Chico River Project: Pabor na pabor sa China

0
235

Abril 10 noong nakaraang taon nang lagdaan ng gobyerno ng Pilipinas at kinatawan ng gobyerno ng China ang isang kontrata na napag-alamang magbabaon sa bansa sa malubhang pagkautang, habang magbibigay-panganib sa mga komunidad ng mga katutubo: ang Chico River Pump Irrigation Project.

Tahimik at walang ingay ang lagdaan. Para sa gobyerno ng Pilipinas, dumalo si Carlos Dominguez III, kalihim ng Department of Finance. Para sa gobyerno ng China, dumalo si Zhaojian Hua, Ambasaddor Extraordinary and Plenipotenciary of China. Kinakatawan naman ni Zhaojian ang Export-Import Bank of China.

Ang kasunduan, magpapautang ang China ng P3.6-Bilyon para sa pagpapatayo ng naturang proyekto. Magseserbisyo diumano ito para sa irigasyon ng mga sakahan at taniman sa Luzon. Kailangang bayaran ang utang na ito sa loob ng 20 taon.

Pero dalawa ang problema ng proyekto. Una, tulad ng isiniwalat ng kandidato sa pagkasenador na si Neri Colmenares, lamang na lamang ang China sa kontrata. Pangalawa, tulad naman ng sinasabi ng mga grupong maka-kalikasan, may matinding epekto ang naturang proyekto sa kalikasan, at sa komunidad ng mga katutubo sa Kordilyera.

Isiniwalat

Si Colmenares ang unang nag-ingay sa “onerous” o di-pantay na katangian ng kasunduang ito na pinasok ng rehimeng Duterte sa China.

Noong Marso, sa isang press conference kasama si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, inanunsiyo niyang nakakuha siya ng kopya ng kasunduan. At nakikita rito ang napakataas na interes na hinihingi ng China sa pautang na ito.

May taunang interest rate na 2 porsiyento ang utang. Napakataas nito, ayon kay Colmenares, kumpara sa kadalasang pautang ng ibang bansa, na may 0.25 porsiyento lang na interest rates. Maliban sa dagdag-bayad sa interes, nakasaad din sa Section 1.8 ng kasunduan ang taunang “commitment fee” na 0.3 porsiyento ng utang (Section 2.6) at mayroon pang “management fee” na 0.3 porsiyento o $186,260 na taunang kailangang bayaran ng gobyerno sa China.

Habang nag-ooperasyon sa Pilipinas, hindi rin kailangang magbayad ng China ng buwis o anumang singil para sa interes na kinikita nito sa transaksiyon.

“Dinidikta pa ng China ang magiging nilalaman ng ating mga batas sa badyet sa pamamagitan ng paggiit (sa kontrata) na ang bayad ay awtomatikong maging bahagi ng General Appropriations Law…(M)istulang pagsalaula ito sa kapangyarihang konstitusyonal ng Kongreso na tanging magdesisyon sa nilalaman ng ating taunang badyet,” sabi pa ni Colmenares.

Ang malupit pa, bahagi ng kondisyon sa kontra na kailangang kompanyang Tsino ang kontraktor ng proyekto.

“Mabuti sana kung binigay ’yung pera, pero utang naman ’yon na babayaran natin sa mataas na interes. Bakit required na China CAMC Engineering Co. Ltd , ang contractor ng China ang gagawa, eh marami namang Pilipino ang kayang gawin ang proyekto?” tanong pa niya.

Tulad ng nasaksihan sa mga proyektong Tsino sa bansa, malamang na kumuha pa ang kontraktor na ito ng mga manggagawang Tsino para magtrabaho.

“Habang sa batas ng Pilipinas, kailangang sumailalim ang mga kontraktor sa proseso ng procurement o bidding, nagtakda lang ang China ng sarili nitong kontraktor. Para na tayong probinsya ng Tsina na kaya nilang diktahan. Nakakahiya ang mga kasunduang ganito at dapat na itigil,” sabi pa ni Colmenares.

Pag-ilit sa likas na yaman ng Pilipinas

Pero ang pinakakontrobersiyal na bahagi ng kontrata: ang Section 8.1 na hindi kumikilala sa karapatang soberanya ng bansa at nagpapayag sa China na kontrolin ang “patrimonial properties” o mga likas na yaman ng bansa kung sakaling di makapagbayad ng utang ang Pilipinas.

At kung magrereklamo naman ang Pilipinas, nakapaloob ang naturang usapin sa batas daw ng China. Ang magreresolba sa anumang reklamo ng Pilipinas kung sakaling magreklamo ito sa pagtrato rito ng China? Isang ahensiya rin ng China – ang China International Economic and Trade Arbitration Commission (Cietac). Kung makikita ng Cietac na may gamit-komersiyal ang naturang “asset”, maaari nitong gamitin at pagkakitaan.

Nakita umano ito sa bansang Sri Lanka, kung saan sinakop ng China ang Hambatota Port matapos mabigong makapagbayad ang naturang bansa dahil sa mga delay sa pagbubukas sa komersiyo.

“Bago pa lang nagsimula ang loan, talo na tayo kahit China pa ang nag-delay o breach of contract,” sabi naman ni Zarate. “Madali tayong kasuhan ng China sa tribunal nila, habang tayo hindi maaaring i-question ang agreement sa sarili nating korte.”

Kataka-taka, sabi ni Zarate, na pumayag pa ang gobyerno sa confidentiality clause o deklarasyong hindi maaaring isiwalat sa publiko ang nilalaman ng naturang kontrata.

Hinamon noong Marso nina Zarate at Colmenares ang DOF at National Economic Development Authority (NEDA) na isapubliko ang Chico River loan agreement, gayundin ang iba pang sikretong kasunduang nilagdaan nito sa China, tulad ng P12-B Kaliwa Dam at P17-B Davao Bridge Project.

Noong Abril 4, nagsumite si Colmenares ng petisyon sa Korte Suprema para ideklarang labag sa Saligang Batas ang kasunduan. Pangunahing dahilan nito ang confidentiality clause na labag sa karapatan ng mga mamamayan na malaman ang mga utang panlabas na sila mismo, sa pamamagitan ng kanilang mga buwis, ang magbabayad.

Sinabi rin nila na inaprubahan na lang ng Monetary Board ng gobyerno ang kasunduan after-the-fact o matapos ang paglagda ng dalawang panig. Labag umano ito sa rekisito sa batas na kailangang may prior concurrence o naunang pagpayag sa papasukang kasunduan.

Labag naman sa polisiyang Filipino First, o pag-uuna sa interes ng mga Pilipino, ang pagtitiyak ng kontrata na kontratistang Tsino ang gagawa ng proyekto.

“Patuloy na babayaran ng ating mga anak ang utang na itong labis na di-pabor sa atin habang nasasangkot tayo sa debt trap (patibong na utang) sa halagang daan-daang bilyong dolyar sa China,” pagtatapos ni Colmenares.