Dapol tan Payawar

0
254

Ni RENE BOY ABIVA

Sa bawat paghalik
ng labi ni Goring
ay napuno ang iyong puso
ng pagnanasa
gaya sa kung paano
o gaano ka
kasabik at nanabik
mahalikan ng mamasa-masa’t malamig
na butil ng hamog
ang tuyo’t nag-aagawbuhay
mong bibig.

At sa unang hatinggabi
sa Ridgewood sa Kalye Gibraltar
-nang pinutol ng mga alulong
ng aso at tangis ng mga inang balo
ang iyong parnasong panaginip-
nakadama ng kaba ang iyong dibdib
na wari noong si Zaitsev
habang nakadapa’t sinisikap
pigilin ang hininga habang
nakasipat ang kanang mata
sa iskopyo ng kanyang springfield
sa ilalim ng mga guho
ng Dakilang Stalingrad.

At sa ikalawang hatinggabi
sa Ridgewood sa Kalye Gibraltar
nawasak ang lahat
nang gumalaw-luminaw ang imahen,
nasipat ng lenteng sinlaki ng piso
si Bugan na waring si Inang Maria
-na madalas gumambala kay Pedro Calosa
noon sa mga misteryosong burol, bundok
baryo, at libingan ng Tayug-
na duguan sa ilalim ng malakas-bumabayong
buhos ng ulan.

At sa ikatlong hatinggabi
sa Ridgewood sa Kalye Gibraltar
‘di ka nakuntento
sa mga aparisyong kumikiwal-umuukilkil
sa mga kuweba ng iyong damdamin at guniguni,
nagkusot ka ng mata
at nakita mo ang pag-iisa
ng kaluluwa at abo
at inasalto mo ang hagupit ni Goring
kahit pa ang tingin sa iyo ng ila’y
mayroon ka ng tililing
na waring bunga ng banal na katas
ng pinagbabawal na talampunay. (https://www.bulatlat.com)

Dapol tan Payawar- nangangahulugang “ang mga abo at multo” sa wikang Pangasinense.
Zaitsev- mahusay na soviet sniper; lumaban sa Stalingrad noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig..
Springfield- isang klase ng baril pang-isnayp noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Bugan- si Eba ng Ifugao.
Pedro Calosa- lider ng kolorum sa Pangasinan na namuno sa pag-aalsa sa Tayug noong 1931.

The post Dapol tan Payawar appeared first on Bulatlat.