Patunay ang problema kay dating national chief of police Oscar Albayalde na palpak ang pag-asinta ng administrasyong Duterte sa gahiganteng problema ng illegal na droga sa bansa.
Lumabas na ang anunsyo ng Department of Justice (DOJ) na may sapat na dahilan para kasuhan ng graft at litisin si Albayalde para sa hindi nito pagsunod sa order na parusahan ang mga kilalang ninja cop sa Pampanga kung saan siya nanungkulan bilang chief. Imbis na sibakin sa pulisya, binaba lamang ni Albayalde ang mga pulis ng isang ranggo.
Hindi naman siya pwede sampahan ng kaso tungkol mismo sa iregularidad ng drug operation dahil walang batas ang nakakapaglitis ng criminal liability dahil sa command responsibility.
Masaya raw si Albayalde na mapapatunayan niya na wala siyang kasalanan. Napakaswabe rin naman ng paglisan niya sa hanay ng pulisya. Nagbitiw siya sa pwesto ngunit hindi sa pagiging pulis kaya matatanggap pa rin niya ang milyong pisong benepisyo niya.
Si spokesperson Salvador Panelo naman, diretso sa punto: sa ilalim ng Saligang Batas, kailangan siyang itrato na inosente hangga’t hindi pa nahahatulan ng guilty beyond reasonable doubt ng korte.
Ito ang pagsangguni sa Saligang Batas at ang plataporma na hindi na kailanman nasilayan ng mga tinawag ni Duterte na kolateral damage sa giyera kontra droga, baliktad sa pinangako niyang pagprotekta sa last, least, at lost.
Ayon kay Albayalde, hinayaan lang naman niya ang mga pulis na gawin ang kanilang trabaho noong 2013 dahil akala niya simpleng anti-drug operation lang naman iyon. Ilang taon na ang nakalipas at ganito pa rin naman ang tingin ng gobyerno. Simple lang ang solusyon sa droga: baril. Simple lang naman ang hustisiya sa maralita: wala.
Hindi simple ang problema sa droga at higit pa ito sa kabalintunaan ng administrasyong Duterte. Pero ang kaligiran na naghihikayat sa dalawang bulok na problemang iyan ay iisa at nangangailangan ng hindi simpleng sagot: isang makamasa, makatao, at mapag-isang gobyerno ng masang Pilipino.