[EDITORIAL] Sining at pagpupumiglas: Bakit namamayagpag ang ‘Tumindig’ ngayong SONA?

0
215

Jul 26, 2021, Rappler.com

Nasulyapan ‘nyo na ba ang mga cartoon ng “Tumindig?” Nagsimula itong isang simpleng imahe ng isang stylized na kamaong nakataas, pero ngayo’y nagsisindi sa creativity ng maraming mga malikhaing kabataan.

Bakit makapangyarihan ang Tumindig image, gayong luma na ang taas-kamao na sa isang punto ay halos sa maka-Kaliwa na lamang naka-identify?

Matalinhaga ang kamao ng Tumindig ni Tarantadong Kalbo dahil ito’y isang bagong take sa taas-kamao ng mga aktibista at sa pasulong na kamao ni Digong na imahe ng opensiba, pambabalya, at pambubrusko.

Parang sinasabi ng mga cute na kamaong may naka-drawing na mukha: hindi man kami kasing “intense” ng mga nagmamartsa sa kalye o sumisigaw ng slogan, gusto rin naming tumindig. Gusto rin naming marinig ang aming boses. May maiaambag kami sa diskurso.

Parang sinasabi rin ng mga Tumindig kamao na ito ang sagot nila sa karahasan at disinformation na inherent o likas sa kamao ni Digong at ng DDS.

‘An unusual politician’

Sabi ni Mark Thomson, director ng Southeast Asia Center sa University of Hong Kong, “kakaibang pulitiko, at kakaibang presidente si Rodrigo Duterte.” Dagdag pa niya, hindi raw nag-a-apply ang mga lumang pattern sa pulitika tulad ng “lame duck presidency” sa huling taon ng isang presidente, o ang pananatili ng popularidad niya sa kabila ng palpak na pamamahala sa pandemya.

Sa papasok na ika-anim na taon ni Digong sa puwesto, namamayagpag pa rin ang kanyang kasikatan. Hindi bumaba sa 75% ang kanyang popularidad sa buong termino niya. Siyam sa 10 Pilipino’y naniniwalang okay siyang pinuno. 

Sa katunayan, si Duterte ang pinaka-popular na presidente pagkatapos ni Ferdinand Marcos.

(Pero, not everything is as it seems. Sabi ng ibang social scientists, fear factor ito, at pinatunayan ng isang survey na majority ng mga Pinoy ay naniniwalang delikadong maglathala or magbroadcast ng pamumuna kay Duterte.)

Talagang binaligtad niya ang kalakaran. Kung tatakbo siyang bise presidente, siya ang pipili ng kanyang presidente.

Pero hindi ito misteryo. Habang may angkin siyang appeal sa masa dahil sa kanyang “relatable” na paraan ng pagsasalita, may isang “secret sauce” si Duterte at ‘yan ang social media. Pinasikat at ginatungan ng social media ang mga kasinungalingan niya.

Track record

Bakit madikit ang Tumindig? Tingnan natin ang apat na katotohanan tungkol sa pamahalaang Duterte.

  • Giyera kontra droga. Ayon sa datos mula sa Philippine National Police, 52% lamang ng mga barangay ang “cleared” na sa droga. Habang pangkaraniwan ang mga nakabulagtang patay na mga nakatsinelas, ang mga drug lord tulad ni Peter Lim ay nakalalaya, at sa isang punto ay nakapag-photo-op pa kasama si Duterte. Pero ang pinakamalaking pamana ng giyerang pumatay sa tinatantiyang 27,000 ay ito: ang kultura ng impunity kung saan pinapatay ang pinaghihinalaang walang-kalaban-laban, walang boses, at walang kakampi sa lipunan. At maliban sa ilang high-profile cases tulad ni Kian delos Santos na nakapagpanalo ng kaso laban sa mga pulis, sa ilalim ng drug war, halos imposibleng makakamit ng hustisya.
  • West Philippine Sea. Pangangayupapa sa super power na Tsina ang umiral na polisiya sa buong panunungkulan ni Digong. Oo, andyan ang speech niya sa harap ng United Nations, pero action trumps words – sa kaso ni Digong, inaction trumps words. Lagi’t lagi, pagdating sa Tsina, nag-uumapaw siya sa papuri at pasasalamat. Kalimutan na na halos huli na ang Pilipinas sa Southeast Asia na nakatanggap ng bakuna galing Tsina. Kalimutan na na wala pa halos natupad sa mga pangakong investment: sa pinangakong $708 billion in infrastructure investments noong 2016, apat na proyekto lang at isang grant ang nagkatotoo.
  • Paglaban sa kagutuman. Sa kabila ng kasikatan, hindi ginamit ni Duterte ang political capital upang mapabuti ang buhay ng mga Pilipino. Anim sa 10 Pilipino ang nagsasabing dumaranas sila ng kagutuman. Habang naisabatas ang universal health care law, free tertiary education law, and the Free Internet Access in Public Places Act, hindi niya nawakasan ang contractualization o ENDO. Sa pagsusuma ng economic analyst na si JC Punongbayang, “Sa makatuwid, bumaba ang kita ng mga Pilipino, maraming nawalan ng trabaho, mataas ang presyo ng mga bilihin, at maraming gutom.” 
  • Naghihingalong ekonomiya. Noong 2020, nag-contract ang ekonomiya nang 9.6% – pinakamalala sa ating kasaysayan at sa ASEAN. Ang mga natuloy na proyekto sa imprastruktura’y pawang sinimulan ng nakaraang administrasyon – maliban sa dinonate ng Tsina na Intramuros-Binondo bridge at Estrella-Pantaleon bridge. Walang nagkatotoo sa ipinangakong mga linya ng tren sa Mindanao. Sa 119 na ipinangakong big-ticket projects, siyam lamang ang natapos.
  • Paglaban sa pandemya. Kakabit ng kagutuman ang paglaban sa pandemya – pero ano ang track record ng gobyerno? “Reactive” ang task force na lumalaban sa virus at tanging lockdowns ang pangunahing sandata. Sobrang tinipid ang pondo sa bakuna at P2.5 bilyon lang ang isinumite ni Duterte na initial budget para rito. Mas malaki pa ang budget na ibinigay sa NTF-ELCAC na P19 bilyon. Nakapanlulumo ang limang milyong nabakunahan na ng dalawang dose (batay sa bilang noong Sabado, Hulyo 24), gayong 70 milyon ang kailangan para sa herd immunity. At malabong magbabago sa kakuparan ang gobyernong ito ngayong nagsisimula na ang pagkalat ng Delta variant ng COVID-19.
Papel ng sining

Kung babalikan ang kasaysayan ng pagkamulat mula sa mahabang pananahimik ng Martial Law, ang nagbigay-buhay sa kilusang nagpatalsik sa diktador ay hindi ang mga sumisigaw ng slogan, kundi ang mga ordinaryong mamamayan, estudyante, at propesyonal na…you guessed it… tumindig.

Ngayong papalapit na ang eleksyon, may pagkakataon tayong ituwid ang landas ng ating pamayanan. 

Sabi ng artist sa likod ng account na Tarantadong Kalbo, panawagan daw ito sa mga Pilipinong kumibo at tumindig, “even if it feels like you’re the only one doing it.

Sa harap ng mga bigong pangako at palpak na grado ngayong SONA, makikita ang pagsasanib ng sining at pagpupumiglas – art and dissent. Muli, pinatutunayan ng mga artist at kabataan na hindi sila “complicit” o kakontsaba sa pagtataksil sa taumbayan – at ayaw na nilang manahimik. Rappler.com