Abuso’t paglabag sa karapatan sa ilalim ng lockdown

0
232

Namatay sa pamamaril ng pulis noong Abril 2 ang isa diumanong nag-amok na magsasaka sa barangay checkpoint sa Nasipit, Agusan Del Norte.

Ayon sa mga saksi, lasing at diumano’y sinugod habang may tangan na itak ni DiomedesJunie” Piañar, 63, magsasaka, ang barangay tanod at rumespondeng pulis sa naturang checkpoint. Napilitan diumano si Police Staff Sgt. Rolly Llones na paputukan ang suspek dahil sa pag-atake nito sa nauna ayon sa imbesitgasyon ng mga pulis sa nasabing probinsiya.

Nangyari ang insidenteng ito sa Agusan Del Norte isang araw matapos ipag-utos sa kapulisan ni Pangulong Duterte ang mga katagang “shoot them dead!”, sa kanyang pahayag sa publiko, laban sa mga nangangahas lumabag sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ), isang hakbang ng gobyerno para labanan ang pagkalat ng coronavirus disease-2019 (Covid-19).

Matapos ipataw ng administrasyong Duterte ang ECQ (nagsimula bilang Community Quarantine noong Marso 15) mahigit tatlong linggo na ang nakalipas, samu’t saring insidente ng pag-abuso at paglabag sa karapatan ang naranasan ng ilang mamamayan.

Larawan ni Junie Pianar, 63, matapos barilin ng pulis sa checkpoint sa Nasipit, Agusan del Norte noong Abril 2. Larawan mula sa FB post ng kanyang anak

Larawan ni Junie Pianar, 63, matapos barilin ng pulis sa checkpoint sa Nasipit, Agusan del Norte noong Abril 2. Larawan mula sa FB post ng kanyang anak

‘Lahat ng lalabas, babarilin na!’

Pangunahing sangkot sa kalakhan ng naturang mga insidente ay mga nasa mga unipormadong tauhan pa na pangunahing nagpapatupad ng ECQ.

Naging tampok sa social media ang bidyo ng hepe ng Manila Police District Station 3 na si Lt. Col. Rey Magdaluyo noong Marso 26, na nagbabantang “Lahat ng lalabas, babarilin na!” sa mga residente ng Muslim Town sa Quiapo, Maynila. Nakita pa sa naturang bidyo na pinalo ng patpat at minumura ang ilang residente kahit pa mayroon itong ipinakitang quarantine pass.

Kuwento naman ni Kyle Lasalita, residente sa Maynila, naranasan niyang gipitin ng mga sundalo sa isang checkpoint sa Kalentong noong Marso 24 dahil sa paggigiit ng kanyang karapatan. Saad ni Lasalita sa kanyang post sa Facebook, hinarang siya kasama ang iba pang residente sa checkpoint dahil may travel ban diumano sa pagitan ng 2 pm hanggang 5 pm. Nang kuwestiyunin nito ang nasabing patakaran at humingi ng kopya ng memo, galit diumano siyang pinakutunguhan ng kausap niyang sundalo.

Aniya, sa puntong iyon ay lumapit na rin sa kanya ang iba pang sundalo at pinagtatanong siya ng “Sino ka ba? Ano ka ba? Saan ka nakatira? Ano’ng pangalan mo?” Sa wari niya’y pinag-initan na siya ng mga ito. Matapos ang halos tatlong oras, pinakawalan sina Lasalita at iba pang nadetine nang makumpirma ng officer-in-charge mula sa Manila Police District na walang umiiral na travel ban sa lungsod. Hindi umano humingi ng dispensa ang mga sundalo sa naturang checkpoint.

Samantala, marahas na inaresto ng kapulisan ang 21 residente ng Sitio San Roque sa Quezon City habang naghihintay ng ayuda sa tapat ng Alveo Land, EDSA noong umaga ng Abril 1.

Paratang ng kapulisan, nagrali diumano ang mga residente at lumabag sa ECQ kaya inaresto ang mga ito. Sinampahan ang 21 ng paglabag sa Republic Act No. 11496 o pagpapakalat ng maling impormasyon sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act at apat pang kaso. Nakalaya ang mga naaresto matapos magpiyansa ng P15,000 kada tao sa tulong ng mag-asawang sina Sen. Francis Pangilinan at Sharon Cuneta at ang anak nilang si Frankie at ang artistang si Jodi Sta Maria kasama ang iba pang organisasyon na nanawagan para sa pagpapalaya ng mga ito.

Ilang araw matapos ang pag-aresto sa mga humihingi ng ayuda sa San Roque, binulabog naman ng mga elemento ng kapulisan ang ikatlong araw ng Kusinang Bayan ng grupong Save San Roque noong Abril 6 sa lugar. Ayon sa grupo, dumating ang may 15 pulis bandang alas-10 ng umaga at umalis din matapos tanggalin at sirain ang mga karatulang nagsasaad ng hinaing ng mga residente para sa ayuda.

Iniutos diumano ni Lt. Col. Rodrigo Soriano, hepe ng QCPD Station 2, ang pambubulabog sa naturang aktibidad. Aniya, ipinagbabawal ang mga community kitchen habang umiiral ang lockdown. “Sa ganitong panahon, kailangan pa ba iyon?” dagdag pa nito.

Napabalita din ang pag-aresto ng mga pulis ng Quezon City sa 19 na manininda sa Elliptical Road dahil diumano sa ilegal na pagbebenta. Ayon sa mga manininda, natatakot diumano silang magutom kaya kinailangan nilang magtinda kahit pa may umiiral na ECQ. Kinasuhan sila ng paglabag sa RA 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act. Nakalaya na ang mga manininda matapos ng ilang araw na pagkakakulong.

 

Abuso sa kababaihan, PWD

Ibinunyag naman ng ilang netizen ang pang-aabuso at pambabastos ng mga pulis sa kababaihan.

Ayon kay Erla (di-tunay na ngalan), ilang beses niyang naramdaman ang pambabastos ng mga pulis sa checkpoint sa tinitirhang subdivision. Ipinatanggal diumano sa kanya ang helmet at facemask nito at binigyan ng contact number ng pulis.

Nang umalma si Erla, iwinasiwas ng naturang pulis ang awtoridad nito. Samantala, diumano’y makailang-ulit na tinawagan si Erla ng mga pulis sa isang checkpoint sa kanilang lugar. Aniya’y kursunada siya ng naturang mga pulis kung kaya’t tinakot diumano ng mga ito ang drayber ng Angkas upang makuha ang kanyang personal na mga impormasyon.

Sa Rizal naman, galit na galit na naghayag ng saloobin si Hanna Fiel, residente ng Cardona, laban sa mga sundalo na nagtangkang damputin ang kanyang kapatid na miyembro ng Persons With Disability (PWD).

Ani Fiel sa kanyang post sa Facebook, noong Abril 9, pilit diumano isinakay ng mga sundalo ang ang kanyang kapatid na mute at may special needs kahit na nakaupo lang sa tabi ng pintuan ng kanilang bahay.

“Kung hindi n’yo kayang gamitin ang puso nyo, kahit ’yung utak n’yo na lang. PWD ’yung kuya ko, pintuan ng bahay namin ’yun, bakit n’yo huhulihin?” puna ni Fiel sa mga sundalo.

Di-makataong parusa

Maging ang ilang kapitan, iba pang opisyal ng barangay at mga tauhan nito ay sangkot sa ilang abuso at paglabag sa karapatan. Sangkot ang mga ito sa paggawad ng parusang di-makatao na inirereklamo ng kanilang nasasakupan.

Naging tampok ang pagpaparusa ni Christopher Bombing Punzalan, kapitan ng Brgy. Pandacaqui sa Mexico, Pampanga sa mga lumabag sa curfew. Sa Facebook Live ni Kapitan Punzalan noong Abril 5, nakuhaan ng bidyo ang tatlong miyembro ng komunidad ng lesbians, gays, bisexual, transgender, + (LGBT+) na kanyang pinagsayaw ng malaswa sa harap ng menor-de-edad na lalaki. Humingi ng tawad ang nasabing kapitan pero pinandigan niya ang parusa sa nasabing mga residente.

Humingi naman ng hustisya ang netizen na si Scarlett Greicie Heart para sa kanyang kapatid na PWD na diumano’y binugbog ng mga tauhan ng Brgy. Rizal sa Dinalupihan, Bataan noong Abril 5 bunsod ng pagrereklamo nito nang hindi naisama sa listahan ng barangay para sa Social Amelioration Program.

Ayon kay Scarlett, sapilitang kinuha ng mga tanod ang kanyang kapatid na si Alex Reyes, may psycho social disorder, at pinagtulungan bugbugin ng kagawad ng barangay, tatlong tanod at isa pang tambay habang kinukuhaan ng bidyo ang pangyayari. Pinipilit pa diumano si Reyes ng mga sangkot na tauhan ng barangay ng maglabas ng public apology hinggil sa pangyayari.

Idinulog na ni Scarlett ang reklamo sa opisina ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa probinsiya.

Liban pa ang mga ito sa di-makataong parusa at pamamahiya sa mga nadampot tulad ng pagsasakay sa kulungan ng baboy, pagbibilad sa init ng araw, pagpapalakad ng tulad ng pato, pagpapahiga sa kabaong at marami pang iba.

Screenshots ng mga post ni Kapitan Bombing Punzalan ng Brgy. Mexico, Pampanga.

Screenshots ng mga post ni Kapitan Bombing Punzalan ng Brgy. Pandacaqui sa Mexico, Pampanga.

Pasismo sa gitna ng pandemya

Naging malaki ang pagkadismaya ng mga mamamayan sa pagharap ng administrasyong Duterte sa paglaban sa Covid-19.

Para sa kanila, walang kongkretong plano ang gobyerno, mula pa noong unang bahagi ng taon hanggang sa kasalukuyang yugto ng kuwarantina, para sa mapigilan man lang ang lumaganap, kundi man masugpo, ang Covid-19. Kaya lumaganap ang mga kritisismo mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan kay Duterte at nagtrend pa ang #oustduterte sa social media platforms noong huling mga araw ng Marso. Dahil dito, gumawa ng hakbang ang gobyerno upang patahimikin ang mga kritiko.

Matapos maghayag ng diskuntento sa tugon ng gobyerno sa covid-19, isinuplong si Joshua Molo, editor-in-chief ng Dawn, opisyal na pahayagan ng University of the East, ng mga dati nitong guro sa kapitan ng kanilang barangay at mga elemento ng PNP.

Kasabay ng pagpilit ng mga naturang guro na gumawa bidyo ng public apology, ni-red-tag at binantaan ng mga pulis na sasampahan ito ng kaso si Molo sa diumano’y paglabag sa Anti-Cybercrime Law. Dinepensahan naman ng College Editors Guild of the Philippines at Karapatan ang naturang mamamahayag pangkampus na anila’y bahagi ang pagsasabi ng pagkadismaya sa pamamalakad ng gobyerno sa kalayaan sa pamamahayag.

Ayon naman sa tagapagsalita ng DILG na si Usec. Jonathan Malaya, wala umanong mali sa ginawang kritisismo ng mamamahayag na si Molo sa gobyerno at wala itong intensiyon na magsampa sa kanya ng kaso.

Sinabi rin ni Duterte sa talumpati nito noong gabi ng Abril 3 na maaari siyang punahin ng sinumang hindi “masaya” sa kanyang pamamalakad.

Ngunit sa kabila nito, ipinatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mahigit 12 indibidwal na diumano’y nagpapakalat ng disimpormasyon o fake news. Kinumpirma ni Ferdinand Lavin, deputy drector at tagapagsalita ng NBI na ipinatawag nila ang naturang mga indibidwal noong Abril 7 para magpaliwanag hinggil sa diumano’y paglabag sa Art. 154 ng Revised Penal Codeo ang “unlawful use of means of publication and unlawful utterances in connection with your publicly posted article concerning an alleged misused (sic) of government funds.”

Hinawakan naman ng human rights lawyer na si Jose Manuel “Chel” Diokno ang kaso ng mga nakatanggap ng subpoena. Ayon kay Diokno, “Tinanggap ko ang kasong ito dahil di na makatao ang nangyayari. Ang dami nang namamatay, pati frontliners, pero imbes na Covid-19, kritiko ang gusto nilang puksain.”

Samantala, naglabas naman ng memorandum ang Department of Environment and Natural Resources na “nag-aabiso sa kanilang mga empleyado na huwag magkomento o magpost ng negatibo sa social media na laban sa gobyerno.” Inilabas ang naturang memo noong Abril 6 na pirmado ni Assistant Regional Director for Management Services Engineer Marcos G. Dacanay na nakatuon sa provincial, city at regional division offices ng nasabing kagawaran.

Binatikos ni Manuel Baclagon, pangkalahatang kalihim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), ang naturang memorandum. Aniya, nakabatay ito sa false premise na walang karapatan ang government employees na ihayag ang kanilang pananaw, lalo na’t kritikal sa polisiya ng burukrasya. Aniya, “Hindi dapat alisin ng mga kawani ang kanilang constitutional rights sa malayang pagpapahayag, sa kanilang pagpasok sa trabaho.”

Joshua Molo, editor in chief ng pahayagang pangkampus na Dawn sa University of the East. Larawan mula sa kanyang FB post

Joshua Molo, editor in chief ng pahayagang pangkampus na Dawn sa University of the East. Larawan mula sa kanyang FB post

Dating abuso, ganap pa rin ngayon

Higit pa sa simpleng pagkakaso sa mga kritiko, patuloy pa rin ang extrajudicial killings, pag-aresto batay sa gawa-gawang kaso, pambobomba sa mga komunidad at iba pang porma ng paglabag sa karapatang-tao.

Kamakailan lang, dalawang aktibista ang naging biktima ng extrajudicial killing sa Visayas at Mindanao. Pinatay noong Marso 17 si Marlon Maldos, coordinator para sa Visayas ng pangkulturang grupo na Sinagbayan, sa Tagbilaran, Bohol habang si Nora Apique, senior citizen, isang lider-pesante sa Caraga mula pa ng 1980, binaril hanggang mamatay ng riding in tandem, sa Surigao del Sur. Bago patayin ang dalawa, tuluy-tuloy ang panghaharas at pagbabansag sa kanilang “pula” (redtagging) ng mga puwersa ng Estado at paramilitar sa kanilang lugar.

Inaresto naman ng mga elemento ng PNP ang lider-magsasaka sa Brgy. Bonbon, Butuan City, Agusan del Norte na si Proceso “Tatay Sisoy” Torralba, 71, noong Abril 11. Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, gawa-gawa ang kasong “kidnapping and serious illegal detention” na isinampa kay Tatay Sisoy na anila’y walang anumang kaugnayan sa insidente ng pagkakahuli ng New People’s Army sa 16 sundalo at miyembro ng Civilian Active Auxiliary noong Disyembre 2018.

Kasalukuyan siyang nakakulong sa istasyon ng pulis sa Ampayon.

Marahas naman na binuwag ng may 100 elemento ng kapulisan ang barikada ng mga residente sa Brgy. Didipio, Nueva Vizcaya noong Abril 6 upang magbigay daan sa tangke ng langis papasok sa mining site ng OceanaGold, multinasyunal na kompanya. Itinaboy ng mga nakasuot ng full battle gear na mga pulis ang may 30 residente sa lugar at inaresto si Rolando Pulido, tagapangulo ng lokal na samahan.

Mula pa Hulyo 2019 nakatayo ang barikada sa lugar upang igiit ang kahilingan ng mga residente na itigil na ang malawakang komersiyal na pagmimina sa lugar.

Tuluy-tuloy din ang operasyong militar at pambobomba sa mga komunidad sa ilang probinsiya tulad ng Rizal, Quezon, Iloilo, Bukidnon at Zamboanga Sibugay sa kabila ng umiiral na tigil-putukan sa pagitan dapat ng gobyerno at rebolusyonaryong mga puwersa. Ayon sa chief information officer ng Communist Party pf the Philippines (CPP) na si Marco Valbuena, pinatindi diumano ng Armed Forces of the Philippines ang pagdeploy ng puwersa sa naturang mga lugar. Dagdag pa ni Valbuena, sa lumipas na tatlong linggo, nagsagawa ng kontra-insurhensiyang operasyon ang tropa ng AFP sa may 62 bayan at sumasaklaw sa 91 barangay. Labag diumano ito sa apela ng United Nations at mismong utos ni Pangulong Duterte na magkaroon ng ceasefire.

Hindi rin tumigil ang red-tagging ng gobyerno sa mga kritiko maging ang mga abala sa paglulunsad ng relief operations sa mga naapektuhan ng ECQ. Tahasang pinaratangan ng hepe ng Southern Luzon Command ng AFP na si Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr. ang mga progresibong organisasyon na aniya’y sinasamantala ang krisis ng Covid-19 upang makakalap ng pondo na diumano’y para sa CPP.

Pero sa kabila ng paratang ni Parlade, tuluy-tuloy ang pagsuporta sa relief efforts ng progresibong mga organisasyon sa iba’t ibang panig ng bansa.

‘Hindi isinasantabi ang mga karapatan’

Inalmahan ng ilang human rights lawyers ang umano’y pahayag sa isang interbyu sa telebisyon ni PNP Chief Gen. Archie Gamboa na hindi kailangan at walang kaugnayan ang karapatang panto sa kasalukuyang hinaharap na krisis pangkalusugan.

Sa isang joint statement ng mga abogadong sina Antonio La Viña, Neri Colmenares, Chel Diokno, Edre Olalia, Erin Tañada at marami pang iba, ipinaalala nila sa hepe ng PNP na ang tamang proseso at pagrespeto sa mga karapatan ay hindi suspendido sa gitna ng krisis pangkalusugan. “Maging sa ilalim ng batas militar, ang Konstitusyon ay mayroong safeguards at proteksiyon laban sa posibleng pag-abuso ng mga may awtoridad.”

Pinuna din sa naturang pahayag ang anila’y pagkadismaya ni Gamboa sa papel ng human rights lawyers na tumugon sa ordinaryong mga mamamayan na humingi ng tulong. “Gumagampan ng ang human rights lawyers ng kinakailangang papel sa pagtitiyak na ang mga karapatang ito ay napoprotektahan at nasusunod ang tamang proseso,” anila.

Ayon naman sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), hindi isinasantabi ang mga karapatang mabuhay, sa pangkalusugan, sa batayang serbisyong panlipunan, sa malayang pamamahayag, ang makilahok sa mga usapin na may pampublikong interes, at marami pang batayang karapatan. Anila, nagiging mas mahalaga at may kahalagahan ang mga ito sa mga sitwasyon tulad ng umiiral ngayon.

Abogadong pangkarapatang pantao na si Edre Olalia. <b>PW FIle Photo</b>

Abogadong pangkarapatang pantao na si Edre Olalia. PW FIle Photo

“Kahit sa panahon ng emergency, walang sinuman ang obligado – sa legal man o hindi – na manahimik at payagan, ng walang pagprotesta ang isang paglabag ng kanyang karapatan o sa ibang tao. Kaugnay nito, walang sinuman ang dapat maaresto sa paggigiit ng kaparehong karapatan,” ani Edre Olalia, abogadong pangkarapatang pantao na presidente ng NUPL.

Humingi rin ng paglilinaw ang naturang human rights lawyers sa hepe ng PNP hinggil sa paggamit ng salitang “pag-aresto” na tumutukoy sa paglalagay sa kustodiya ng pulis sa mga lumabag sa ECQ. Ayon pa sa kanila, hindi ito umano angkop at “legally untenable” (walang batayan sa batas) dahil nagaganap lang ang pag-aresto matapos maisagawa ang krimen. Anila, walang krimen sa ilalim ng guidelines na nagbibigay ng legal na batayan para sa pag-aresto at detensiyon.

Mahigit 17,000 na ang naaresto ng mga diumano’y lumabag sa ipinapatupad na ECQ. Naging batayan ng PNP sa mga pag-aresto ay ang paglabag sa curfew at di pagsunod sa mga protocol ng kuwarantina.

Imbes na matapos noong Abril 14, pinalawig hanggang 11:59 pm ng Abril 30 ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kamakailan ang ECQ.