, o ang planong pagtatayo ng malalaking imprastraktura tulad ng dagdag na mga kalsada, sistema ng tren, paliparan, at iba pa.

Di-totoong paratang

Sa naturang porum, buung-buong pinabulaanan ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, ang sinabi ng kinatawan ng DOF.

(Ang Ibon Foundation ay isang kilalang independiyenteng institusyon na masusing nag-aaral ng mga isyung pampulitika at pang-ekonomiya mula sa punto-de-bista at kapakanan ng ordinaryong mga mamamayan.)

Unang una, ani Africa, malinaw na hindi katamtaman o moderate lang ang epekto ng dagdag-presyo ng mga bilihin sa ordinaryong mga mamamayan. “Sa mayaman, halimbawa, walang halaga sa kanya ang P1,000. Pero sa mahirap (napakabigat nito),” aniya. Ang batayang problema ng Train Law, ani Africa, ay hindi ito nakabatay sa aktuwal na reyalidad ng Pilipinas—kung saan mayorya ng mga mamamayan ay naghihirap, walang trabaho o kundi ma’y may mababang sahod sa trabaho o walang regular na trabaho.

Sinusugan ito ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Sa naturang porum din, sinabi niyang malinaw sa datos noong 2017 hinggil sa lakas-paggawa ng bansa na karamihan ng manggagawang Pilipino ay naghihirap na—wala pa mang Train Law.

“Sa datos noong 2017, labor force ay 61.1 milyon. Sa loob nito, 38 milyon ang nakaempleyo. Sa nakaempleyo, 24.6 milyon ay pawang mga kontraktuwal,” ani Adonis.

Sa mga manggagawang nakaempleyo, aniya, tinatayang aabot lang sa 46 porsiyento ang sumasahod ng minimum wage: sumasaklaw mula P255 kada araw (para sa agricultural workers) sa Autonomous Region for Muslim Mindanao o ARMM (na may pinakamababa), hanggang P512 kada araw (para sa nonagricultural workers) sa National Capital Region o NCR (na may pinamakataas).

54 porsiyento ang hindi sumasahod ng minimum,” dagdag pa ni Adonis. “At karamihang (empresa), kahit minimum wage, vina-violate.”

Kahit pa hindi nagbabayad ng income tax ang mga manggagawa na sumasahod ng P250,000 kada taon pababa (malinaw, ito ang mayorya), malinaw umanong malaki ang ikinakapos ng minimum na sahod sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga manggagawa.

“Karamihan sa mga manggagawa, nangungupahan (ng bahay),” paliwanag ni Adonis. Kaya, sabihin na nating nagrerenta ang isang manggagawa na sumasahod nang minimum at may pamilya ng P2,000 sa bahay kada buwan. “Ang buwanan na mga bayaran: ang tubig, sabihin na nating P300. Sa kuryente P500.”

Sa pagkain, sabihin na natin sa pamilyang anim ang miyembro, hindi ko alam kung katanggap tanggap ‘yung P100 per head per day,” aniya. Kung kaya, sa P600 kada araw, sa loob ng 30 araw—mahigit P18,000 kada buwan ang gastos.” Malinaw na kapos na kapos ang minimum na sahod na P512 kada araw o P13,312 (sahod sa 26 na araw sa isang buwan).

Wala pa riyan ang gastos sa pamasahe, gastos sa mga serbisyong panlipunan tulad ng pagpapaaral sa mga anak.

“Kaya nga, marami sa mga manggagawa, sinasanla na ang mga ATM card nila,” sabi pa ni Adonis.

“Nag-uusap tayo rito na wala pang Train Law,” sabi pa niya. “’Yan din ang nagpapaliwanag kung bakit marami sa mga manggagawa, hindi nanakakapagaral ang mga anak. At kung may nagkakasakit, hindi makapagpagamot. malnourished ang mga anak.”

Hindi sa serbisyo

Kinatawan ng Department of Finance, si Jayson Lopez, sa porum hinggil sa Train Law sa UP kamakailan.

Kinatawan ng Department of Finance, si Jayson Lopez, sa porum hinggil sa Train Law sa UP kamakailan.

Pero sabi ng DOF, para naman sa serbisyong panlipunan ng mga mamamayan ang Train Law. Totoo ba ito?

Pinabubulaanan ito ni Africa. “Sa 2018 (General Appropriations Act, o ang taunang badyet ng gobyerno), ang pinakamataas na pagtaas ay sa imprastraktura. Tama ba na sinasabi nila na para sa mga serbisyong panlipunan ang Train kung 69 porsiyento ng badyet sa pabahay ay binawasan? (Umabot sa) 5.2 porsiyento lang ang itinaas sa social welfare na katulad noong nakaraang taon? (Umabot sa) 6 porsiyento lang ang itinaas sa edukasyon—pangunahing para sa mga sahod pa at hindi sa pagpapalawak sa mga eskuwelahan natin? (Umabot sa) 9 porsiyento lang ang dagdag sa kalusugan?”
Katunayan, ani Africa, binawasan pa ang badyet ng mga pampublikong ospital nang P1.5-Milyon. Ang preventive health program naman ay tinanggalan ng P16.7-M.

Pansinin din ang mga programang Build! Build! Build! ng rehimeng Duterte. Nakasentro ang mga flagship na programang pang-imprastraktura sa dati nang mayayamang probinsiya, ani Africa, at hindi sa pinakamahihirap na mga probinsiya.

“Lumalabas,” aniya, “na iyung nagbabayad para sa mga proyektong ito (mga mahihirap) ay hindi makikinabang dito.”

Kung kaya malinaw na hindi para sa mga manggagawa at mahihirap ang makokolekta mula sa Train Law. Sa kabilang banda, dahil sa pagbaba ng sinisingil sa income tax dahil sa batas na ito, lalaki ang income ng mga maalwan na sa buhay—o ang mayayaman.

Malinaw, ani Africa, na ginawa ang Train Law para padaliin ang pangongolekta ng gobyerno ng buwis sa mahihirap. “Nakakakita tayo ng pagpihit mula sa direktang income taxes tungo sa consumption taxes (o buwis sa mga ginagastos). Takot ang gobyerno at mga mambabatas na taasan ang buwis ng mga mayayaman. Mabubuwisan din kasi sila personally, at ang kanilang backers (sa naghaharing uri), hindi na susulpot sa susunod na eleksiyon (kung bubuwisan ang mga iyon.”

Pero ang pagdagdag mismo sa buwis ng mga may grabeng yaman na mula sa naghaharing uri ang dapat gawin ng gobyerno, ani Africa.

Sa unang pagkakataon, nagsama-sama ang iba't ibang grupo ng paggawa tulad ng Kilusang Mayo Uno, Federation of Free Workers, Trade Union Congress of the Philippines, at Nagkaisa, para makipagdiyalogo kay Pangulong Duterte at igiit sa pangulo na lagdaan ang inihanda nilang executive order na wawakas sa lahat ng klase ng kontraktuwalisasyon. Hindi ito nilagdaan ng pangulo. <b>Mayday Multimedia</b>” data-id=”41459″></a></p>
<h2><span style=Buwisan ang yaman

Kung sana, ganito na lang, aniya: “Paano kung bubuwisan ang pinakamayamang 150,000 pamilya sa bansa? Kung buwisan na lang nang 20 porsiyento ang taunang income nila, kikita ang gobyerno ng P71-Bilyon. Kung bubuwisan naman nang 10 porsiyento ang sunod na 171,000 mayayamang pamilya, makakakuha ang gobyerno ng karagdagang P20-B.”

Kung bubuwisan lang ang 321,000 pinakamayayamang pamilya sa bansa nang 10-20 porsiyento, makakakuha ang gobyerno ng mahigit P90-B. Di hamak na mas malaki ang kikitain nito kaysa sa Train,” ani Africa.

Ang batayang prinsipyo rito: buwisan ang yaman.

“Lahat ng gobyerno o Estado, kailangan talaga ng buwis. Anumang gobyerno—maging NPA (New People’s Army), NDF (National Democratic Front) o MILF (Moro Islamic Liberation Front) man iyan sa kanayunan, o kahit gobyerno ng Pilipinas, kailangan mo ng buwis para sa operasyon. Pero kung magbubuwis ka, batay sa reyalidad ng Pilipinas.”

Aniya, dapat lang na maningil ng buwis sa mga mamamayan nito. Ang problema, kung iyung mga mamamayang mahihirap—na may maliit na sahod o may kaunti o walang kabuhayan—pa ang pumapasan ng buwis. Samantala, ang pinakamayayaman sa bansa, bumebenepisyo pa sa pagbawas sa kokolektahing income tax.

Sinabi ni Adonis na dahil sa Train Law, lalong mahalaga ngayon ang paglaban para sa national minimum wage—o pagkakaroon ng pantay-pantay na pambansang minimum na sahod sa buong bansa. Nangangahulugan ito ng pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa buong bansa—dahil pare-parehod din naman ang batayang mga pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang pamilya, sa kanayunan ka man o sa lungsod.

Paiigtingin din ng KMU ang paggiit na ibasura ang kontraktuwalisasyon sa bansa, na direktang atake sa karapatan ng mga manggagawa na igiit ang kanilang karapatan.

Mahalaga ang paglabang ito, habang inaasahan pa ang pagpapatuloy ng pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin. Dahil kung hindi magkakaisa at lalaban ang mga manggagawa, hindi malayong umabot sa panahong kahit kangkong, hindi na kakayanin ng kanilang kakarampot na sahod.