Gagawaran ng Arthur Svensson Prize para sa taong 2019 ang lider-guro at mambabatas na si ACT Teachers Rep. France Castro sa kanyang pamumuno sa pag-oorganisa ng mga guro at paggiit ng karapatang akademiko sa Pilipinas.
Imbitado si Castro na tanggapin ang gantimpala sa Oslo, Norway sa Hunyo 12. Makakatanggap din siya ng NOK 500,000 o humigit-kumulang P3-Milyon.
“Nagpapasalamat ako sa Svensson Foundation sa pagbigay sa akin ng pagkilalang ito. Dakila at napapanahong parangal ito, lalo na sa kasalukuyang pampulitika, pang-ekonomiya at pangkarapatang pantaong sitwasyon sa ating bansa na malupit na nakakaapekto sa mga mardyinalisado tulad ng mga guro at mga unyon,” pahayag ni Castro (isinalin mula sa Ingles).
Umaasa umano si Castro na makakatulong ang gantimpala na mabigyang pansin sa mundo ang mga pakikibaka ng mga mamamayang Pilipino, at mahihikayat ang mga guro na lumaban, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Ayon sa Svensson Foundation (salin mula sa Ingles), “Sa maikling panahon, sa ilalim ng pamumuno ni Castro, lumaki ang ACT (Alliance of Concerned Teachers) hanggang maging isa sa pinakamalaking unyon sa Pilipinas. Lumagda ang naturang alyansa sa unang collective bargaining agreement noong 2016 para sa mga guro sa pampublikong mga paaralan sa Pilipinas – isang kasunduang kumikilala sa karapatang magwelga.”
Kinilala rin ng Svensson Foundation ang naging gawain ni Castro bilang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng bansa. Kabilang sa nabanggit na ipinaglaban niya ang pagsasabatas ng Expanded Maternity Leave tungo sa 105 araw.
“Bilang kinatawan ng mga guro, nilabanan niya ang mga repormang neoliberal sa sektor ng edukasyon at (ipinaglaban ang) mas mabuting kalagayan sa trabaho para sa mga guro. Naging sangkot din siya sa paglaban sa pagbaba sa edad ng kriminal na reponsabilidad ng mga bata, pagbuwag sa sapilitang pagsasanay-militar (sa kolehiyo) at kontra sa pamamaslang ng libu-libong kabataan sa ilalim ng giyera kontra-droga ni Duterte,” sabi pa ng Svensson Foundation.
Malay din ang naturang Foundation sa tangkang panunupil kay Castro nang arestuhin siya at iba pa sa Talaingod, Davao del Norte noong Nobyembre 2018 sa gitna ng tangkang pagsagip sa mga estudyanteng Lumad mula sa militarisasyon.
“Sa kabila ng mga banta at panunupil, may matatapang na mga tao na lumalaban para sa karapatang mag-unyon. Inaatake ng rehimen ang mga aktibista sa trade union sa hanay ng mga guro at mamamahayag. May ibang napaslang at nakulong. Hindi na kaiba ang mga banta sa buhay. Naglunsad din ang mga pulis ng organisadong kampanya para siraan ang unyonisadong mga guro,” ayon sa Svensson Foundation.
Sinabi naman ni Castro na mahalaga ang pagkilala sa kabila ng matinding paninira ng militar at pulisya sa lumalabang mga guro para sa mga karapatan nila at makataong kondisyon sa trabaho.
Ambag din umano ito sa laban ng mga mamamayang Lumad para sa karapatan nila sa edukasyon at lupaing ninuno, at gayundin sa mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor para sa nakabubuhay na sahod.
Sa tropeo ng Svensson Prize, nakalagay na iginagawad ang premyo sa tao o organisasyon na nagtrabaho para itaguyod ang karapatang mag-unyon o nagpalakas sa pag-oorganisa ng mga unyon sa mundo.
Nagsimula umano ang pandaigdigang gantimpalang ito ng Industri Energi at taunang iginagawad ng Committee for Arthur Svensson International Prize for Trade Rights
Ipinangalan ang naturang gantimpala sa dating lider ng Chemical Union na si Arthur Svensson na nakilala sa kanyang adbokasya para sa mga manggagawa sa buong mundo.