Lider-aktibista sa Mindanao, ‘tinokhang’

0
182

“Totokhangin namin kayo kung ’di kayo tumigil sa pagsuporta sa NPA!”

Ito ang pahayag ng isang militar kay Beverly Geronimo, 27, at sa iba pang lider sa Sitio Cogonon, Treno, Agusan Del Sur na pinaratanggang sumukong mga miyembro ng New People’s Army (NPA). Nitong Mayo 26, pinatay si Beverly ng riding-in-tandem.

“Nung binaril kami ng tatlong lalaki na nakamotor, tinulak ako ni mama palayo para hindi ako tamaan ng bala,” kuwento ng 8-anyos na si Nene (di tunay na pangalan) na nakaligtas sa pag-atake ng mga hinihinalang ahente ng estado sa nasabing lugar.

Nagtamo ng pitong tama ng bala si Beverly na agad niyang ikinamatay habang tinamaan naman sa kaniyang kaliwang balikat si Nene.

Nagpunta sina Nene at kaniyang ina kasama ang ibang kamag-anak sa bayan upang mamili ng gamit sa paaralan para sa darating na pasukan. Kilala si Beverly sa kanilang komunidad bilang aktibistang kontra sa pagmimina at miyembro ng Tabing Guangan Farmers Association (Taguafa).

Nakaranas si Beverly ng harasment, intimidasyon, at pamumuwersa mula sa mga military battalion na nasa kanilang komunidad mula noong 2009 (75th, 25th, 67th, at 66th). Kilala siyang kritiko ng large-scale mining companies gaya ng OZ Metals at Agusan Petroleum.

Inakusahan si Beverly ng mga militar na miyembro ng NPA at nito lamang Marso, isinama si Beverly, kasama ang iba pang lider sa komunidad, na mga sumuko umanong NPA na kanilang mariing pinasinungalingan.

Binantaan umano sila ng mga militar na kung patuloy silang susuporta sa NPA may masamang mangyayari sa kanila. “Tokhangin namin kayo,” sabi umano ng militar sa kanila.

“Kapag hinanap ulit ng mga sundalo si mama, sasabihin ko nalang sa kanila na may pinuntahan siya,” dagdag ni Nene.

Grade 3 si Nene sa Mindanao Interfaith Services Foundation, Inc. (Misfi) Academy kung saan aktibo si Beverly bilang presidente ng Parents Teachers and Community Association (PTCA). Tulad ng iba pang paaralang Lumad sa Mindanao, nahaharap ang Misfi sa iba’t ibang porma ng atakeng militar.

“Hindi ako makakapasok sa Hunyo 4 dahil antayin ko pa si mama,” ayon kay Nene na nagpapatungkol sa libing ng kaniyang ina.

Sa Mindanao, hindi mabilang na buhay ang nawala sa brutal na paraan mula sa kamay ng mga militar. Hindi ligtas kahit na ang mga bata. Kung hindi man sila mapaslang, naiiwan silang ulila at napagkakaitan ng karapatan na mabuhay na may proteksiyon at pagkalinga mula sa kanilang magulang.

Sa kaso ni Nene, bilang panganay, naiwan sa kaniya ang responsibilidad na magalaga ng kaniyang dalawang kapait na sina Jane, 6, at Ken, 5 (hindi nila tunay na pangalan).

“Mabait si mama at maalaga. Magaling syang magluto ng sinugba,” alala ni Nene sa kaniyang Ina.

Maghihilom ang sugat ni Nene mula sa pananambang sa ilang lingo; pero mananatili ang sugat na dulot ng madugong insidenteng ito habambuhay sa kanyang alaala.