[OPINYON] Doon sa amin

0
433

Dec 20, 2020, Pam Maranca

Sabi nung katrabaho ko na Puti/White dapat daw ang Amerika katulad na lang ng mga Asian countries, tulad ng Pilipinas. Kasi sa Pilipinas daw kapag sinabi ng pangulong huwag lumabas ng bahay o kaya ay magsuot ng mask dahil pandemic, sumusunod ang mga tao at hindi na nakikipagtalo pa. Manghang-mangha sya na ang bilis nating sumunod sa mga ipinag-uutos ng gobyerno natin. Dito kasi sa Amerika lalabanan ng mga mamamayan ang mga ganung kautusan. My rights! Bukambibig ng mga Amerikano. May karapatan silang magprotesta sa kapitolyo ng probinsya na may bitbit na mga assault rifles. May karapatan silang magsalita nang masasakit laban sa mga immigrants. May karapatan silang tumangging mag mask ngayong panahon ng pandemic. May karapatan silang tumangging magpabakuna kung ayaw nila, kahit isa pa silang healthcare worker.

Sabi ko hindi uubra sa atin sa Pilipinas ang nangyayari ngayon sa Amerika: una, dahil hindi nakagawian ng mga Pilipinong maging makasarili; at ikalawa, dahil gustuhin man ng Pilipinong ibalandra at igiit ang karapatan nya, sa kalye man o sa social media, asahan na nya ang pagbisita ng mga armadong kalalakihan kinagabihan. Hindi ko na lang ipinaliwanag yung huling bahagi. Mukhang sapat na sa kanyang masunurin tayo at hindi makasarili. Dahil dito sa Amerika, mahirap itawid ang kaisipan tungkol sa mga bagay, pangyayari, at sitwasyon na hindi nila nakagisnan. Dahil paano mo nga ba ipaliliwanag ang amoy ng kapeng barako? O amoy ng kanal? O amoy ng dugo sa kalye kinaumagahan?

Ipinagmamalaki ko lagi sa kanya na sunud-sunuran man ang Pilipino sa kahit na sinong naging pangulo nito, ilang lider na ng bansa ang nakalasap ng paghihimagsik natin. Dahil may hanggahan ang lahat. Dahil kapag ikaw ang may-ari ng bahay, hindi mo ito hahayaang angkinin, lapastanganin, at babuyin ng kahit sino. Lalo na ng bisita. Ano nga ang sinabi ng pangulo noong 2019: “As far as I’m concerned, I’m the owner, and I’m just giving the fishing rights.” May-ari. Isa sa mga pinakapaborito nyang salita pagdating sa usaping panunungkulan sa bayan. Kaya naman pala wala syang patumangga sa pagtapak at pagyurak sa Karapatan ng pinamumunuan nya: Karapatang mabuhay, Karapatang mag-organisa nang mapayapa, Karapatang ipahayag ang pananampalataya, Karapatan nang malayang pananalita, Karapatang tumayo sa harapan ng lahat bilang isang babae nang hindi hinuhubaran nang buong bayan.

At ano nga ba ang pinakahuling kalapastanganan ng pangulong ito (sa napakahabang listahang kailangan nating itatak lagi sa isipan): paghahain ng search warrants at warrants of arrest sa mag-asawang retired NDF leaders alas-tres nang madaling araw na nauwi sa pag-aarmas at panlalaban daw ng dalawang matandang iginugupo na ng sakit. Sabi ng anak ng mag-asawa, “Mahigit-kumulang 50 ang nag-operate.” Sabi ng PNP chief: “Wala sa tanda ‘yan.” 

Advertisement

Sa buong mundo, virus ang malupit na kalaban ngayon. Mahigit isang milyong pagpanaw na pinilit labanan ng bawat bansa. Dahil hindi ito natural na pagkamatay. Hindi katanggap-tanggap mawala nang isang iglap ang kahapon lamang ay malakas na kaanak. Pero sa atin, tila kulang pa ang bilang ng bangkay. Mukhang nakakita ng tamang pagkakataon ang mga may binabalak – mainam palang  taguan ng kasamaan ang lilim ng pandemya. Dahil lito at takot ang Pilipino, ito ang itinakdang panahon ng administrasyon para gapangin ang mga kinikilalang kalaban.

Ang hirap mang tanggapin ng lahat ng ito, ipinagmamalaki ko pa rin dito sa Amerika kung saan ako nanggaling.  Kahit kailan hindi maiintindihan ng Puti kong kaibigan na ang pagsunod na nakikita nya mula sa mga Pilipino ay hindi dahil sa takot sa namumuno pero sa kagustuhang isalba ang buhay ng iba – hindi lang sa virus pero mas higit sa hindi mapangalanang lagim na nangyayari sa kapaligiran nya. Ni hindi ko nga ma-Ingles yung salitang malasakit kasi parang wala itong katumbas. Pero sana dumating ulit yung araw na iisang boses tayong magsabing “Akin ang bahay na ito at hindi sa iyo. Tama na ang pahahari-harian mo.” Sa ngayon namamayani ang karahasan, kabastusan, at kahambugan sa buong bansa. Sa pag-angat ng popularidad ng pangulo, lumabas ang itinatagong yabang at pagkamakasarili ng Pilipino. Parang isang higanteng rumaragasang tren ang pangulo na sinasagasaan ang sinumang nasa daan, at andun nakakunyapit sa bawat barandilya nito ang mga tagasunod niya, walang iniintindi sa mundo: nagkakasayahan at nagsasightseeing. Dahil bakit nga ba kailangang may pakialam? Dahil bakit nga ba kailangang buksan ang puso sa paghihirap ng iba? 

Umangat ang popularidad ng pangulo dahil marami nang Pilipino ang nagsawang sumukob sa anino ng kapangyarihan. Panahon na para maging bida. Yung tipong kaya nilang sabihan ng “gago, bobo, at putang ina mo” ang mga kinaiinisan nang walang kagatol-gatol. At sino pa nga ba ang pinakamabisang lider at kakampi kundi ang may nagbabagang kamao. Kapag may nagtangkang sumaway sa kanila, alam na ang kahihinatnan ng tampalasan.

Kaya nang umangat sa kapangyarihan ang kasalukuyang pangulo, andun ang mga taong ito na tila langaw sa likod ng kalabaw. Sila ang nagdadala ng sakit sa Pilipinas na kumikitil nang libu-libo at patuloy na nagbibigay-buhay sa isang mamamatay-tao. – Rappler.com

Si Pam Maranca ay isang Filipino Physical Therapist na nakatira ngayon sa Dallas, TX.