Ni Beteng Peney
Maayong aga kalibutan,
Laging tinatanong sa akin ng mga tropa lalo sa mga baguhan kung anu ang deperensya sa trabaho at kita ng mga “tangkero” (oil/chem tanker) at “alikabok” (gen. cargo/ bulk/ log ship), sagut ko.
MALAKI ANG KINAIBA NILA
Kung sa oil/chem mas may delikado sa kalusugan ang crew at may mahabang gamutan kung oras ka tamaan ng epekto ng kemikal, maraming training, istrikto ang patakaran, laging may vetting o inspection dito maraming preparasyon etc., etc.
Sa kita, karamihan sa kanila ay nakafix o sarado ang kontrata maliban lang sa konsiderasyon na OT (overtime -Ed.) ibinibigay may extra man pero di madalas. Meron ding pushing o pagtutulak ng kargamento sa loob ng tangke tulad ng produktong palm oil, molasses at iba pang malagkit na kargamento. Pero ito napakainit na trabaho dahil may init ang tangke na di bababa sa 50-60 degrees Centrigrade habang kayo ay nasa ibaba. Tawag namin dito laglagan ng bayag time. Kung tumapat ka naman sa mga kargamentong mataas na gradong kemikal masakit din sa baga. Sa paghuhugas ng tangke o tank cleaning may ilang kompanya o principal na nagbibigay ng bonus sa paglilinis ng tangke. Meron din na principal na “thank you” lang ang paghuhugas ng mga tangke.
Di lahat ika’ nga pero yung presenta ng delikado sa kalusugan ay nandun lagi. Sa mga oil/chem na alam ko back to back extra voyage nila ng mga “timonil” (driver ng bapor) ay umaabut ng 1,800 -2,500 US$(good principal/owner/operator ito).
Sa mga alikabok naman, kung puro bulk lang ang kargamento, tanging hatch cleaning at OT lamang ang extrang kita dito. Ang timonil dito ay karaniwan na ang kita ay nasa 1,450-1,800 US$ (good principal/owner/operator ito).
Yun lang hindi delikado at walang kemikal na kargamento, fresh lagi ang bagá may pa bbq party pa madalas syempre may mamam. Kung mapalinya ka sa general cargo, may ginhawa ang bulsa ika’ nga. Dahil madalas ang operation dito ng mga crew sa deck o “cobierta” ay “stevedoring” kung saan sila ang kumakarga at nagdidiskarga ng mga kargamento. Yun ay may kaakibat na kontrata sa pagitan nila at nang charterer.
May tawag din silang “movements of cargo” o paglilipat ng kargamento sa kabilang bodega o itabi sa Bodega para sa panibagong kargamentong ikakarga.
Karaniwang kita ng timonil dito kung back to back votage silang mangangamay ay may kita na sa pagitan ng 1,700-3,200 US$ (good principal/owner/operator ito).
Kung sa troso o log ship na bapor, lashing (pagtatali) at unlashing o pagkalas ng tali, ang kita o extra dito. May OT din, hatch cleaning, lashing wire, bulldog/wire grips kung saan may bumibili nito sa pierto na bibibilang na scrap pagkatapos idiskarga ang troso. Extra kita din ng mga crew ito. Minsan may mga insentibo ring binibigay kung makakahuli sila ng “daga” (mababa bigayan) at “ahas” (mataas bigayan), ang kita ng mga timonil dito sa pagitan ng 1,400-2,500 US$ (good principal/owner/operator ito). Yun lang “maresgo” ang trabaho dito, “pusoyan” (walang tulugan) araw araw kang makipagpatintero sa troso habang naglalayag. Araw-araw din ang “pagtitisa” o paghihigpit sa mga kableng nakatali o kadena. Walang swerte kung maipit ka pa sa pagitan ng troso.
Lahat ng mga yun ay subok ko na. Ilan sa mga tropa ko ang namatay na nakita ko, naaksidente o nalason.. lahat din ng mga iyun ay may delikado at panganib araw araw na nakaabang anu mang klase ng bapor. Sabi nga’ sugal ang lahat pati buhay para sa pamilya at kinabukasan.
Sa akin, kung ako lang ang masusunod, sa mas mababa ako lalagay na delikado at panganib na sitwasyon sa bapor.
Yun lang midyo kaunti lang ang kita ika’ nga, at hindi ka makahindi kung anu mang bapor na ibinibigay sayo ng manning sa oras na sakay ang kailangan mo, dahil sa tawag ng pangangailangan para sa pamilya. Tanggap na ang ganitong kalakaran na laging nakasugal ang buhay at kinabukasan para sa minamahal na pamilya.
Mahirap ang buhay ng marinero talaga
Dikta din ng mga lahat nang ito ng kahirapan at kakulangan ng trabaho sa Pilipinas. Ganun din ang kawalan ng siguradong trabaho at sa tumataas na bilihin sa merkado. Nandyan ang malupit na kontrakwalisasyon, malawakang tanggalan sa trabaho. Ilan lang yan sa mga bagay na nagtutulak sa bawat Pilipino na lumabas ng bansa, makipagsugal ng kapalaran dahil sa kahirapan. Ang lahat ng mga ito ay malinaw na dikta ng neoliberalismo kapitalismo at pabayang estado. Sa kabilang banda, kapit tuko ang mga ganid na pulitikong nagtatamasa sa bulok at nakakasulasok na sistemang burukrata kapitalismo.
Pero taas noo pa rin, dahil natatangi sa buong mundo ang kalidad at talentong marino ng mga PILIPINO.
Ganyan ang marinong Pilipino, hindi takot, hindi rin pabaya at higit sa lahat may taglay na galing.
Mabuhay ang Pilipinong marino.
“Serve the people”